Tuesday, October 18, 2011

OCTOBER 18

Bigla kong naisip, ano kaya ang ginagawa ko nuong mga nakalipas na taon tuwing ika-18 ng buwan ng Oktubre?  Isang pangkaraniwang araw lamang na nagtratrabaho ako dito sa Gitnang Silangan nung mga nagdaang taon sa loob ng sampung taon.  Patuloy na binubuo nang nakangiti at pinagsusumikapan na makamit ang bahay na pinapangarap ko.

Sa pag-itan ng sampu at labing-limang taon, sa mga araw na iyon ay nagpapakahirap ako sa walong oras kada araw sa loob ng limang beses sa isang linggo na trabaho sa Pilipinas.  Nagtityagang gumising ng una pa sa sikat ng araw at umuuwing mas huli pa sa paglubog nito.  Nakikipag-siksikan sa makapal na tao sa abangan ng sasakyan at nagtitiis sa ngalay sa mahabang pila ng sasakyan.  Akala ko nuon ay makapagtrabaho lang ako ay gaganda at giginhawa na ang buhay ko.  Hanggang magbaka-sakali na magtrabaho sa ibang bansa at makidagdag sa dami ng mga nag-aaplay upang matakasan ang mahirap, magastos ngunit walang kulay at nakababagot na buhay. 

Kung sa dalawampung taon naman na nakalipas, nuon ay isa pa akong mag-aaral sa kolehiyo o sa highschool na matiyagang nag-aaral upang makatapos nang sa ganon ay hindi ako maging pabigat sa aking mga magulang at bayan.  Nakikipagkumpetisyon sa mga kasamahan upang malampasan ko ang labanan ng buhay estudiyante.  Ang pag-aaral ang tanging pangarap ko nuon dahil naniniwala akong ito ang makakapagpabago ng aking tatahaking buhay.  Iyun ang panahon na binubuo ko ang aking sarili upang maging anuman kung ano ang gusto kong maging.  Siguro nung mga panahon na iyun ay kasalukuyan akong nagiging mapag-isa sa buhay dahil na rin sa mga pagkakataon na ipinag-aadya ng panahon.

Kung tatlumpung taon na ang nakalipas, malamang ay nasa bahay namin ako nuon at naglalaro tulad ng isang pangkaraniwang bata na tumatakbo sa lansangan, nagsususuot sa mga halamanan, umaakyat sa mga puno at naglalaro sa tabing ilog.  Ano kaya ang hitsura ko nuon?  Ano kaya ang suot ko?  Ano kaya ang usong kanta nuon, ano kaya ang ulo ng mga balita nung araw na iyon?  At dahil papunta na sa huling bahagi ng taon ang mga araw na iyon, malamang ay nasasabik na ako sa pagdating ng Pasko at piyestang-bayan sa amin, ngunit may lungkot na pinapanood ang ibang mga bata na masayang naglalaro nang walang paki-alam sa iba. 

Ano ba ang mundo nuong ika-18 ng Oktubre?  Tatlumpu’t talong taon mula nuon, kaka-talaga pa lamang bilang pinakabagong Papa sa mundo ng Kristianismo si Papa Juan Pablo-ikalawa.  Sa mga sumunod na taon ay inamin sa balita ng pangulo ng Amerika na dumaranas sila ng resesyon.  Habang patuloy pa ang mga serye ng pagsusulit ng nukleyar sa U.S.S.R.  Iniisip ko ngayon ang mga ito dahil nagkaroon ng halaga para sa akin ang araw na ito.  Maaaring isang ordinaryong araw lamang para sa marami ngunit gusto kong bigyan ng halaga ang araw na ito para sa isang tao sa araw na kanyang-kanya.  Milya ang agwat ng oras namin, pati na ang layo ng pag-itan at ang dami ng aming pagkakaiba at tinahak sa buhay.  Kung sana ay iisa ang aming kinalakihang lugar at iisa ang aming sinimulang oras, disana ay naging malaki ang pagkakataon na magkakilala kami at mas maraming panahon ang nagugol namin sa aming pagkakaibigan.  Anu’tanuman, gusto ko lang gamitin ang pagkakataon na ito upang bigyang halaga at pasalamatan ang isang kaibigan sa kanyang ipinakitang kabutihan sa akin.


By Alex Villamayor
October 18, 2011

No comments: