Wednesday, February 13, 2019

BILANG ISANG TAGATAGUYOD


Sa kasalukuyang kalagayan ng ating politika na naglipana ang mga oposisyon, balimbing, panatiko, at loyalistang tagasunod, masasabi kong hindi pa naman ako nakakain ng sistema.  Natutuwa ako dahil hindi ko isinasakripisyo, ipinagpapalit at ibinababa ang aking pagkatao at personalidad na pinanghahawakan ko na sa matagal ng panahon.  Taas-noo, buo ang loob at malinis ang kunsensiya kong masasabi na hindi ako bulag na taga-sunod o taga-kontra ng isang tao o partido dahil sa mga kadahilanang ito:

Hindi ako yung uri ng tagasuporta ng isang tao o partido dahil siya ay taga-Rizal, taga Ilocos, taga-Mindanao o taga-Davao, taga-Tarlac o taga-Pampangga o kung taga-saan man, ay anumang mangyari ay palagi at agad-agad akong sunud-sunuran at suportado ang naturang tao sa mga kahit ano kanyang sinasabi at ginagawa, kahit mali.  Tinitimbang ko pa rin ang tama at ayon sa aking prinsipyo, pinapaniwalaan at ipinaglalaban.  Kung minsan ay kailangan ko ang magbago ng kaunti pero hindi dahil kababayan mo lang ay kakampihan at itataguyod mo na. 

Hindi ako yung uri ng tao na lahat na lang ng tungkol sa isang tao o partido na gusto o kinabibilangan ko ay ang maganda, magaling, mabuti, at tama.  Iyung lahat ng sinasabi niya ay tama, lahat ng mga taong malapit sa kanya ay magaling, at lahat ng tungkol sa kanya ay maganda at mabuti.  Hindi ako tagataguyod o tagahanga na wala ng ibang magaling kundi ako, kami at amin at ang lahat ng kapanalig ng iba ay masama, mahina, pangit at mali. 

Hindi ako yung tao na sinomang hindi kapanalig, sinomang tumuligsa at sinomang kumontra sa tao o partidong nagugustuhan ko ay kakalabanin ko na rin at wawasakin pa.  Iginagalang, isinasabuhay at pinapahalagahan ko pa rin ang respeto sa opinyon ng ibang tao.  Kung hindi ko naman ikapapahamak, o kung wala naman itong malaking kahulugan ay hinahayaan ko na lang ang kanilang opinyon.

Lalong-lalo na hindi ako yung klase ng tao na gagawa ng kasinungalinan upang palabasin lang na tama at maganda ang aking pinapaniwalaang tao o partido.  Hindi ako mag-iimbento ng katuwiran o ng magandang bagay upang pagmalasakitan at ipagtanggol lamang ang isang tao o partido.  Kung mali ay kailangan kong sabihin ang totoo, mapa-kapanalig ko man o taga-iba, upang magkaroon ng aral, kaalaman at pagtatama kung kinakailangan.

Kung nagkakataon man na ako ay nagiging oposisyon, hindi naman ako iyung ang lahat na lamang na gawin ng kasalukuyang administrasyon ay kinokontra ko.  May mga bagay at isyu rin na sinusuportahan at pinupuri ko ang ating pamahalaan.  Hindi ako panatiko o loyalista dahil marunong pa rin akong magpahalaga, kumilala at magpasalamat sa mga magagandang bagay na ginagawa ng mga hindi ko kapanalig.  At kaya ko pa ring magsalita ng maganda at mabuti sa kanila kaya malinaw na hindi ako bulag na tagataguyod at tagasunod. 

Sa isang banda, hindi ako maka-kaliwa, oposisyon, o iyung pinakatalamak na katawagang dilawan dahil unang-una ay hindi ako laging naka-panig sa alin man sa mga ito.  Hindi ako maka-Aquino, hindi ako maka-partido Liberal, maka-GMA, maka-Bayan Muna, maka-Rappler, maka-channel-2, o kung anu pa mang maka-ganito o maka-ganyan.  May mga bagay at isyu din na kapag hindi ako pabor sa mga ito ay inihahayag ko ang saloobin ko.  Basta nakita o nararamdaman o naniniwala akong may mali ay hindi ko papanigan at tatanggapin.

Kung sa madalas na pagkakataon ay nagiging oposisyon ako, iyun ay hindi dahil kontra-bida lang talaga ako na gusto ko lang ang kumontra, o dahil ako ay isang mapagduda na tao, kundi iyun ay dahil nagkakataon lamang na halos lahat ng nangyayari sa ating politika at usaping panglipunan ay hindi ko gusto at hindi rin dahil ako ay dilawan.

Hindi tayo dapat maging bulag na taga-sunod, loyalista at panatiko ng isang tao dahil lang sa kababayan o gusto natin ang tao na ito kahit hindi naman karapat-dapat.  Hindi dapat na isang direksiyon lang ang ating nakikita at mga pabor lang ang naririnig.  Dapat ay bukas lagi ang ating isip at may respeto sa saloobin at paniniwala ng ibang tao.  Tama na magkaroon tayo ng pakialam sa mga isyu na bumabalot sa ating lipunan dahil mahal natin ang ating bayan ngunit kung nakakagulo at nagpapalala pa tayo ng sitwasyon ay makabubuting huwag na lang tayong magpaka-makabayan.  Kung totoo tayong tagataguyod na may malasakit sa ating bayan, hindi natin makakayanang ito ay ibagsak sa pamamag-itan ng labis na paglilingkod sa isang tao lamang o sa partido kundi dapat ay ang bayan ang siya nating paglingkuran.

No comments: