Sunday, September 05, 2021

PINAKAUNANG NAAALAALA

Isang gabi habang ako ay matutulog na ay nag-balik gunita ako ng aking pagkabata. Inalaala ko ang mga nangyari at ginawa ko nuong ako ay elementarya pa lang, grade-3, grade-1 at pinilit kong mag-isip pa ng mga bagay bago ako mag-grade-1. At may naalaala ako. Isang araw, ayaw kong maiwan ako ng aking nanay na nagtratrabaho sa pabrika sa aming bayan. Natatandaan ko na sumakay na siya ng tricyle upang pumasok sa trabaho ay habang umiiyak ay humahabol ako sa tricyle. Tuloy-tuloy lang ang tricycle sa pagtakbo at malinaw pa sa alaala ko na paminsan-minsana ay lumilingon ang nanay ko sa akin. Kasama niya sa tricycle ang kanyang kaibigan at kasamahan sa pabrika na kung hindi si ti-During ay si ti-Naty.


Palagay ko ay nasa anim o pitong taon a ng edad ko nuon. At palagay ko nu’ng araw na yun ay ayaw kong pumasok sa eskwelahan at mas gusto ko ang sa bahay lang kasama ang nanay ko. Malinaw kasi sa aking alaala kahit hanggang ngayon na ayaw kong pumasok sa eskwelahan nu’ng kinder at grade-1 ako. May mga araw pa nuong grade-1 ako na umuuwi ako sa kalagitnaan ng klase.  Itong pangyayaring ito, malamang ay pitong taon ako dahil para tumakbo ako sa kalsada ay kabisado ko na ang daan. Hindi ko na alam kung ilang beses yun nangyayari dahil may magkaibang bersiyon akong naaalaala. May naaalaala akong bumaba ang nanay ko mula sa tricyle at sa bahay namin ay kinagalitan niya ako at napalo pa niya ako ng tsinelas o hanger.  At isa namang bersiyon ay nakikita ko ang sarili ko na tumigil sa paghabol sa tricycle, naupo sa kalsada na umiiyak hanggang lumayo na ng tuluyan ang tricyle.  Palagay ko ay malapit pa rin naman ako sa bahay namin dahil malamang ay hindi ako lumalampas sa simbahan na nasa 100-metro lang mula sa bahay namin.  At may bersyon pa na narinig ko na habang iniintindi ako ng aking nanay ay sinabi ng kasamahan ng nanay ko na “Hayan mo na titigil din yan / magsasawa din yan / mapapagod din yan.” Siguro ay may nangyari na huminto ang tricycle at bumaba lang ang nanay ko para pauwiin ako at pagkasabi ay sumakay ulit ng tricycle.


ANG LIPUTAN.  Sa pag-iisip ko pa ng pinakamatagal o pinakalumang bagay o pangyayari nung bata pa ako, ano nga ba yung naaala-ala ko pa na sa edad na pinakabata ako?  Sa kakaisip ko kung ano pa ang kaya kong maalaala sa pinakabata kong edad ay naalaala ko ang liputan sa bakuran ng aking lola, na sa palagay ko ay nasa limang taong-gulang pa lang ako nuon.  Ang bakod ay yari sa kahoy bagamat hindi ko na mailarawan sa isipan ang kulay at sukat.  Lupa ang tapakan, sa gilid at ilang bahagi ay may mga malilit na bato na parang dinurog at may mga kabibe.  At sa sulok gawing kanan ay may halaman na namumulaklak.  Ang halaman ay mataas na kasing-taas ng tao.


Nakaupo ako sa mahabang bangko, nag-iisa.  Hindi ko na maaala-ala kung umaga, tanghali o hapon ba iyun pero malamang ay ito yung pagkagising tuwing tanghaling pagtulog.  Kung bakit wala akong kasama siguro ay dahil ang mga kapatid ko na mas matanda sa akin ay nag-aaral at iniwan lang ako sa aking lola upang bantayan.  Maaaring totoo dahil kung ang ate ko ay nasa grade-1 na pitong taon, nasa limang taon nga ako nung panahon na iyun.  Sa kakapilit kong alalahanin ang tagpo na iyun ay parang nagbalikan ang tagpo.  Ang bubong sa tapat ng aking kinauupuan ay hindi sinasakop ang buong kalupaan ng harap ng bahay kundi kapiraso lamang na nasa aking tapat.  Parang may mga araw na natatandaan ako na nakaupo lang ako at nanonood ng ulan.  Hindi ko talaga maala-ala kung ano ang hitsura ng likuran ko na bahagi na ng bahay ng lola ko dahil madilim na parang sa panag-inip na lang.  Hindi ko na rin maalaala ang kabuuan ng bakod.

Nabuo sa aking isip, Nuong ako ay nasa anim na taon o pababa ay ang lola ko sa aking ama ang nag-aalaga sa akin dahil parehong nagtratrabaho ang aking ama at ina.  Iniiwan ako sa bahay ng aking lola na hindi ko alam kung nung panahon na iyon ay magkatabi na ang aming bahay na siyang kasalukuyang lagay ngayon.  O baka nung panahon na iyun ay hindi pa nagagawa ang aming bahay sa tabi ng bahay ng lola ko?  Naisip ko ngayon, siguro ay ako ang bata na madaling alagaan - iyung nasa isang tabi lang at tahimik.  Kung nasa edad na anim o lima ako, maaaring tama nga na hindi pa ako nakakalabas ng bahay nuon para may makalarong ibang bata.  Kung nasa anim o mas mababa na taon ako nuon, lumalabas na ang mga kapatid ko na mas matanda sa akin ay nag-aaral na ng grade-5 o 4 at grade-2 o 1 kaya hindi ko sila nakikita sa bahay habang inaaalagaan ako ng aking lola.  Pinilit ko pang mag-isip.  Hindi ko na alam kung likha na lang na aking imahinasyon na parang may mga pangyayari akong naaala-ala na tanghali ay dumadating ang kuya ko at ang ate ko at sandali lang ay umaalis din sila.  Hindi ko na masasabi kung araw-araw ba yun dahil malabo na kasi sa aking memorya.  Kumakain kami.  Malamang ay pareho silang umuuwi sa bahay ng lola ko mula sa eskwelahan upang magtanghalian at bumabalik din agad.  Naaalaala ko yung hipon na hindi kalakihan, hindi ko alam kung paano niluto pero wala siyang sabaw at isinasawsaw siya sa suka.  May kasamang talong o ampalaya akong naaala-ala sa kinakain namin.  At sumagi sa isip ko na siguro ay pang-umaga lang ang ate ko dahil may nasa sulok ng utak ko na naglalaro kami.


Dumaan din sa aking iniisip na hindi pa ako pumapasok nuon pero wala akong hilig magsoot ng salawal.  Ang suot ko lang ay ang kamiseta ng aking tatay.  Sa panahon na yun ay naaalaala ko na iyung bahay namin pero hindi ko mailarawan sa isip nang malinaw ang hitsura.  Dumating si ti-During na kaibigan at kasamahan sa trabaho ng nanay ko at sinabi sa kanya na puwede na raw akong ipasok para mag-aral.  Narinig kong sinabi pa niya ang pangalan ng kanyang anak na si Ayie, na kalaunan ay naging kasabayan ko sa elementarya.  May naala-ala ako na naging kasambahay namin na ang pangalan ay Nelia – hindi ko na lang maalaala kung ilang taon ako nuon pero ang sigurado ay hindi hihigit sa 8-taong gulang.  Wala akong maala-ala na magkasama kami ng kuya ko siguro ay dahil malaki ang agwat ng taon namin kaya mas lagi siya sa labas kasama ang mga kasing-edad niya.  Pero ang naaala-ala ko ay ang ate ko ang madalas kong kasama sa paglalaro at pagpunta sa ibang bata.  Pero palagay ko ay higit limang taon gulang na ako nuon. 


At sa kakapilit kong balikan ang pinakabata ako na naaalaala ko ay nang ipanganak ang kapatid ko na sumunod sa akin.  Naalala ko bigla na abala nuon sa bahay namin.  Ang tatay ko, ang lola ko, at may mga taong hindi ko kilala na umaakyat sa ikalawang palapag ng bahay namin.  Nangnanganak nuon ang nanay ko at kami ng ate ko ay nasa ibaba lang ng bahay. Naaalaala ko pa na nasa malapit kami sa hagdan.  At sa tagpong ito na nagbalik sa alaala ko ay nasagot nito ang tanong ko na nasa tabi lang pala ng bahay ng lola ko ang bahay namin.  Apat na taon at sampung buwan ang pag-itan ng edad ng kapatid kong babae na sumunod sa akin, kaya ito na siguro ang masasabi kong pinaka-una kong natatandaan nuong bata pa ako.  Ang sarap lang balikan ng mga alaala na iyun na kaya ko pa silang tandaan kahit nasa apat na taon pa lang ako ng panahon na iyon.