Tuesday, October 04, 2011

KULANG SA PANSIN

Kapag ang isang tao ay ginagawang ipakita, iparinig at iparamdam ang kanyang mga ginagawa – maaari mo siyang pag-isipan na nagpapansin lamang siya.  Yun bang ang kahit mga simpleng bagay ay kailangan pang maging kapansin-pansin na para bang nang-aagaw o nagtatawag ng atensiyon  – sila ang mga taong kulang sa pansin.

Kapag hindi ka makapag-hintay na kusang mapansin ng ibang tao ang iyong sarili at gumagawa ka na ng paraan na mapansin ka ng kapwa mo – kulang ka na sa pansin.   Dahil gusto mong makuha ang pansin ng mga tao upang malaman na nila ang gusto mong iparating  Gusto mong mapansin ka ng mga tao at tuloy na malaman kung sino o ano ka.   At tuloy ay mapag-uusapan na ninyo ang tungkol sa iyo at duon sa bagay na pinapapansin mo sa kanya.

Kulang sa pansin – gagawa at gagawa ng paraan upang  mapansin lamang ang gustong ipaalam.  Kung kailangan nga ba talagang gawin iyun ay hindi na niya masasabi kung hindi na siya makag-hintay na mapansin yun ng ibang tao.  Dahil kung pinapansin naman sila sa una pa lang ay hindi na sila aabot pa sa punto na kailangang gumawa ng paraan para magpapansin.

Sa umpisa kasi ay hindi siya napapansin.  At para mapansin ng mga tao ang kanyang presensiya ay gagawa siya ng paraan na makatawag ng pansin.  Kunwari ay hindi alam o yung patay-malisya lang na nagsasalita o sa galaw lang ng katawan ay nagagawa niyang makatawag ng pansin.  Kasi, kasiyahan niya na malaman ng mga tao ang kanyang mga kilos at mga bagay na gusto niyang ipaalam sa iba ng hindi niya direktang sasabihin sa iyo at kung ano talaga ang gusto niya.

Malalaman mo na yung ginagawa niya ay nagiging kapansin-pansin dahil sa pinapa-eksaherado niya ang pag-gawa.  Yun bang natatawag ang atensiyon mo dahil sa kanyang maingay na salita, magalaw na makilos, at makulay na ayos.  Ganun ang kanyang ginagawa upang mas madali siyang mapansin.  At kapag nagtagpo na ang inyong interes ay magkakausap na kayo ng mas matagal o mas malalim.

Kung sa normal na nangyayari lang ay hindi mo mamamalayan ang nangyayari.  Ngunit kapag nakita mo siya sa ginagawa niya ay talagang mapapag-isip ka kung bakit ganuon siya, at malalaman mo na lang na hindi naman talaga dapat niya ginawa iyon kundi gusto lang niyang magpapansin upang makita ng mga tao na naruon siya o malaman nila ang dapat nilang malaman sa kanya.

Sa kagustuhan niyang mapansin siya ng ibang tao, minsan ay kahit na yung mga bagay na kailangang ilihim ay kusang nalalaman ng ibang tao dahil na rin sa kanyang kilos – sinasadya man o hindi.  Dahil kung may pumapansin sa kanya sa una pa lamang ay hndi na niya kailangan ang magpapansin.

Narito ang ilang halimbawa ng mga kilos ng mga taong nagpapapansin:  Upang ipaalam na hindi lahat ng tao ay nakakapaglinis ng sariling sasakyan ay ipapahalata niya ang magalas na kilos sa paglilinis ng kanyang sasakyan.  O hindi naman kaya ay panay ang kanyang pagdaan sa iyong harapan upang ipakita lamang ang kanyang gamit.  Kung siya ay karatista ay pahapyaw siyang nagpapakita sa pagkilos ng kaunting kaalaman dito kahit ipinagbabawal sa kanilang kumilos ng ganuon sa maraming tao.

May mali sa mga taong kulang sa pansin.  Yung mga bagay na ipinagmamalaki niya na gusto niyang ipaalam ng hindi niya kailangang magsalita na lalabas na ipinagyayabang niya, duon siya nagpapapansin.  Palalabasin niyang wala sa loob na kusang lumalabas sa kanya ang katangian at kakayahan na siyang ipinahahalata niya sa mga tao.  Kayabangan  at kaduwagan, depende sa sitwasyon, ang umiiral sa mga taong kulang sa pansin – ito ang mga kamalian na dapat baguhin ng mga taong kulang sa pansin.


Alex V. Villamayor
September 29, 2011

No comments: