Saturday, August 10, 2019

PASALAMATAN ANG MGA KAIBIGAN


Ang kasabihan nga, ang tao ay hindi makakapag-isa.  Kakailanga’t kakailanganin niya ang makisalamuha, makibagay at makipagkaibigan sa ibang tao.  Dahil kung sino man ang mga nasa tabi mo, mayroon kang kakailanganin sa kanila nang hindi mo magagawang mag-isa.  Bukod sa magiging katuwang sa buhay, mas mabuti na magkaroon ka ng isang totoong maaasahan, makakasama at makakapalagayang-loob habang kung saan ka man naroroon.  Dahil ang mundo natin ay pakikisama at pagbibigayan,.kailangan mo ang pakikipagkapwa-tao.  May mga kasama tayo na hindi natin matawag na matalik na kaibigan dahil may mga limitasyon pa kayo sa isat-isa. Hindi naman masasabing ordinaryong kaibigan dahil naikukuwento na ninyo sa isat-isa ang mga lihim, nakaraan at ang mga plano. Naiiba dahil masasabing malapit na kaibigan pero kailangan pang patunayan – natatanging kaibigan siguro hanggang maging siya na ang iyong pinaka-kaibigan.  Ang kaibigan ay ang iyong anghel na tagabantay.  Siya ang iyong magulang na susuhetuhin ka, kapatid na tagasumbong ng iyong mga kakokohan, at kaaway na kokontrahin ang mga pagkakamali mo pero ipagtatanggol ka.  Ano man ang inyong pagkakaibigan, tipong panganay at bunso, o iyung parang magulang ang isa, o tila mag-asawa na laging magkasama, ang pagkakaibigan ay dapat pahalagahan at alagaan upang mas lalong tumibay ang pagmamahalan.

Masarap isipin na mayroong isang tao na hindi mo kaano-ano pero naririyan na nagmamalasakit sa iyo.  Hindi mo karelasyon pero nakakasama mo lalo na sa mga panahong walang-wala ka, bagsak na bagsak, o basta’t kailangan mo lang ng makakausap o makakasama.  Sila ang kaibigan.  Maraming magdaraan ngunit mahirap matagpuan.  May agad nagkakapalagayan ng loob dahil magka-tugma ang pagkatao, mayroon ding magka-iba ngunit magkasundo.  Maaaring iba ang inyong pagkakaibigan.  Sinubok na ang kaibahan nito sa ibat-ibang pagkakataon – minsan nahihirapan kayong ipaglaban, pinagdududahan kung itutuloy pa ba o may saysay pa bang ituloy?  Pero sila rin sa isat-isa ay tanggap ang kapintasan, kamalian, kakulangan at kasalanan ng bawat-isa.  At alam nilang naging totoo, tapat at may malasakit sila kaya sino pa ang magsasama kundi sila’t-sila din.  Nahihirapan minsan pero mas gusto pa rin ang kagandahan ng pagkakaibigan, may mga problema pero ang mahalaga ay nalulusutan at nakikilala pa nila ang isat-isa.

Magkaiba kayo ng personalidad pero tanggap ninyo ang samahan ninyo na angkop sa isat-isa dahil pareho kayong maunawain at mapagbigay.  Iyung kapag tanggap ang kababawan, kamalian, kalokohan, kakulangan, bakit mo pa nga ba hahayaan mawala ang pagkakaibigan?  May mga pagtatalo, nag-aaway, nagkakasakitan ng loob dahil sa mga binibitawang salita, pero kapag humingi ng tulong, kahit galit ay walang magagawa kundi tutulong din, at pagkatapos niyon kinakalimutan ang nangyari ngunit hindi ang natutunan.  Iyung kahit may ginawang kinalokohan pero –dahil siya yung nagpaingay ng siryoso mong buhay.  Iyung may mga hinanakit ka pero nawawala kapag nasusuklian ng kabutihan.  Kung may hindi pinagkakasunduan, iwasan lang ang maungkat.  May mga bagay na gusto kang gawin pero alam mong hindi niya magugustuhan kaya hindi mo na lang ginagawa – iyun ang respeto.  Magparaya ka at ikaw ay pagbibigyan, magskripisyo at ikaw susuklian.  Kapag sinabi na pinilit ang sarili na gawin ang isang bagay para lang mapagbigyan o mapasaya ang kaibigan, isinakripisyo ang sarili para lang hindi mapahamak ang isa, hindi ba’t nakakatuwa itong malaman kung kaya nakukumbinsi mo ang sarili mong magpasalamat dahil mayroon kang isang kaibigan.

Isang pasasalamat sa mga kabutihan, sa mga araw na pinagsamahan, sa naging pagturing bilang kaibigan.  Sa loob ng matagal na panahon, naging kakampi sa problema, pamawi sa kalungkutan, pantakip sa kakulangan, at tagapagdulot ng kabutihan – salamat sa alaala.  Saan man tayo mapadpad, kailangan natin maghanap ng isang kaibigan, ngunit tanggapin natin na maaaring hindi ito pangmatagalan na anumang oras ay kailangang magkalayo.  Masakit iyung araw-araw mong nakakausap ngunit isang araw ay wala ng pagkikita at hindi na nagkakausap.  Sana sa araw na hindi na nagkikita, kapag iyung kahit matagal-tagal na’ng hindi nagkakausap o nakakasama pero malalaman mo na lamang na ipinagtatanong ka pala niya sa ibang tao.  Kinakamusta o hinahanap – hindi ba’t nakakatuwang malaman ang ganuon dahil napapatunayan mo yung pagiging totoo niyang kaibigan sa iyo, nararamdaman mong nagmamalasakit pa rin siya, hindi nakakalimot.  Salamat sa naiibang kaibigan, maaaring may hangganan ang pagsasamahan pero wala ang pagkakaibigan.

No comments: