Friday, July 08, 2016

ISANG PAGMUMUNI NGAYONG RAMADAN

Naging mabigat ang aking trabaho nitong nagdaang mga araw at nang sumapit ang ilang araw na walang pasok  dahil sa pistang pangilin ng Ramadan, sinamantala ko ito upang ipahinga ang aking katawan at isip mula sa mapang-hamong trabaho.  At sa ilang araw kong pag-iisa at pananahimik ay nagkaroon ako ng pagkakataon na makapagmuni-muni sa aking mga ginawa nitong mga nagdaang araw, buwan at taon na rin.  Dala sa hatid na kabanalan ng Ramadan at dahil na rin sa katatapos kong gawain nuong Mahal na Araw nang magbakasyon ako ay napag-isip ko at tinanong ko ang aking sarili kung mabait ba ako? Mabuti pa ba akong tao?

Liban sa hilig ko sa mga magagandang tanawin, ayaw kong magbuhay-magarbo, managhili sa mga materyal na bagay, maghanap ng mga kasayahan, at subukan ang mga makamundong bagay – pinili ko ang maging simple lamang tulad ng madalas na naririnig ko sa mga Muslim ngayong Ramadan na itatwa ang mga luho.   Iniwasan ko ang malimit na selebrasyon at sa halip ay maglaan sa pagtulong.  Ito ba ay pagpapakita ng kabaitan?  Alam kong kailangan kong mag-ipon, ngunit hindi ko kaya ang gumawa ng bagay na hindi patas upang magkaroon ng karagdagan at labis na pera.  Ayokong maging abusado.  Pinipili ko ang maging tapat, maging mahinahon kahit ang mga ito ay magpapahamak sa akin.  At natanggap ko rin ang aking sitwasyon upang hindi makiapid sa hindi asawa habang naririto sa ibang bansa.

Sa pagiging mapag-isa, natututunan ko ang manahimik at iwasan ang magpahayag ng saloobin sa mga nakikita kong ugali ng ibang tao na mapanghusga, mapanghamak at mapag-isip ng hindi maganda sa kapwa.   Sa pakikitungo ko sa kapwa, iniiwasan kong maging mapagmataas, dominante, masakit magsalita, pakikialam o panghihimasok, mapolitika, hindi patas at iyung mapagkunwari.  Kung ako ay masyadong mapagpaubaya, mapagbale-wala lang kung ang nangyari ay hindi ayon sa akin, o mapaghanap kung ano ang dapat sa akin – ito ba ay kabaitan o ako ba ay tanga lamang?  Kung ako ay hindi yung hindi-magpapatalo o tinatanggap kung niloloko lamang, kabaitan o katangahan ba ito?

Sa nakalipas na halalan sa Pilipinas, aaminin kong nadismaya ako sa ilang kasamahan, kaibigan, kamag-anak, at ilang kakilala dahil nakilala ko sila sa hindi ko inaakalang ugali nila.   May mga naturingang titulado at propesyonal ngunit parang sangano sa kanto kung magbitiw ng mga brutal na salita, may magandang mukha nga ngunit parang laking-kalye lang mangatwiran, at may kilalang relihiyoso ngunit wala sa kahinahunan ang kanyang mga opinyon.  Sa palagay ko naman, hindi ako nagpakawala ng mga salitang marumi, mahalay at taklesa o inalipusta ang isang tao upang iangat lang ang aking kandidato.  Ayokong makakasakit mapadamdamin man o pisikal. 

Ang mga nabanggit ko ay maliliit na bagay ng kabutihan, ngunit sa maliliit na bagay na ito kapag pinagsama-sama ay nararamdaman ko na mas nakahihigit ako sa mga kilala kong matatalino, malalaki ang suweldo, magagandang lalaki, mayayaman at may matagumpay na pamilya. Kung sinabi ko ang mga ito dahil gusto kong magpahayag ng niloloob at hindi para magpakitang-gilas - mabuti pa rin ba ito? Hindi ako banal o relihiyoso, may mga nagagawa pa rin akong mali tulad ng pagkuha ng hindi ko pag-aari dahil minsan ay nag-uuwi ako ng mga maliliit na kagamitan sa opisina.  Alam kong may kasalanan ako na mula pa nuon hanggang ngayon ang hindi ko maiwasan – sa taimtim kong pagdarasal ay pinipilit ko siyang labanan.   Sa lahat ng ito, masasabi ko pa ba kung ako ba ay isang mabuting taong?

Ni Alex V. Villamayor
July 8, 2016

No comments: