Sino ba ang tunay na mga dakila at mapapalad? Ikaw na ordinaryong tao na nakikipaglaban sa buhay nang patas kahit parang marami ang nangyaring hindi gusto kaysa gusto, walang malaking tagumpay sa trabaho, hindi katalinuhan, hindi makatulong nang lubos pero maawain o mapagparaya, galit sa katiwalian; ano kaya ang naghihintay na gantimpala sa iyo? Iyung ibang mga tao na malaki, malakas, at makapangyarihan na nagpapakasasa sa mga kagandahan sa mundo, ano kaya ang kahihinatnan nila?
At kapag mayroong mga nahayag na krimen ng mga naghahari-hariang politiko o mayayamang tao, napaisip ka kapag dumating ang paghuhusga, bigla ay nagpapasalamat ka sa iyong sarili dahil ang nararamdaman mo ay hindi ka naging ganuon kasamang tao.
Ikaw vs sila na may mga anomalya ng bilyong kinurakot, sino ang may malaking kasalanan?
Ikaw vs mga taong sumusuporta sa kanila kaya lalong lumalakas ang mga ganitong politiko, sila na ginagawang normal ang mga mali, sila na ang mga kasalanan ng politiko ay binabale-wala dahil sa sobrang pagsuporta dito, sino ang mas mapalad at sino ang huhusgahan ng kaparusahan?
Mga taong sobrang nakakalula ang yaman na nakuha sa illegal na paraan at nabubuhay sa kaluhuan. seguridad, at oportunidad habang kaya nilang paglaruan ang buhay ng kanilang kapwa, o kahit kumitil ng buhay ng iba, paano sila pagdating ng paghuhukom?
Ikaw vs mga maambisyosong makuha ang mga pangarap sa kahit anong paraan, mga tao na nanlamang, nagpagamit sa bulok na sistema upang marating lang ang itaas at pangunguna, sino ang mas may kapatanagan ang isip? Iyung sobrang yaman na tao na ang trato sa sarili ay mataas at malakas, sino ang tatawag ng habag at magmamakaawa ng kapatawaran?
Ikaw vs mga tao na sa katalinuhan ay nakakapanakit ng damdamin ng kapwa, parang perpekto kung makapuna o makapanira ng kapwa, at kung makapilit ng katwiran, kagustuhan at kaalaman ay parang laging tama, sino ang mas makasalanan at mas parurusahan?
Ikaw vs mga tao na isang kagalingan ang pakiramdam kapag nagkakaroon sila ng higit sa isang karelasyon nang sabay, isang bawal na relasyong itinatago, o ipinagmamalaki ang bilang ng mga nakarelasyong dumaan sa buhay at ang pakikipag-ulayaw ay ginagawang masayang karanasan lamang. anong kaparusahan ang naghihintay sa kanilang kamunduhan?
Sila vs tayo - ako din ay makasalanan; nakakapagsinungalin at nakakakuha ako ng hindi sa akin, at may mga pagkakataon na hindi din nagiging patas sa pagtrato ng kapwa. Hindi ako relihiyoso, hindi matuwid na tao na itinatama ang mga nakikitang nagkakamali, hindi marunong mangaral sa kapwa pero pinaninidigan ang huwag makapanakit, mang-argabiyado at magpahamak sa pakikipagkapwa-tao. Kapag nakakita ako ng taong gumagawa ng mali ay ayaw kong kampihan dahil hindi ko gugustuhin ang mapunta sa team-kasamaan. Sino ang dakila, sino ang mapalad, sino ang ang tunay na mas makasalanan?