Thursday, July 28, 2016

HANGGANG BATA PA LAMANG

Kahanga-hanga ang mga bata na kahit maliit pa lamang ay marunong na ng mga gawaing-bahay.  May kaya man o mahirap at maging makabago man ang panahon ngayon ay kailangang matuto ang mga bata ng mga gawaing bahay.  Babae man o lalaki ay walang pinipili kung sino ang dapat na matuto ng paglilinis ng bahay, pagluluto, paglalaba o pamamalantsa depende na lamang sa mga magulang kung kailan dapat ituro.   Maganda na bago sumapit ang isang bata sa edad na lalabin-taunin ay marunong sa siya ng mga gawaing-bahay. Kahit ang paglilinis man lang banyo at kasilyas ay matutunan ng isang batang lalaki.  Depende sa edad at kakayahan ang simula, mula sa mga pangunahing bagay ay maituturo natin sa kanila hanggang sa mga bagay na malalaki at mahalaga.  At bilang magulang ay alam naman natin kung ano ang kaibahan ng pagtuturo sa pag-abuso.  Dahil hindi naman natin sila tuturuan ng mga gawaing-bahay upang makapagpahinga tayong mga magulang o makapag-laboy.  Tinuturuan natin sila upang maging independiente sila, magkaroon ng responsibilidad at matuto sa buhay.  Dahil darating ang panahon na ang mga batang ito naman ang magiging magulang na magtuturo sa kanilang mga anak, kaya magpapatuloy lamang ang pagpapalaki nang tama.  Kaya yung mga bata na kahit may kaya ang kanilang mga magulang ay marunong nga mga gawaing bahay ay lumalaking mahusay magbuo ng pamilya.

Nakakatuwa yung mga magulang na kahit may kaya sila, kahit ang mga magulang ay mga propesyunal na nagtratrabaho, na kahit nasa ibang bansa nagtratrabaho ang ama o ina at yung kaya nilang ipagawa sa katulong ang lahat ng gawaing-bahay ay naglaaan pa rin ng panahon na ipagawa sa kanilang mga anak ang ilang gawaing-bahay.  Dahil ipinapakita lamang nila na mapagpakumbaba pa rin sila at nagpapakita sila ng halimbawa ng pagkakapantay-pantay.  May mga magulang kasi na ayaw nilang malalaman na nahihirapan ang mga anak, yung nakikitang nagwawalis lang sa paaralan dahil ayaw mapagod o nakakababa daw sa paningin.  Mali ang paniniwalang ito dahil tinuturuan lang nila ang mga anak nila na maging mataas ang tingin sa sarili, ipamukhang ang trabahong paglilinis ay nakakahiya at ginagawa nilang mahina ang kanilang anak.  Ginagawa din natin silang materyalistiko kapag iminumulat natin sila sa paniniwalang mababang-uri trabahong paglilinis at maganda ang taong walang ginagawa.  Hindi nakakabawas ng karangalan sa mga anak nila ang turuan sila.  Hindi masamang mapagod sa gawaing bahay dahil panghabang-buhay na kaalaman ang ibinibigay nito kaysa sa mapagod sa walang kwentang bagay sa labas ng bahay.  Huwag kayong maawa sa anak ninyo kapag ginagawa nila ang gawaing bahay, mas maawa kayo kapag lumalaki silang walang alam.

Bakit ang iniisip agad natin kapag lalaki ay hindi dapat matutong maglinis ng bahay?  Bakit kapag kumikita tayo ng malaki ay ang gusto natin ay palakihin sa layaw ang mga anak natin na matutulog at babangon na lamang, magbibihis at itatambak sa marumihan ang mga damit o kakain na lang at pagkatapos ay iiwanan dahil may katulong o may ina na magliligpit ng lahat ng iniwan nila?  Hindi naman sinasabing kailangan nilang sila ang gumawa ng mga kailangan nila sa bahay dahil para ano pa at kumuha kayo ng katulong?  Pero yun na mismo, tutulong lang dapat ang katulong at kailangan pa ring matuto ang mga bata ng gawaing-bahay.  Kailangang matutunan pa rin ng mga bata ang gawaing-bahay dahil para sa kanila.  Paano nila malalaman na tama isang bagay kung hindi nila alam kung paano gawin ang mga iyon?

Sa tahanan nagsisimula ang lahat.  Dito natuto ang isang bata ng mga dapat gawin at tamang ugali.  Ang mga magulang ang magsisimulang magturo sa mga anak ng kung ano ang mga tama at ipaalam ang mga mali. Mula nuon hanggang ngayon ay ito ang dapat nangyayari, mula sa mga magulang mo at sa iyo hanggang sa mga magiging anak ng mga anak ay sa tahanan ninyo matututunan ang mga pangunahing dapat gawin.  Sa pakikisalamuha natin sa ibat-ibang tao ay nakikita natin ang mga ganitong tao.   Sa mga kasaama mo sa trabaho ay nakikilala mo kung sino yung hanggang sa tumanda na ay hindi marunong magligpit ng mga pinagkalatan, nagugutom dahil hindi makapagluto, walang alam sa paglilinis ng banyo ni ang tamang paglilinis ng pinagkainan.  Kung sila na umabot sa edad nila ngayon, ano pa nga ba ang maituturo nila sa kanilang mga anak ngayon?

Ni Alex V. Villamayor
July 28, 2016

No comments: