Nang unang nangyari, ang aking akala,
natatakot kaya dibdib ay kumakaba,
pero ‘di alam kung bakit nangangamba.
Hindi naman napagod, nasabik, nabigla,
o wala namang sakit na ininda muna.
Pero hindi naman sa takot
talaga
kung bakit kinakabahan ang nadarama
kundi sa lungkot ito nagmumula.
Kapag dinalaw ng inip habang nag-iisa,
nag-iisip pero wala ng magagawa.
Malilito, ang gagawin ay ano nga ba?
Ang dibdib, hayan na ay kakaba,
hanggang tila matatakot sa pag-iisa,
at tuluyan na ngang malulungkot na.
Nuon ang pag-iisa ay kayang-kaya.
Gustong-gusto at natutuwa pa nga.
Kahit maghapong sa bahay nag-iisa,
nakaupo lang na walang ginagawa.
Kampante lang, ang isip ay malaya,
walang inip, lungkot at pangamba.
Ngunit bakit ngayon ay nag-iiba?
Dahil ba sa buhay ay nag-iisa?
Walang-katiyakang bukas ba,
o sa buhay ay napapagod na?
Mga nag-aalisang kaibigan kaya,
o mga iniisip na di nangyayari pa,
o marami lang negatibong akala?
Pero di pangamba kung bakit kumakaba,
kundi lungkot at inip kaya nangangamba.
Hindi ang hirap sa pagtanda nang nagiisa,
kundi ang lahat nito’y lungkot ng nag-iisa.
Nagdaraan lang sa isang bagong eskinita.
Madilim, makitid, at walang nagsasalita.
Sa dulo nito’y mararating ang gitna,
papunta sa tulad ng dating masigla.
No comments:
Post a Comment