Friday, April 12, 2024

GULONG NG BUHAY

Obligasyon, tungkulin at responsibilidad ng mga magulang na pakainin, alagaan, turuan, palakihin, at buhayin ang kanilang mga anak.  Pero ang tanong, obligasyon o responsibilidad ba ng mga anak na tulungan o alagaan ang kanilang mga magulang kapag sila ay matatanda na?  Ang sagot – oo na may mga “kung” at “pero”.  Oo kung kinakailangan, oo pero hindi ipinagpipilitan.  Mayroon bang responsibilidad na boluntaryo lamang?  Meron kasi kung tama ang pag-aalaga at pagpapalaki mo sa kanila, kung ang naituro mo sa kanila ay ung gusto mong ituro, magiging boluntaryo ang kanilang pagtrato sa iyo.  Hindi na ito magiging katanungan kung dapat ba o  hindi kundi kagustuhan, pag-galang at pagmamahal na kaya gagawin nila ang pagtulong/pag-aalaga. Sa totoo lang, depende talaga sa sitwasyon at sa relasyon ng mga anak at magulang.

Bilang magulang, hindi ka nag-asawa at nag-anak para mayroong mag-alaga sa pagtanda mo.  Hindi ka nag-pamilya para sa seguridad mo.  At hindi mo dapat iutos o iobliga ang pagtanaw ng utang ng loob ng iyong mga anak, at huwag mong isumbat ang mga ginawa mo sa kanila dahil unang-una ay trabaho mo iyun, iyun ang dapat mong gawin, at pinili mong iyun ang iyong gawin.  Kasi kung panumumbat din lang naman ay pareho din naman kayong may utang ng loob sa isat-isa.  Hindi mababayaran ang utang ng loob, tulad din ng hindi mo kayang bayaraan ang utang ng loob na ginawa nila nang maging kumpleto ka dahil sila ang bumuo ng iyong pagkatao nang isilang sila.  Ang ipanganak ay hindi utang ng loob sa magulang dahil hindi naman hiniling ng mga bata na ipanganak sila bagkus ay ang mga magulang ang may gusto na magkaroon ng mga anak upang masabing magulang sila.  Kaya nag-aasawa ang mga tao at nag-kakaanak ay upang ituloy ang kabuuan ng ikot ng buhay kaya dapat lang na buhayin nila ang kanilang mga anak.  Nang ikaw ay mag-asawa ay nilisan mo na ang iyong mga magulang para bumuo ng sarili mong pamilya, at ganun din ang dapat mong asahan sa pag-aasawa ng iyong mga anak.  Tayo at tayo din ang magaalaga sa ating mga sarili. Hindi man obligado pero kung kaligayahan ng mga anak mo ang tulungan ka, lingunin ang mga ginawa mong paghihirap, pahalagahan ang mga ginawa mo sa kanila, sa kabila ng nahihirapan man sila sa buhay – iyun ay suwerte na lamang.

Bilang anak, responsibilidad mo ang iyong magulang kasi sino ang mag-aalaga sa mga magulang mo kung ang magulang ng iyong mga magulang ay wala na?  Ikaw na siyang pinakamalapit nilang kamag-anak ang siyang may responsibilidad.  Dito pumapasok ang kagandahang asal at ugali na itinuro sa iyo ng iyong mga magulang.  Bilang ganti at nilalaman ng puso mo, aalagaan at tutulungan mo sila.  Pinalaki ka sa abot ng makakayanan ng iyong mga magulang – yun lang ay dapat mo ng tanawin ng utang na loob at bukas sa loob na pagtulong.  Hindi man dapat isapilitang obligahin ang mga anak na alagaan o tulungan ang kanilang mga magulang  ngunit bilang isang anak ay kailangan mong igalang at kilalanin ang iyong magulang, at bilang isang tao ay tungkulin mo na tulungan ang mga nangangailangan.  Kung iisipin ay hindi na ito dapat umabot sa tanungan kung responsibilidad ba ito dahil hindi na responsibilidad kundi kagustuhan mo na ito kasi umiiral na dito iyung bilang-ganti, paggalang at PAGMAMAHAL kaya gagawin mo ang nararamdaman mo.

Ang lahat ay nasa sitwasyon.  May mga tao na nasasabi nila ngayon na hindi sila aasa sa kanilang mga anak kasi ay may trabaho sila o may pera sila, paano yung mga walang pera at hirap na hirap sa buhay?  Kahit alam na natin sa umpisa pa lamang na hindi natin dapat iasa sa ating mga anak ang ating buhay at paghandaan natin ang ating buhay sa pagtanda natin, paano kung ang lahat ng oras, lakas, at yaman ay naubos para sa mga anak kaya hindi napaghandaan ang kanilang pagtanda?  Paaano naman kung ang kalagayan ng anak ay isa ring hikahos dahil sa pagpapakain, pagpapaaral at pagpapalaki ng sariling mga anak kaya walang kakayahang tumulong?  Tungkulin sana ng pamahalaan na arugain nito ang kanyang mga mamamayan na walang kakayahang alagaan ang mga sarili pero nakakalungkot na hindi ito ramdam sa ating bayan.  Kaya sa bandang huli ay sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo-tayo rin mismo.  Hindi na dapat tanungin kung dapat bang tumanaw ng utang ng loob, obligasyon ba o hindi, basta kung may kakayahang makatulong ay gawin na lamang kung ano ang nararapat.

No comments: