May mga tao talaga na nagpapadikta, nagpapahawak sa leeg
o ilong, nagpapailalim o nagpapasakop sa isang tao dahil ang pagkakaalam nila
ay ito ang mas nakakaalam ng tama at dapat.
Ngunit nakakawala ng paggalang ang mga taong ganito dahil nalalaman mo na
ni sarilinila ay hindi nila kayang igalang, dalhin, pangatawanan, at
pagkatiwalaan. Mauunawaan pa ito kung sa
asawa dahil sa labis na pagmamahal bagamat kung maiiwasan ay nararapat, ngunit ang
magpailalim ka sa isang kakilala, kasamahan, o kaibigan pa man ay nakakawala ng
simpatiya. Walang mali kung ikaw ay
baldado, walang kakayahang itaguyod at ipagtanggol ang sarili ngunit kung ikaw
ay malakas at malaking tao, lalong-lalu na kung ang taong ito ay isang lalaki
ay kababawang dahilan ang maging sunod-sunuran ka. Parang walang buto sa likod na hindi makatayo
sa sarili. Dapat silang magpakalalaki na
pangangatawanan at panghahawakan kung anu ang sinasabi ng kanilang damdamin.
Nakadismaya din kasi na lagi na lamang iniaasa, ipinauubaya
at iniaayon ang mga ginagawa ng isang tao sa ibang tao. Iyung kapag kailangan nilang magdesisyon ay
isasangguni muna sa isa nilang kakilala bago sila magpasya. O kaya ay aayon o hindi sila aayon dahil alam
nilang ang kanilang kakilalang tao ay aayon din o hindi aayon. O kung ‘di naman ay hindi sila kikilos dahil mayroon
silang sinusunod na utos mula sa isang tao.
Sa kanilang sobrang pagsunod, masagwa ng tingnan na laging kabuntot o
mistulang anino na nakaalalay ang mga taong sunud-sunuran. Parang mga alipin na sinusunod kung anu man
ang ipag-utos sa kanila. Nasaan na ang kanilang
sariling talino, isip, at kalayaan?
Ang taong sunud-sunuran ay parang tanga na walang bait sasarili. Bakit mo susundin ang utos ng ibang tao na huwag
gawin ang gusto mong gawin? Bakit mo hahayaang
pigilan ang sarili mo sa gusto mong gawin kahit alam mong tama ngunit napipigilan
ka lamang dahil sa utos ng ibang tao?
Hindi masama na ibigay ang iyong buong tiwala sa isang
tao ngunit kung ibibigay mo lahat-lahat ay nawawalan ka na ng pagkatao. Kung apektado na ang pakikipag-kapwa tao mo o
kung lumiliit na ang iyong mundo, kung natatanggalan ka ng mga karapatan mo dahil
lang sa pagsunod sa isang tao ay nariyan na ang mali. Kung ikaw ay may tiwala sa iyong sarili,
lalong-lalo na kung ikaw ay may tiwala sa Diyos, hindi mo kailangan ang ipaubaya
ang iyong sarili sa iba. Hindi magandang
maging sunud-sunuran dahil lumiliit ang iyong pagkatao hanggang maging wala ka
ng kwenta. At hindi rin maganda na manduhan
mo ang isang tao kung ano ang kanyang dapat gawin o pagbawalan sa mga gagawin dahil
hindi mo pag-aari ang sino man. Hindi
ito pagtuturo para sa ikalalakas, ikabubuti o ikagaganda ng kanyang buhay kundi
ginagawa mo lamang siyang mahina, palaasa at walang kwentang tao. At hindi mo pag-aari ang buhay ng iba na patatakbuhin
ang kanilang buhay.
Ako ang taong ayaw kong maging pag-aari ng kung
sino. Walang nakakapagdikta sa akin ng
kung ano ang aking gagawin o dapat gawin. Sa trabaho at tungkuling-sibil, walang duda na
kailangan natin ang sumunod, ngunit sa pakikipagkapwa-tao ay hindi ako nagpapailalim
sa lahat ng gusto ibang tao. Una sa lahat
ay wala akong ibang sinusunod kundi ang nalalaman ng aking puso at sariling kunsensiya
na alam kong tama. Ayokong patakbuhin ng
ibang tao ang aking mundo dahil may sarili akong pag-iisip, interes, kalayaan
at paniniwala.
Ni Alex V.
VillamayoR
March 4, 2015
No comments:
Post a Comment