Sa ating
pilosopiya sa buhay, kapag nagpakatao ka sa loob ng bahay ng ibang tao, asahan
mong pakikiharapan ka rin bilang tao. Kamag-anak ka man o ibang tao, ang
ugali at kilos mo ay magbibigay ng interpretasyon at pagtrato sa mga may bahay.
Hindi mahalaga kung ikaw ay hindi kamag-anak ng pinuntahan mong bahay dahil
kung nagpakita ka ng ugaling-tao, hindi ka ituturing na ibang tao sa iyong
pinuntahan. At kalaunan ay magiging parang kabahagi ka rin na itrato kang
kamag-anak o kapamilya. Kung nagpakatao ka, magiging bukas ang bahay para
sa iyo upang ikaw ay muling bumalik, magpabalik-balik o magtagal pa sa
pakikipamahay.
Ang tahanan o ang
bahay ang ating kaharian, teritoryo, ang pinakalugar na ating-atin. Kaya mahalaga na sino mang papasok sa ating
bahay ay mayroon tayong bendisyong papasukin, positibong pakiramdam at
kawilihang tanggapin. Tayo ang masusunod,
mamimili at magpapasya kung sino ang gusto nating papasukin sa ating bahay. Dahil ang tahanan o ang ating bahay ang siya
nating pinakaligtas at pinaka-kumportableng lugar kaya mahalaga na panatag ang ating
loob, kapalagayang loob at katugma natin ang sino mang ating patutuluyin o
pamamahayanin. Mahalagang magkaroon ng
magandang samahan, magaang na pakiramdam at maaliwalas na kapaligiran ang mga
nasa sa loob nito.
Ang buhay sa loob
ng bahay ay pagpapakita ng iyong pagkatao sa mga kasamahan mo sa bahay, ang may-bahay
man o ang nanunuluyan, kamag-anak man o ibang tao. Sa magkakamag-anak, mayroong hindi
pagkakagusto sa kani-kanilang ugali ang mga magkakamag-anak na minsa’y nagdudulot
ng kanilang pagkakawatak-watak. Kailangang
sa loob ng tahanan pa lang ay ituro na ang tama at mali dahil sa tahanan
nagsisimula ang ugali ng isang tao. Kung
sa loob pa lamang ng bahay ng isang pamilya, na siyang bumubuo ng pinakamaliit
na yunit ng komunidad ay nakikita na ang kagaspangan ng ugali, paano pa kaya
kung ikaw ay nasa mas malaking mundo na tulad ng kumpanya, samahan, at ng
pamayanan na? Paani ka pa
maikipag-kapwa-tao? Ang kasabihan nga’y
kung ano ang iyong asal sa loob ng iyong pamamahay ay dala-dala mo ito hanggang
sa labas.
Sa ibang-tao, ang
katotohanang wala sa relasyon, sa pagiging magkamag-anak o sa dugo upang ikaw
ay alagaan at pahalagahan. Minsan, kung higit
pa ang ipinapakitang kagandahang-asal ng ibang tao sa mga may bahay kesa sa
kamag-anak, hindi malayong maging parang kabahagi na rin ng pamilya ang taong
pinatutuloy sa bahay. Ang isang simpleng
pangangabit-bahay ay maaari ng magpakita ng ugali ng isang tao kaya nga
mayroong inaanyayahan ulit at mayroong pinagsasaran ng pinto. Kung ikaw ay tinanggap sa bahay,
pinagkatiwalaan at itinuring isang kamag-anak, ipagdiwang mo dahil nangangahulugan
ito na ikaw ay nanggaling sa isang tahanan na naturuan sa kinalakihan at pinanggalingang
bahay. Sa pakikisama, hindi
kinakailangang maging pakitang-tao upang makuha mo ang loob ng kapwa mo. Kung ikaw ay pinalaking tama, saan ka man
magpunta ay mas mangingibabaw pa rin ang tunay mong ugali at asal.
Kung ikaw naman ay
isa sa mga tao sa paligid na nagmamasid sa isang bahay, huwag mo agad
pag-isipan nang masama ang taong naging kabahagi na ng mga naninirahan sa
bahay. Una’y hindi lahat ng magkaibigang nasa iisang bahay ay may
ugnayang romansa, mayroong totoong pagkakaibigan. Naging mabuting tao
lang naman ang may-ari ng bahay at ang nakikipamahay kaya nagpapatuloy ang
maganda nilang pagsasamahan. Subukan mong maging malinis ang iyong
kalooban, alisin ang inggit at galit, turuan mo ang iyong puso na parang isang
bata na hindi nagiisip ng masama sa mga nakikita at nalalaman. At mauunawaan mo na maaari din palang mangyari
ang isang maganda, maayos at walang kondisyones na samahan.
No comments:
Post a Comment