Wednesday, June 29, 2016

MANGARAP NANG GISING

Sa mga oras na ito, may katuwaan akong nararamdaman habang nangangarap nang gising tungkol sa mga bagay na nais kong mangyari sa malapit na hinaharap.  Kaysa sa magbalik-tanaw sa mga nagdaang pangyayari at karanasan masaya man o malungkot ay mas nakatuon ang aking pananaw ngayon sa aking mga plano sa mga susunod na taon.  Kaysarap isipin ng mga gusto mong gawin sa iyong buhay na parang nakikini-kinita mo ang iyong sarili at nararamdaman mo ang pakiramdam sa iyong pinapangarap na buhay.  Iyung pakiramdam mo ay lahat ay ayon sa plano mo at puro kaginhawahan dahil ang mga pinapangarap mo ay isinasabuhay mo na.  Talagang masarap ang mangarap ng gising.

Ilang taon mula ngayon, gusto kong iwanan na ang mapagdikta kong trabaho bilang manggagawa ng isang kumpanya upang tumigil na sa pagpapakapagod para kumita.  Iligpit ang mga gamit sa lamesa at isara ang ilaw at pintuan ng opisina upang tuluyan ng iwanan ang aking karera at intindihin ko na lamang ang aking sariling buhay.  Kaysarap isipin ng magiging buhay ko pagkatapos ng mahabang panahon ng pagtratrabaho ay malaya na ako sa responsibilidad sa aking pinagtratrabahuhan.  Iyung hindi na obligado na gumising nang maaga para magampanan ang responsibilidad na pumasok sa trabaho, iyung wala ng alalahaning mapahanga at mabigyan ng laging tamang trabaho ang amo, at pakitunguhan ang mga kasamahang may mga maling ugali.  Gusto ko ng magpahinga, buong buhay ko sa pagtratrabaho ay taga-sunod sa mga utos ng nakatataas sa akin.  Nakakapagod ang napakahabang halos tatlumpung taon na paglilingkod sa mga kumpanya lalu na kung ang pakiramdam mo ay hindi ka sulit sa kabayaran.   Ayoko na, gusto kong ako na ang may hawak ng aking oras at magpatakbo ng aking pang-araw-araw na buhay.

Sa aking pag-iisa, ang sarap damhin yung pakiramdam kong naruon na ako sa panahon at buhay na hinihintay ko.  Iyung buhay na wala ng iintindihing alalahanin dahil napaglingkuran ko na ang aking mga magulang, kapamilya at ilang kaibigan.  Nais kong gugulin na lamang ang aking mga araw sa pagpapakasaya sa pagiging retirado at pensyonado, damhin ang bunga ng aking pinagpaguran sa pagtratrabaho, tamasahin ang mga benepisyo, pribileheyo at respetong ibinibigay sa isang Nakatatanda.  Mananatili na lamang ako sa aking bahay-pangretiro na tinatawag kong “aking kaharian” dahil ito ay akin at dito ako ang “masusunod”.  Sa panahon na iyon, uunahin ko na ang sarili ko, gagawin kung ano ang aking gusto at kinagigiliwan.  Babalikan ko ang libangang kay tagal kong hindi nagawa – ang pagtatanim at pag-aalaga ng mga halaman sa aking bakuran.  Sa aking iginuhit, itatayo ko ang isang matibay at simpleng bahay upang gawin kong siyang aking paraiso.  Nakatayo sa isang malawak na bakuran, maraming namumulaklak na halaman sa harapan, sa likod at gilid ay may mga puno na namumunga ng kakanin at mga pananim na gulay.  May sariling pinagkukunan ng tubig, tahimik, maaliwalas at malawak ang lugar na siyang gusto ko, malakas ang sariwang hangin na nuon ko pa pinapangarap dahil kay tagal akong nagtitiis sa mainit, maingay at masikip na kabayanan.

At higit sa lahat, magsusulat ako kahit anung oras na masumpungan ko nang walang alalahaning hahadlang na kailangan kong unahin muna kaysa sa aking pagsusulat.  Napakarami kong dapat isulat, naghihintay lang ang aking mga lumang kwento upang isulat.  Tatapusin ko ang lahat ng mga nakabinbin kong mga kwentong kailangang dugtungan o wakasan.  Magpapahinga na ako mula sa ibat-ibang paglalakbay at isusulat ko ang mga naipong kwento at alala sa ibat-ibang lugar, panahon, at tao.  Ang mga sinauna kong isinulat nuong nagsisimula pa lamang ako na matagal na nakatago, kailangan ko silang balikan, ayusin, sinupin at pagsama-samahin sa isang libro.  Alam kong magagawa ko lamang ito kapag ang buong oras ko ay naibibigay ko na sa pagsusulat.

Sa aking pagtanda, hindi ko na pinapangarap ang maging patriaka ng aming pamilya, ang maging makapangyarihan at sinusunod dahil sa ako ang pinakamatanda.  Ang gusto ko lamang ay igalang ako bilang Nakatatanda, mabuhay nang wala ng iisipin problema at magpakasaya sa nalalabing buhay ng aking dapit-hapon.  Hindi ko pa nga lang alam kung mangyayari ang mga ito, kaya sa ngayon ay sinisikap kong maisaayos ang mga detalye ng aking ginagawang plano, ayusin ang daan patungo sa hinaharap at sana ay magtutuloy-tuloy lamang ayon sa aking paghahanda tungo sa pangarap kong ito.

Ni Alex V. Villamayor
June 29, 2016

No comments: