Monday, June 06, 2016

NASISIRANG PAGKATAO

Kapag nasira ang pagkakakilala mo sa tao, pwede pa ibalik sa dati ang iyong pagkakakilala sa kanila ngunit kadalasan ay mahirap na itong mangyari dahil bagkus ay nadadagdagan pa ito upang lalo silang masira sa pagkakakilala mo.  Marahil ay dala ng ating mapanghusgang pandama ay nagiging masyadong tutok na tayo sa kanilang mga kapintasan kaya iyun ang mga nakikita natin o ginagawan lang natin ng hindi magandang pakahulugan ang mga ginagawa nila.  Ngunit kung ikaw ang tao na may pang-unawa at walang pagtatanim ng sama ng loob ay hindi mo ito mapagdadaanan dahil umiiral lamang talaga ang iyong pandama sa mga nangyayari.

Lahat tayo ay may mga maling akala.  Kung ang akala mo sa isang tao ay malapit ang loob sa kapwa ngunit malalaman mo na lang ang ugali niya na mapagmataas, mapang-husga, mapagmatigas at mapaghiganti, duon mo mararamdaman na nag-iiba at nasisira ang pagkakakilala mo sa kanya.  Kasunod nito ay mapag-iisip mo kung bakit nga ba sa kabila ng pagiging malapit niya sa mga tao ay marami ang mga nagagalit sa kanya.  Dahil mataas ang tingin sa kanyang sarili, alam mong ang ikakatwiran niya ay wala siyang paki-alam, o sasabihin niyang siya ang nasa katwiran, o hindi mo kinakitaan ng pagsisisi kaya kitang-kita mo na ang asal niya.

Kung dati ay naririnig mong panay ang pintas niya sa mga taong may ginagawang mali sa trabaho o sa kanilang ugali, ngunit ngayon na nalaman mo na siya mismo ang gumagawa ng mga ipinipintas niya nuon ay mararamdaman mo na nasira na naman siya sa iyo.  Kung nuon ay galit na galit siya sa mga hindi sumusunod sa patakaran ngunit ngayo’y binibigyan-katwiran na niya ang mga tao dahil kahit siya hindi na din sumusunod sa patakaran.  Sila yung kapag ginagawa ng kapwa nila ay mali ngunit kapag sila ang gumawa ay walang problema.  Mahirap magsalita dahil hindi mo alam na kapag ikaw na ang napunta sa sariling sitwasyon ay magagawa mo rin ang ginawa nila.

Nuon ay may mga sinasabi siya na hinding-hindi niya gagawin at mga ayaw na ayaw niyang bagay ngunit ngayo’y kinain niya lahat ang kanyang mga sinabi, sirang sira na naman siya sa iyo.  Yung mga bagay na kinamumuhian, ipinapangako at mga ipinapayo niya nuon sa mga kausap na huwag gawin ang ganito o ganun ay bumabalik sa kanya at ngayo’y pinagpapakasasaan niyang ginagawa.   Kadalasa’y sinusubok ang mga taong nagsasalita ng tapos.  Mahirap ito dahil marami ang nakikinig sa iyo at alam nila kapag hindi mo nagawa ang iyong sinabi.  Mahirap ang dumura sa langit dahil ang lagapak ay sa sarili mong mukha.  Parang aso o pusa na kinakain ang sariling isinuka. 

Ang hirap kasi sa mga taong maraming alam  ay kadalasa’y ugali na nila ang mamintas ng kapwa.  Iyung taong laging may katwiran na ang gusto’y sila ang palaging tama at ang masusunod ay sa dami ng mga pinakawalan nilang salita at pintas nuon ay nagbabalikan ngayon lahat at tumatama sa kanila.  Sa dami ng mga tao na kanilang pinintasan at hinusgahan nuon, ngayo’y nalalagay sila sa katulad na sitwasyon at sinusubok kung gaano kalakas ang paninindigan nila sa kanilang mga sinabi.  Iyun nga lamang, sa kabila ng kanilang katalinuhan ay wala naman pala silang isang salita at pagpapahalaga sa sinabi.  Huwag na lang magsalita kung hindi kayang panindigan ang mga sinabi.  Kung mas marami kang sinasabi, mas marami kang magiging pagkakamali.  Mas tahimik, mas walang problema upang hindi masira ang iyong pagkatao. 

Ni Alex V. Villamayor
May 29, 2016

No comments: