Thursday, February 28, 2019

MAY AALIS


May makikilala tayong mga tao
na magbibigay ng malaking pagbabago
at magiging bahagi ng ating pagkatao.

Isang tao ang aking nakilala.
Naging malapit ang loob ko sa kanya,
dahil may respeto sa pagkatao ng iba,
at ang kakulangan ko’y nauunawan niya.

Pinatuloy ako sa kanilang tahanan,
kung saan malayo sa aking pinagmulan.
Ang asawa at mga anak ay nakilala,
mandi’y nasundan paglaki ng pamilya.
Sa loob ng maraming taon nasaksihan,
ilan sa kanilang mga pinagdaanan,
may malungkot at may pagdiriwang.

Sa matagal na panaho’y tagapakinig ko siya,
ng mga saloobing umuukilkil sa twina.
Naging tagapagtago ng mga sikreto,
na bumabagabag sa isip at puso.
Marami na’ng tawa narinig ko sa kanya,
kahit yung minsan na pag-iyak din niya.
Maraming pagkain aming pinagsaluhan,
pati ang mga pagtatalo na nalampasan,
at ang mga kwento ng bilog na buwan.

Pagkatapos ng may halos sampung taon,
dumating na ang oras ng tila dapit-hapon.
May kailangang umalis, mayroong magtitiis.
Ayaw man ng isa ngunit ang isa ay may nais.
Ngunit dapat tanggapin kanyang pag-alis.

Higit sa kalungkutan ng paghihiwalay,
mas tingnan ang parating na tagumpay.
Kung para sa pangarap ay magtitibay,
walang pagdududa basbas aking ibibigay.

Walang kasiguraduhang
muli ko siyang makikita,
ngunit ang tiyak,
pagturing ko’y dala sa pagtanda.

No comments: