Monday, March 20, 2017

PUSONG NEGATIBO

Habang tayo ay nabubuhay, marami tayong mga nakikita, naririnig, nalalanghap, nakakasalamuha, nakakausap, nakikilala at nagiging kaibigan na nagkakaroon ng kinalalaman sa ating buhay.  Maraming karanasan at pangyayari ang umukit sa ating puso, isip, kaluluwa at katawan.  Minsan nananahan sila sa atin kung kaya nag-iiba-iba tayo ng ugali, kilos at pananalita sa ibat-ibang panahon ng ating buhay.  Kaya kung minsan ay nagiging matapang tayo o di kaya ay mapusok lang, o maramdamin, matibay, masayahin o mapag-isa.  Ang lahat ng ito ang nagpapabago o gumagawa kung ano ang ating ugali na ang mga pangyayaring ito ay mahirap makita ng ating sarili.  Ang mga tao na nakapaligid sa atin ang siyang madalas makapuna ng ating ugali pero kadalasan ay nahihirapan naman tayong intindihin at tanggapin kapag sila ay nagsalita sa atin ng puna at mungkahi kung sila ba ay naninira, nagsasalita ng totoo, nakiki-alam lamang o nagmamalasakit talaga.  Kung tayo ay nasasabihan ng ibang tao tungkol sa ating hindi magandang ugali na nahihirapan nating paniwalaan at tanggapin dahil sa palagay natin ay hindi totoo, kung ito ay madalas nating maranasan ay sandali tayong tumigil at mag-isip.  Mahirap kasi ang magpaliwanag sa taong matigas ang ulo, hindi tumatanggap ng katwiran at sarili lang ang sinusunod.  Kung ang mga nangyayari sa ating buhay at tila ba puro hindi magaganda, baka ito na ang paraan na ang tadhana na ang nagsasabi sa atin dahil hindi rin lang tayo nakikinig sa payo at paalala ng ating mga kaibigan, kamag-anak, kasamahan dahil nga may katigasan ang ating ulo kaya tadhana na ang nakikipag-usap sa atin. 

Matuto tayong maglinis ng ating puso upang gumaan ang ating dalahin sa araw-araw.  Subukan nating maglinis ng ating mga puso sa pamamag-itan ng pagpapatawad sa mga taong naka-galit o nakasamaan natin ng loob.  Magpatawad tayo.  Alisin natin ang galit, hinanakit at inggit na kumukubkob sa ating mga puso na siyang nagpapabigat ng ating dalahin sa pang-araw-araw na buhay.  Kung may galit tayo sa isang tao o bagay na ilang taon ng namamahay sa ating mga puso, kung sila man ang may pagkakamali, pagkukulang o kasalanan ay patawarin na natin sila upang gumaang na ang ating pakiramdam at daloy ng buhay.  Huwag nating patagalin ito dahil kung hahayaan lang natin ito ay magiging matigas ang ating kalooban na hindi na natin makaya ang magpatawad at lumimot.  Ang nga negatibong damdamin na ito ang humuhubog sa atin na maging pusong-bato na nagpapadilim at nagpapabigat ng ating kinalalagyan.  Paliliitin nito ang ating mundo na umaabot sa puntong umiiwas tayo sa isang kaganapan dahil naroon ang tao na sanhi ng ating galit, hinanakit at inggit.  At sa pagkakataong ito ay tayo ang nawawalan, nahihirapan at ang talunan.  Maaari bang magpakabait na tayo?  Gusto natin ang maging mabuting tao, kaya ano ba ang masama kung magpatawad tayo?  Kung titikisin natin ang magpatawad dahil lang sa sariling-ego, sino ba ang may dalahin, sino ba ang nagkakasala, sino ba ang nahihirapan?


Kung sa kabila ng pagpapatawad ay hindi natin maiiwasang kalimutan ang mga nangyari pero wala naman tayong nararamdamang galit, huwag itong alalahanin dahil ibig sabihin naman nito ay talagang nagpatawad na tayo.   Ang nagsasabi ng nagpatawad na pero nakakaramdam pa rin ng galit at sakit ay siyang hindi pa talaga taos-pusong nagpapatawad.    Nasasaktan tayo at maaaring hindi natin ito malilumutan kaagad ngunit matuto tayong ipagpasa-Diyos ang lahat.  Linisin natin ang ating sarili.  Mahalaga ang magkaroon ng malinis na saloobin para sa ating ikatatahimik, ikapapanatag at ikaluluwag ng kalooban.  Dahil kung wala tayong kinikimkim na negatibo sa ating damdamin, aaliwalas ang ating pakiramdam at pananaw sa buhay.   Nasasabi ko ito dahil sa sariling karanasan.  May puntong puro negatibo ang mga nangyayari sa aking buhay na sarili ko ang nakapansain.  Kaya sarili ko na rin ang nagsabi na magbago na ako at patawarin ang lahat ng mga inaakala kong may nagawang pagkakamlai sa akin at mga nakasamaan ko ng loob.  Inalis ko ang lahat ng kinikimkim kong galit, hinanakit, inggit, at pagdududa. At gumaan ang aking pakiramdam, at sumaya ako sa pakikisalamuha sa mga tao, at ibinigay sa akin ang ilan sa mga ipinagdasal ko nang matagal.

No comments: