Friday, March 15, 2019

BABANG-LUKSA


Isang taon mula noon
Totoong nasa matahimik na siya ngayon.
Parang kaylan lang siya’y sinubok ng panahon.
Ngayo’y malaya na siya sa hirap ng kahapon.

Isa sa napakalungkot ang magpa-siyam.
Iyung ipinagdadasal mo dahil siya’y namaalam.
Mabigat sa dibdib tignan kanyang larawan,
nasa altar may mga kandila siya’y iniilawan.
Hanggang matanggap sa pa-apatnapung araw,
isang taong nakalaan para sa kanya araw-araw
at sa babang-luksa magtatapos na ang panglaw.
Ang mga anghel sa langit kanya ng kasayaw
Ngayo’y may katuwaan sa balintataw.

Nagpapasalamat ako sa Diyos,
dasal ko’y ibinigay Niya nang lubos.
Ang sakit at takot ay natapos,
at siya ay kupkupin nang taos.
Pagkatapos ng paghihirap sa lupa,
nasa mapayapang lugar na siya.
Sa taong walang paghihinala sa kapwa,
walang masamang tinapay, walang malisya,
naging madali siyang ipagdasal sa Maylikha.
Pagkatapos ng ilang araw ng panaghoy at sakit,
ngayo’y nasa walang hanggang tuwa ng awit.
Kapiling na niya ang Diyos sa langit.

Wala sa mga kulay ang nagluluksa.
Wala ito sa mga seremonyas na ginagawa.
Wala sa pakitang-tao ang pagluluksa.
Upang sundin lang ang nakagisnang gawa.
Ang mahalaga, sa isip siya’y hindi nawawala.
Nasa puso at isip ang totoong pagaalaala.
Mas ramdam ito ng namaalam na kaluluwa.
Pabaon sa kabilang-buhay sa simula.
Sa pagtatapos ng babang-luksa.

Isang taon mula nuon,
si Nanang sa dapit-hapon -
babang-luksa na ngayon.

No comments: