Friday, October 06, 2017

BALITANG PEKE

Bakit ako galit sa mga naglipanang huwad na balita at gumagawa at nagpapalaganap ng mali, malisyoso at propagandang balita?  Dahil bilang isang manunulat, masakit sa akin ang pang-aabuso at pangsasala-ula sa kahalagahan, kagandahan at kasagraduhan ng pamamahayag.  Masakit sa akin ang pagbagsak ng kalidad at moral ng pamamahayag dahil sa mga taong natutuwa, gumagawa, tumatangkilik at nagpapakalat ng mga huwad na balita.  Mga taong walang malasakit, walang totoong kaalaman at walang malinis na pagmamahal sa sining ng pagsusulat.  Ibinababa nila ang uri ng manunulat.  Kung nakikita mong sinisira ng ibang tao ang mundo mong kinabibilangan, maramramdaman mo ang sakit at galit sa mga iresponsable at mga taong bumababoy at sumusuporta sa mga huwad na balita.

Ako ay isang manunulat.  Isang manunulat hindi sa hanap-buhay o propesiyon kundi mas higit pa dito dahil ako ay isang manunulat sa puso, sa isip at sa gawa.  Hindi ko ginagawang pangunahing kabuhayan ang aking kaalaman sa pagsusulat.  Kung magkaminsan at sa napakadalang  na pagkakataon, ako’y nakakatanggap ng maliit na kabayaran ngunit sa pangkalahatan, sa madalas na pagkakataon at higit sa lahat ng mga ito ay nagsusulat ako para sa mga tao.  Nagsusulat ako para sa mga mambabasa nang walang kapalit na kabayaran, gumagawa ng mga artikulo nang walang intensiyong gawing gatasan ang pagsusulat.  Dahil gusto ko lang ang magsulat ng magsulat.  Ito ang aking kahiligan, ito ang aking pag-ibig, ito ang aking buhay.  At mas masaya akong ganito dahil para sa akin ay hindi nababayaran at walang katapat na halaga ng pera ang isang artikulong isinulat nang buong-puso at bukal sa loob.  Kung may nakakaramdam ng lungkot sa pagbagsak ng kalidad ng pagsusulat, kung may nakakaramdam ng galit sa paglaganap ng mga huwad na balita, kung may mas nakakaunawa ng mga dapat at hindi dapat isulat, at kung mayroong nasa lugar para maramdaman ang mga ito, isa ako sa mga iyun dahil ako ay manunulat.

Sa pagdinig sa Senado tungkol sa mga huwad na balita, ramdam ko ang galit sa mga personalidad na nasa likod ng mga naglipanang may-kinikilingang tagalathala, babasahin at propaganda.  Nagpapakalat ng mga malisyoso, hindi tiyak o napatunayan, at mga iresponsableng inpormasyon.  Mga mapagbalat-kayong uri ng traydor ng bayan.  Mga umano’y pansariling kaalaman ang kanilang mga ikinakalat at sariling pag-aari ang mga babasahin na naglipana sa social media ngunit malinaw na ang mga ito ay propagandista.  Mga gumagawa ng mapanirang propaganda upang bayaran ng mga personalidad at grupo upang sirain ang mga taong kalaban at palakasin ang kinaaaniban nilang grupo.  Mga taong nagkaroon lang ng kaalaman sa pagsusulat at tapang lang ang naging puhunan upang isulong kung ano ang kanilang gusto maging mali man ang mga ito.  Sa ngalan ng pera, kapangyarihan, kasikatan at pribiliheyo, ang pagsusulat ng propaganda ay kanilang kakapitan.  Ang masakit, sinasabi nilang ang ginagawa nila’y kapasidad nila bilang pribadong mamamayan gayung ang totoo ay tauhan sila ng gobyerno upang magsulat ng mga pabor na bagay na binabayaran mula sa buwis ng taong-bayan.

Ikinukumpara ko ang sarili ko sa mga taong ito.  Ako rin ay nagsusulat at mayroon din akong mga isyu, opinyon at pinapaniwalaang personalidad sa pulitika, pananampalataya, kasaysayan at ibat-ibang interes.  Ngunit napakalaki ng pagkakaiba ko sa mga taong ito dahil kung anuman ang aking isinusulat at pinaniniwalaan, kung mali man ang mga ito para sa iba ay taas-noo ko pa ring sasabihing ginagawa ko ang mga ito nang ayon sa aking puso, isip at kunsensiya.  Hindi ko ipagbibili ang prinsipiyo, sisirain ang pagkatao, babaguhin ang pagiging matapat at ipagpapalit ang katotohanan dahil lang sa pera.  Kung dahil para sa iyo ay mali ang opinyon ko, hindi mo kaparehas o ayaw mo ng opinyon ko ay sasabihing mas masahol pa ako sa mga bayarang nagsusulat dahil sila ay nagsusulat lang para isulat ang dapat isulat dahil iyun ang trabaho nila, ito ay dala na ng labis mong panatismo at nabubulagan ka lamang sa iyong pinapaniwalaan.  Ang sabihing mas mabuti pa ang isulat nang maganda at palabasing maganda ang isang bagay dahil sa pera ay panlilinlang.  Hindi ako nangloloko ng mga mambabasa upang paniwalain sila sa hindi totoo at hindi ako nagsusulat ng puro papuri sa isang tao o bagay kundi kahit pagpuna at kapangitan ay aking isinusulat bilang kritisismo.  Nakakagalit makita ang mga mukhang pera, mga mapagbalat-kayong mga manunulat at makabayan.  Sila ang traydor at kalaban ng bayan dahil sila ang nagpapagulo, humahati at sumisira sa bayan na siyang totoong taksil sa bayan.  Kaya galit ako sa mga nagpapalaganap sa ng mga pekeng balita.


Ang pagsusulat ng pekeng balita ng mga bayarang manunulat ang siyang sakit na papatay sa panunulat,  pamamahayag, pagbabalita at peryodismo.   Maling-mali ang mga ito.  May wastong-asal at pamantayang tuntunin ng moralidad sa pagsusulat.  Lalong-lalo na kung ikaw ay isang tauhan ng gobyerno, kailangan mong gumawa at kumilos ng tama dahil napakalaki ng responsibilidad mo sa taong-bayan na maaaring maniwala at sumunod sa mali mong ginagawa at sinasalita.  Taong-gobyerno ka, anumang isulat o gawin mo ay kinakatawan mo ang gobyerno kaya hindi mo maaaring sabihing ang isinulat mo ay pansarili mong kapasidad kundi iyun ang pahayag ng iyong tanggapan.  Sa mga kaguluhan at kalituhang naidudulot ng iyong pansariling pahayagan, kailangang mamili ka na kung ano ba talaga ang pupuntahan mo.  Personal blogger ba o magsilbi sa gobyerno dahil mayroon ng salungatan sa interes mo.  Dahil anu’t anuman at sa dulo nito, ang lahat ng ginagawa mo ay binabayaran ng buwis ng taong-bayan.

No comments: