Tuesday, November 09, 2010

NAGBABALIK NA KAIBIGAN

Nakausap ko ang isang kaibigan na nagkuwento ng kanyang saloobin sa isa niyang kaibigan. Ibat-iba ang kanyang nararamdaman patungkol sa kanyang kaibigan – masaya, malungkot, nagdaramdam at nanghihinayang.

May panahon na pinahalagahan ng nakausap ko ang pagkakaibigan niya sa isang tao na wala namang pagpapahalaga sa kanilang pagkakaibigan. Iyon yung panahon na pinipilit niyang iligtas ang kanilang pagkakaibigan kahit anong hirap at sakit. Maraming pagkakataon, oras, at mga bagay ang kanyang ibinigay ngunit parang walang patutunguhan ang ginagawa niya. Hanggang sumuko na rin siya na hayaan na lamang kung talagang hindi sila nauukol na maging magkaibigan. Inisip niya nuon na siguro ay darating din ang araw na bigla na lamang siyang hahanapin o kakausapin ng kanyang kaibigan kapag nangailangan ito o di kaya ay kapag nalaman na niya ang kahalagahan niya.


Mahirap man ngunit nagpasiya siya na ituloy ang kanyang araw-araw na buhay nang mag-isa. Sa tulong ng mapaglilibangang gawain, pinagkakaabalahang trabaho at mga bagong kakilala ay natutununan niya na tanggapin ang sinapit ng kanilang pagkakaibigan hanggang tuluyan na niyang malimutan ang mga sakit ng saloobin na kanyang dinanas. Hanggang isang araw makalipas ang may sampung taon ay muling nagkrus ang kanilang daan. Mula sa isang simpleng kamustahan ay sandaling napag-usapan nila ang kanilang mga buhay. Hanggang dumating ang oras na nakiusap ang kanyang kaibigan upang makahingi ng isang tulong.


Nakakalungkot malaman na mula sa matagal na walang ugnayan ay biglang darating ang isang kaibigan at malaman mo ang kanyang kasalukuyang malungkot na pinagdaraanan. Ramdam niya ang malaking awa sa kalagayan ng kanyang kaibigan, tulad ng awa niya nuon nang nangangailangan ito ng tulong ngunit muli niyang naramdaman ang sakit na naramdaman niya nuong panahong naghihirap siyang kilalanin at tanggapin siyang kaibigan. Nasaan siya nung kailangan niya ang pagdamay niya, nung panahong bagsak na bagsak siya dahil sa kanya? Muling nanariwa ang mga sakit ng loob na kanyang dinanas, ang mga ginawa sa kanyang pagbabale-wala, pagsasamantala sa kanyang kahinaan at kabaitan, at panghahamak sa kanyang katauhan.


Ngayong sinasabi na niyang hindi na niya kailangan ang pagkakaibigan nila ay saka siya ilalapit ng pagkakataon upang kailanganin siya sa panahon ng pangangailangan. Matapos ang mahabang panahon na wala siya ay bigla na lang siyang darating upang humingi ng tulong, hindi ba parang niloloko ka lang ng panahon? Nakakalungkot malaman na mayroon mga tao na nakakaala-ala lamang kapag mayroong pangangailangan. Dumating na ang araw sa sinabi niya nuon na darating ang panahon na kakailanganin siya ng kanyang kaibigan. Ngayong iba na ang pagtingin niya sa kanilang pagkakaibigan, maaring huli na at talagang hindi para sa isat-isa na ituloy pa niya ang pagkakaibigan. Ayaw na niyang magalit ngayon, kung may nararamdaman siyang hinanakit ngayon ay dahil na lamang iyon sa sakit na naala-ala niya.


Marami sa atin ang nakakaranas ng ganito mula sa kanilang mga kaibigan, o kamag-anak at kakilala. May mga pagkakataon na nahihirapan ka dahil gusto mo silang tulungan at mahirap sa iyo na mula sa matagal na hindi ninyo pagkikita ay mabibigo pa siya sa kanyang hinihinging tulong. Hindi sa kagustuhan mong gumanti sa mga ginawa niyang pananakit sa iyo ngunit dala ng dinanas mo sa kanya ay gusto mong ipaalam sa kanya ngayon ang kanyang mga kamalian at malaman niya ang kahalagahan mo bilang tao na binale-wala niya.


Sa narinig kong kwento, pinapatunayan nito ang kahalagahan ng pagkakaibigan. Huwag mong bale-walain ang isang totoong kaibigan habang nariyan lang siya. Alagaan mo ang inyong pagkakaibigan, panatilihing bukas ang pinto kahit magkalayo kayo dahil darating ang panahon na kakailanganin mo ang iyong kaibigan. Dahil kapag nawala siya ay ikaw ang nagkaraoon ng malaking kawalan.


Kadalasan sa mga tao ay nakukuha lamang maala-ala ang Diyos kapag nasa panahong naghihirap, kung may kalamidad at may pangangailangan. Mas mabuti kung araw-araw tayong nagdarasal upang maalagaan at mapanatili natin ang ating ugnayan sa Diyos.



Alex V. Villamayor

November 9, 2010

No comments: