Maliit lang ang
harapan ng bahay namin ngunit sa magkakaibang pagkakataon, pinagkasya kong
pagtaniman iyon ng mga halaman tulad ng pechay, okra, mga San Francisco, Celia,
Five Fingers, Dapo, kahit kaktus, may taon na kahit Bermuda grass ay aking
itinanim at marami pang iba na hindi ko alam ang mga pangalan. Ang maliit na bakuran na ito na naging
lagayan ng kulungan ng aming rabit, talian ng aso, minsan na ring pinaglagakan
ng hawla ng ibon, lagayan ng drum, naging labahan at naging garahehan ng
tricycle. Ito ang lugar na madalas
magharap-harap para mag-usap-usap at lugar na pinupuwestuhan kapag nanonood ng
prusisyon. At oo, maliit man ito ay dito
rin nagluluto kapag naisipan ng mga kaibigan na magkainan sa bahay namin. Marami na itong nasaksihang mga kwento at
naitagong ala-ala. Ang dating halamang
Violeta na nagsisilbing bakod, lumipas ang panaho’y naging kawayan hanggang
paderan at nilagyan ng mga bakal upang siyang maging matibay na bakod.
Matanda na ang
bahay namin. Dito nagsimula ang mga
magulang ko nuong unang bahagi ng kanilang buhay. Lumaki kaming lahat na magkakapatid dito at
dito na rin kami tumanda. Sa mahabang
panahon ay ito ang aming naging kanlungan, silungan at tahanan kaya mahal ko
ito kahit luma ng tingnan, marami ng kinumpuning sira at napag-iiwanan na ng
mga katabing-bahay. Marami akong ala-ala
na nakapaloob dito tulad pag-gawa ko ng mga latang kaladkad tuwing bagong taon,
mga inipon kong tansan na ginagawang laruan, pag-aalaga ng gurame, pamimintana
tuwing umuulan, pag-akyat sa bubungan, takot sa pag-bukas ng ilaw kapag
sumasapit ang gabi at kapag walang kuryente at marami pang iba. Ang kuwarto, balkonahe at banyo ay minsang
naging saksi sa mga kalungkutan ko hanggang sa pag-iyak ko. Nuon pa, bata pa lang ako ay palagay na ang
loob ko kapag ako ay nasa loob ng aming bahay dahil dito ay wala ng ibang tao
ang nakatingin sa akin. Hindi ito malaki,
magara at maganda pero gustong-gusto ko ito at naging katulong ako sa
pag-aalaga dito upang manatili ito sa loob ng mahabang panahon. Kapag bagong isis ang aming sahig o hagdan,
nakakapagod man ay kapag natapos ko na ang gawain ay maginhawa ang pakiramdam
ko. Siguro ay dahil malamig ang sahig na
kahoy kapag bagong kuskos.
Hindi ako
metikuloso at maselan pagdating sa kalinisan sa bahay na yung tipong kahit
kaliit-liitang alikabok ay nakikita o iyung kahit sandali ay hindi nagugulo at
dumudumi ang bahay. Iyung nasa tamang
lugar lang ang kinalalagyan ng mga bagay-bagay ay sapat na sa akin. Ibig kong sabihin, kung ang silid-kainan ay
para lamang sa pagkain, ayaw kong makakakita ng mga gamit at bagay na hindi
pang-kainan tulad ng sapatos, sampayan ng damit, tv at iba pa. Kahit sa salas, ayaw kong makakakita ng mga
laruan, gamit sa eskwela o gamit sa pag-aayos sa sarili. Ang gusto ko, kapag salas ay sopa, lamesita
at may ilang litrato lamang ang naroroon.
Sa kusina, kuwarto at balkonahe, ayaw ko ng maraming abubot na mga
naka-lagay at walang maraming kulay na nakikita. Kung ang tema ko ay puti, hanggat maaari ay
ayaw kong mahaluan ng ibang kulay ang aking gamit. Kaya ayaw ko ng marami, naglalakihan at
magagarbong gamit at kasangkapan ang naka-hilera sa loob ng bahay. Mas kakaunti ang mga nakikita ay mas maganda
sa akin dahil mas maaliwalas at mas malinis.
Luma na nga ang
aming bahay ngunit luma man ito ay matibay naman at buo ang loob nito dahil na
rin siguro sa mga nakapamahay na nag-aalaga dito. Mula nuon hanggang ngayon ay dito pa rin ako
umuuwi. Mahal ko ang aking kinagisnan at
kinalakihang bahay na itinayo ng aking mga magulang dahil dito nabuo ang aking
pagkatao. Kung sakaling magkakaroon ako
ng sarili kong bahay, aalagaan ko ito kung paano ko inalagaan ang aming
matandang bahay at ilagay ko dito kung ano ang mga nasa puso at isip ko. Mula sa silid-tulugan, palikuran at paliguan,
silid-kainan, lutuan at pamingalan, bodega hanggang sa pinto, dungawan, haligi,
dingding, kisame, sahig at bakuran – gusto kong makita sa mga ito ang lahat ng
aking nalalaman, paniniwala at kagustuhan.
Payak lang ang gusto kong maging bahay dahil ang ganuon din ang aking
ugali, personalidad, pangarap at buhay.
No comments:
Post a Comment