Paraiso (Paradise) is an environmental story describing the occurring tragedy, calamity, disaster and catastrophe due to human’s negligence, abuse and cruelty to our Mother Earth. It tells the nationalism of a man trying to find the ways to save the environment.
==========
Ang mga pangalan ng tao, pook at mga pangyayari sa kwentong ito ay pawang likhang-isip lamang. Anumang pagkakatulad sa sinumang tao, buhay man o patay at sa tunay na pook at pangyayari ay hindi sinasadya. Walang totoong bayan ng Marahao ngunit ginamit ang pangalang ito upang katawanin ang maraming lugar na katulad nito sa totoong lugar sa Pilipinas.
“Maliit ang bayan namin na nasa Silangan, rural kung tawagin pero hindi remote. Palibhasa’y bundok na ito kaya di nalalayo sa pagsasaka ang pangunahing hanap-buhay dito.” Naririnig ni Edward ang sariling tinig sa kanyang isipan. Bahagi lang iyon ng mga kuwento niya sa mga estudyante niya sa Maynila. Pagkatapos ng may limang taon na pagkakawalay sa kanyang Ina ay bumalik siya muli sa duyan nito. Ang kanyang pagbabalik ay binabalot ng kasabikang makita muli ang bayan, ang naiwamg tahanan, mga kaibigan at mga ala-ala. Mahigit anim na oras din ang tinakbo ng bus galing sa Maynila at mula sa labasan ay sandali na lang ang tatakbuhin ng mga jeep sa bayan ng Marahao. “May labing tatlong baranggay ang bumubuo sa Marahao. Sa kabuuan ay maliit pa rin. Malayo ito sa kabihasnan kaya sariwa daw ang hangin sabi ng mga taga-Maynila. Sa kadahilanang kakaunti pa ang nakatira dito kaya tahimik. Masukal ang daan – marami pang talahiban.” Habang daan ay napuna ni Edward ang mga lugar na puro damuhan pero may mga palatandaang pinasok na ng Developer ang lugar. Dating may mga nakatanim na mga punong-kahoy ang lugar na ito, ngayon ay damuhan ng bakanteng lote na may sukat at palatandaan ng maliliit na poste sa pagkakahati-hati. May mangilan-ngilan ding nagtayo ng kubo. “Nagbabago talaga ang panahon...” ang naisip ni Edward. Subalit pagpasok niya ng ikalawang baryo ay nakita niya ang maraming kabahayanan. Sa dinadaanan ng sinasakyan niyang jeep - nakikita niya ang mga kabahayang maliliit. Halo-halo ang mga pagkakagawa ng bahay. Mayroong gawa sa kahoy, plywood at yero. Mayoroon ding gawa sa hallow blocks na magaspang. May isang ina ang naglalaba sa tabing-kalsada na ang bula ng labada ay galing sa mga nanlilimahid na damit. May mga kalalakihang naka-abang sa pag-usad ng kanilang mga igibang lata, tangan ng isang lalaki ang pinggahan sa balikat – labit-labit ang dalawang galon ng tubig. Naisip ni Edward, marami na rin palang tao dito sa San Bartolome. At nang pumasok na sila sa baryo nila, hindi siya makapaniwala sa nakabungad na tanawing nakita niya. Inulit lang ng dinaanan niya kangina ang daraanan nya ngayon. Mistulang squater sa Maynila, hindi niya makilala ang dating lugar na pinanggalingan niya. Naligaw yata siya.
Kumakain si Edward, inaasikaso siya ng kanyang ina bagamat sinasaway niya itong huwag siyang asikasuhin. Sa paputol-putol na pag-aayos ng gagamiting rekado, kaserola at pamunas para sa hapunan at sa paputol-putol na pagkain niya ng isdang isinigang sa miso - sumusutsut sa pagsimot ng ulo sa isda, ay nag-uusap ang mag-ina. Galing pala sa Pampangga, Olonggapo at Zambales ang karamihan ng mga nagpunta sa bayan nila nang pumutok ang Bulkang Pinatubo. Nang matantiyang wala na nga talaga silang babalikan sa bayan nila ay dito na sila sa Marahao nag-umpisa muli. Tinanggap sila ng pamahalaang lokal. Bukod sa “makataong gawain” ay “malaking boto” daw ito para sa mga nakapuwesto. “Limang taon pa ulit mula ngayon ay hindi ko na sigurado kung babalik ulit ako dito. Parang hindi na magandang bumalik ngayon dito.” Pagkuway bumaling sa kabilang gilid ng pagkakahiga si Edward. “Kamusta na kaya ang tropa? Ano kayang mga balita sa kanila ngayon? Talagang nagbabago ang panahon. Mga dati kong kasama, gustuhin man naming magsama-sama lagi ay hindi na maari. Si Oka, nag-Saudi na pala. Si Maru naman sa Cavite na nanirahan. Buti pa si Richard nasa Canada na. Hindi, mas mabuti si Eruel – nasa langit na. Ang pobreng mekaniko – sa Dengue natapos. Wala akong magagawa kundi si Ariel ang kausapin.”
Ang lugar nila ay kabundukan, napapaligiran sila ng mga bundok – bundok ng mga lupa. Dahil sa palagay ni Edward, ilang panahon pa ay mistulang mga tumpok ng nagtataasang salansan ng mga lupa ang paligid nila. Kalbo na ang mga bundok. Tanaw na tanaw dito sa kabayanan ang mga tapyas na bahagi ng bundok upang patagin at gawing subdivision o di kaya ay dahil sa pagmimina. Ang ibang bahagi naman ay halos wala ng punong-kahoy panay mga mapupusyaw na dahon ng mga damo. Narating na ng mga tao ang bundok. Makikita ito sa mga bahay na itinayo. Nag-uumpisa na sa ibaba – pagdating ng araw ay pati na ang tuktok ay pagtatayuan na ng dikit-dikit na bahay. “Bakit pinapayagang pasukin ng developers ang mga lupa sa bundok? Bakit pinapahintulutang gawing subdivision ang kabundukan?” “Edward, kailangan ng gobyerno ang gumawa ng paraan para sa mga housing project. Kailangan din nilang tugunan ang pangangailangan ng mga taong naghahanap ng lupa.” “Paano ang bundok? Paano na ang mga puno?” “Kailangan ng mga tao ang bahay. Saka kailangan ding putulin ang mga puno – matatagal na iyon. May proseso na pinuputol ang puno kapag masyado ng matanda ang mga ito. Saka kailangan ng gobyerno ang tao sa mga ibinabayad nilang buwis.” “Hindi lahat ng kailangan ng tao ay ang bundok ang kailangang managot. At hindi lahat ng bundok ay maaring gawing bahay.” “Edward, ano ba ang totoo? – hindi ko pa alam. Hindi ko naman kabisado ang kabuuang lupain ng Pilipinas kung ano-ano pa ang bakante at hindi. Ang alam ko ay malaking pera ang kinikita ng mga developer at landmining company. Hindi pwedeng patigilin ang mga iyon dahil lehitimo ang kanilang ginagawa. Ang hindi ko pa alam ay kung paano at bakit sila binigyan ng permiso?” “Pwede namang tumutol ang mga tao kung gusto nila.” “Ang mga nasa gobyerno ang makapangyarihan. Sila ang kinakausap ng mga developer para payagang magdevelop ng lupa, hindi ang mga tao.” “Ariel, kahit ako hindi makakatutol ng nag-iisa pero kung may sasama sa akin, kaya kong tumutol sa pagpapapatag ng kabundukan.” Ang totoo nito, hindi nagtatalo ang magkaibigan. Manapay ginagatungan ni Ariel ang umiinit na dugo ni Edward laban sa gobyerno. “Ang pagbaha sa ibat-ibang bayan ay resulta ng illegal at walang habas na pagputol sa mga punong-kahoy. Bakit hindi ipagbawal ang pagputol ng mga punong kahoy? Una ay bakit nagkaroon ng illegal na pagputol at ikalawa’y bakit pinapahintulutan na magputol ng kahoy? Puede bang ipagbawal na lang ng tuluyan ang pagputol ng mga punong kahoy? Sasabihin na naman ni Ariel, ang bawat puno ay kailangan putulin dahil ayon sa pag-aaral ng DENR ay may tamang edad ang mga puno. Bakit nuong wala pa yang DENR na yan ilang daang taon na ang lumipas pero ang pagbaha ay hindi karaniwang pangyayari? Noong unang panahon ay wala pa ang DENR pero may nasulat bang madalas ang pagbaha noong bago at pagkatapos dumating ni Kristo sa daigdig?”
“Mahal ko ang Marahao, dito ako isinilang at lumaki. Hangad ko ang kanyang kabutihan at kalusugan. Hindi ako maghahangad ng kahit anong posisyon sa pulitika upang maibigay sa Kanya ang paglingkuran Siya. Ang gusto ko lang ay ang mapanatili ang Kanyang kagandahan at mailigtas Siya sa Kanyang karamdaman. May tumor na tumubo sa Kanyang dibdib. Ni hindi Siya maipagamot dahil sa kahirapan. Naratay Siya sa banig ng karamdaman at ang Kanyang angking kagandahan ay kumupas, nanlalalim ang mga mata, nangingitim ang mga labi at nahuhumpak ang mga pisngi. Madalas ikuwento ng aking lolo ang Marahao nuong unang panahon. Noong bago pa sila dumating sa lupaing ito, ang Marahao daw ay mistulang isang paraíso. Maraming manunulat, makata at pintor ang umibig dito. Mga nagtataasang punong kahoy na humahapay alinsunod sa haplos ng hangin. Lumalangitngit na siit ng punong Kawayan at malamig na hangin ang dumadampi sa panauhin kapag pinasok ang loob ng kagubatan. Mistulang isang mahinhing dalaga na nakaupo sa batuhan na nililipad-lipad ang mahaba at mabangong itim na itim na buhok na tila lumulutang-lutang sa kanyang kagaangan ayon sa ihip ng hangin. Habang ang laylayan ng mahabang saya ay nababasa sa paghampas ng mga alon ng dagat sa talampakan ng birhen. Napakalinis ng tubig. Mula sa sapa ay malayang umaagos ang napakalinis na tubig, pagkalinaw-linaw nito na tila isang salamin na aninag ang lupa sa ilalim. Mga malalaking bato kasing laki ng tao. Ang matulaing ilog ay napagkukuhanan ng maiinom na tubig. Parang naglalaro ang naghahabulang mga isda. Walang ibang tanawin dito kundi ang dapat na makita sa isang ilog. Ang tubig mula sa ulan na sumasama sa naimbak na tubig sa mga lubak ng lupa na binabalot ng luntiang lumot sa ibabaw ng lupa ay pinamamahayanan ng napakagagandang mga bulaklak na pang-tubig. Mga malalapad na dahong tila nakahimpil na balsa na may mahabang tangkay na kulay kahel na bulaklak. Sariwang inumin mula sa mga ugat ng puno. Mga halamang tumubo kung saan-saan na ibininhi ng mga ibon. Kadalasan, tinig ng mga ibon ang maririnig kaysa sa ibang mga namamahay na kulisap at hayop. At ang dagat ay tila korona na kumikislap-kislap sa tanawing kahit ang langit at araw ay pinapanood at binabantayan ng buwan sa gabi. Kung aking iisipin ay kathang isip na larawan na iginuguhit ng isang pintor ang mga kuwento ng aking lolo. Kaya ang mga makata noon ay ganito iginuguhit at isinusulat ang kagandahan ng Marahao. At ang mga mangingibig ay hinaharana ang gabi ng mga romantikong pagsusuyuan. Ganito ang Marahao noon. Ngayon, wala na ang kuwentong ito.” Mula sa kanyang kuwarto sa ikalawaang palapag ng bahay nila, tinatanaw niya mula sa bintana ang kinahinatnan ng dalaga. Tulala, pinagsamantahan ang dalaga. Sa kamay ng mga mababangis na tampalasan niyurakan ang kanyang pagkabirhen. Nararamdamam pa niya sa nangungurong niyang mga utong ang talim at talas ng mga kuko at pangil ng mabangis na Asong-gubat. Wari’y hinahalukay ang loob ng kanyang katawan sa kirot ng nagdaang kalupitan at karahasan. Naiwan siya sa kanyang kahubdan, nanlalata ang kanyang puson at dibdib. Ito ang kinahantungan ng birhen, ang sinapit ng kanilang bundok sa walang habas na kamay ng mga nagtrotroso, nakaka-ingin at nag-huhukay para mag-mina. Natatanaw ni Edward mula sa bintana ng kanyang silid ang bundok. Ano na nga ba talaga ang nangyari sa Marahao? Ano na ang nangyari sa ikinukuwento ng kanyang lolo noon. Dala ang kanilang sasakyan ay nilibot ni Edward ang iba pang karatig-baryo upang makita ang sinapit ng bayan nila. Upang makita niya kung hanggang saan na ba ang nasira sa bayan nila. At sa marahang pagtakbo ng sasakyan, tila kasabay ng mabagal at madalang na tunog ng tambol ay natigilan siya sa totoong anyo ng Marahao. Mga barong-barong, ang kabuuan ay tagpi-tagping kahoy at yero, may gulong sa ibabaw ng bubong upang hindi tangayin ng malakas na hangin. Mga sampayan sa kung saan-saan, ang mga alagang baboy ay malayang nakakalakad sa bakuran ng bahay. Ang mga marurusing na bata ay masayang naglalaro, katabi lang ang nakataling kalabaw sa bakod, ang kanyang ulunan ay nililiparan ng sang-katutak na gamo-gamo. Ang mga bata na nasa pag-itan ng edad tatlo hanggang sampu ay hinahayaang magtakbuhan sa kalye, may soot ng malaking t-shirt ngunit walang salawal o kaya’y may salawal ngunit walang pang-itaas. Mayroong walang sapin sa paa, inuuhog at ginagalis ang mga binti at braso. Sa isang lugar ay ang batang ina ngunit mukhang matanda na ang nagpapasuso ng anak sa kanilang hagdan na nasa labas ng bahay, nagpapaligo ng tatlong anak sa poso, hinihingutuhan ang anak. May isang batang babae ang nakita niya na tumatae sa lupa. Tae ng kalabaw, tae ng tao na nilalangaw – maipagkakamali mo na. Isang malnourished na batang babae, nakataas ang isang payat na tuhod. Isang matandang lalaki na wala ng mga ngipin ang lumalagok ng matapang na kape na tangan sa isang kamay. Pinapa-usukang manok mula sa hinithit na tabako ng isang matikas na ama. Isang lalaki ang umiihi sa poste, at isang bagong gising na lalaki na nakasuot lang ng naninilaw na pangloob ang nagmumumog sa batalan na tanaw mula sa kalsada. Ang lahat ng ito ay tila isang palabas sa isang telebisyon na pinasadahan ng tingin ni Edward mula sa loob ng sasakyan. Tumayo siya sa tulay at ang ilog na walang kasing ganda sa kwento ay namatay na sa tunay na buhay. Ang itinatapong dumi ng pabrika ay sa ilog bumabagsak, barado sa tambak na basura ang dinadaluyan ng tubig. Nakatining ang maitim na tubig na pinamamahayan ng mga lamok, nakalutang ang isang patay na pusa – inuuod ang naka-labas na laman. Wala ng lupa at kahit tabing ilog ay tinatayuan ng barong-barong. Kahit ang daanan ay tinatapunan ng basura. “Bawal mag-tapon ng basura ditto.” ngunit ang karatula ay halos matakpan na ng mga basura ng lata ng sardinas at mantika, plastic na lalagyan ng mga pagkain, sirang bag at sapatos, arinola, kahon ng gatas, mga plastic na bagay, gamit na basahan, banig at may disposable na pasador pa. Balwarte ng mga langaw at bangaw ang masangsang na lugar na ito. “Ang ipinagmamalaki kong Marahao, nasaan na? Ito ba ang ipakikita ko sa mga kaibigan ko sa Maynila? At ito ba ang ipamamana ko sa aking mga magiging anak?” Tumingala siya sa langit “Kung kaya ko lang pigilin ang mga tao sa pag-sira ng kalikasan… Ang sabi nga ni Ariel, pakikinggan naman ba ako ng Punong-Alkalde kung hilingin ko sa kanyang ipagbawal ang pag-putol ng mga puno sa bundok? Kung kaya ko lang, tataniman ko ang mga bakanteng lupa pero paano kung ang tataniman ko ay sabihing bawal tamnan? Kung kaya ko lang alisin ang lahat ng basura sa daan at ilog ngunit wala akong magawa. Wala akong pera para gawin ang mga ito. Alam ko kapag ginawa ko ang mga ito, pagtatawanan ako. Nakakatawang magpakabayani ngayon. Nakakahiya ang pagtawanan – kahit para sa kabutihan.”
“Alam mo Ariel, may mga plano ako Pero hindi ko pa lang nagagawa dahil kailangan ko ang tulong ng ibang tao na hindi ko pa nakukuha ngayon” “Edward, mahirap gumawa ng tama – mahirap gawin ang mabuti dahil hindi naman tayo nabubuhay sa iisang takbo ng isip. Magkakaiba tayo ng interest. Sino-sino ba yang mga developers na iyan? Kamag-anak ng taong-munisipyo. At ang isang tao, gagawin ang lahat mapasakanya lang ang kaban – ito ang babatikusin mo? Kampi-kampi sila.” Sa isang pagkakataon ay pinanood nina Edward at Ariel kung paano tinatapyas ang bundok, ang malaking bahagi ng bundok na halos wala ng puno ay tinataniman ng dinamita at sa isang iglap ay pasasabugin ito – at nakita nila kung paano nawasak ang bahaging iyon ng bundok. Humuhulas na lupa at bato ang gumuguhong bahagi ng tila nauupos na bundok. Sa isang saglit lang ay nagbago na ang anyo ng bundok. Mula sa pinasabog na mga bato ay ipinapakain ito sa “halimaw” (rock crasher) upang ilabas ang napakaraming graba – napakaraming pera nito. Bukod sa sirang bundok, ang ginawa nilang kalat ay sumisira pa sa patubig sa palayan ng nasasakupang baryo at mga karatig-lugar. Kamailan lamang ay maraming dinalang pasyente sa ospital at clinic, karamihan ay mga bata, sanhi ng pagtatae, nalalason ang inuming tubig na nanggagaling sa poso. Tulad ng pagkakalason ng mga isda kapag ginagamitan ng dinamita. Kinabukasan ay libo-libong isda ang nangaglutang sa dagat. At ang masaklap pa nito, pati ang mga maliliit pang isda na kailangan pang lumaki at magparami ay nagkamatay – nakapanghihinayang!
Ilang araw na makulimlim, itinuloy ni Edward ang pagtuturo sa mga nahikayat niyang mga bata na tuturuan tuwing Sabado sa isang bakanteng lugar malapit sa bukid. Kasama pa ito sa mga natitirang malinis at magandang lugar ng Marahao. Isang bagay ito na hindi niya alam kung kusang-loob sa mga bata ang pagpunta dito. Ang mga magulang ng batang ito – ano kaya ang nasasaloob? Kakaunti ang mga batang ito kung ikukumpara sa bilang ng mga nakikita niyang naglalaro sa kalye. Dahil aminado siyang nais ng mga ina na katulungin sila ng kanilang mga anak tuwing walang pasok sa eskwela. At mas gusto ng ibang bata ang maglaro sa maghapon. At paano kung masamain ng pamahalaan nila ang ginagawa niya? Hindi kaya pagbintangan pa siyang gumagawa lamang ng pera? Ang katunayan ay si Edward ang gumagastos sa gawaing ito at ang inaalok niyang pagtuturo sa mga bata ay kusang-loob at walang bayad. Nasa ikalawang Sabado na sila at mas marami ang mga bata ngayon, siguro’y dahil nabalitaan ng iba na masarap ang ipinakakain niyang meryenda. Kaya kahit makulimlim ay nagturo si Edward. Isinalarawan niya ang magiging anyo ng isang bayan kapag inabuso ng tao ang likas-yaman. “Hindi ba ninyo napapansin na taon-taon ay bumabaha sa atin? Ito ay dahil sa mga basura na itinatapon natin sa kalsada at sa ilog. Lahat ng mga iyon – natatangay sa daloy ng daanan ng tubig at naiipon hanggang bumara at bumaho. At dahil walang madaanan ng tubig, tataas ito at babahain ang mga bahay. Malulunod ang mga hindi marunong lumangoy – karamihan ay mga bata. Ang pananim sa bukid ay masisira – masasayang lang ito na inilagaan ng inyong mga tatay sa loob ng ilang buwan – sayang ang hirap, pera at panahon sa pag-aalaga ng mga pananim. Dahil walang ani – walang mabibili. Yung natitirang paninda ay magiging mahal ang presyo dahil iyon na ang huling paninda nila. Dahil wala tayong inani ay wala din tayong kinitang pera – wala tayong ibibili. Magkakagutom ang mga tao. Ganoon ka-simple.” Ito ang naka-ngiting paliwanag ni Edward, pati ang batang lalaki sa unahan ay tatango-tangong sumasang-ayon. Ang kulimlim na kalangitan, nagsisimulang mag-bagsak ng ambon – at naging ulan. Hanggang mag-tanghalian ay walang tigil ang pag-ulan. Nasa kanyang kwarto si Edward, nagsusulat siya sa kanyang laptop – sandali siyang tumayo at namintana. Pinanood niya ang ulan. Madilim pa ang langit – palatandaang magtatagal pa ang buhos ng ulan. Pumasok ang kanyang ina, dinalan siya ng nilutong sopas – umuusok pa sa init. “Signal #2 daw sa atin. Mataas na ang tubig sa ilog. Sa San Joaquin ay apaw na raw. Baha na sa kalsada.” “Mababa naman ho ang lupa sa San Joaquin kaya lagi na lang binabaha.” “Pero ngayon lang sila inaabot ng hanggang dibdib.” Napatingin si Edward sa ina. Ganoon na ba kalakas ang ulan para maging ganoon kalalim ang baha? Nang mag-umpisa itong bahain noong high school siya ay hanggang binti lang ang baha noon. Kung hanggang dibdib ngayon ay lampas ulo na ng mga bata ito. Hapon na ay hindi pa rin tumitila ang ulan. Bubuhos – titigil. Bubuhos ulit. Inumpisahan na ang paglikas ng mga residente sa San Joaquin. Nag-suot ng kapote at bota si Edward, lumabas siya ng bahay – gusto niyang makita ang nangyayari sa labas. Tulad ng ibang tao ay nagmamasid sila sa kanilang lugar. Ang iba ay inililigo na lang ang nahuhulog na tubig-ulan. Mataas ang tubig sa ilog na kulay putik. Ang tulay na tambak ng basura sa ilalim ay nalinis nang maanod lahat ang basura na naroroon. May bahay na naka-tirik sa tabing-ilog ang kasamang naaanod sa baha. May mga bahay naman na nawawasak ang bahaging sinasagasaan ng baha. Nakita ni Edward ang isang pusa na naka-sampa sa isang nakalutang na puno ng saging na inaanod ng baha. Nasa mata ng pusa ang takot sa mangyayari sa kanya. Malikot ang ulo na lumilingon kung saan-saan pero wala siyang magawa. Nang makita siya ng pusa ay nabasa niya sa mga mata nito ang pag-hingi ng saklolo ngunit kagaya ng pusa ay wala siyang magawa. “Ang Diyos na ang bahala sa iyo.” Malungkot niyang tinanaw ang tinatangay na pusa. Kasunod ay isang manok na nalunod. Sa paglalakad niya ay nakita niya ang rumaragasang tubig na kulay putik sa aspaltong kalsada. Sinundan niya ang pinanggagalingan niyon na nagmumula sa bundok na umaagos ang tubig kung saan-saan na may kasamang putik. Walang ibang panggagalingan kundi mula sa bundok na sa ilog lahat ang bagsakan. Makapal na putik ang humuhulas sa bundok, nababawasan ang lupa nito. At ang makapal na putik na iyon ay sa ilog natatambak. Bumababaw tuloy ang hukay ng ilog kaya madaling umapaw ang tubig. At ang lahat ng ito ay ang mga nakita pa lamang ni Edward. Ang nagaganap sa San Joaquin at ang iba pa niyang hindi nakikita ay sa balita na lang niya malalaman. Kasalukuyang nagaganap ang paglikas ng mga residente sa mga apektadong lugar, nagtulong-tulong ang pamahalaang local at mga samahang kawang-gawa. Binabaybay ang bawat bahay, isinasakay sa isang bangka ang mga residenteng inabot ng baha sa loob ng bahay. Mga walang kamalay-malay na sanggol, mga batang nakangiti na tila ang nangyayari ay kasiyahan – hindi alam ang panganib na dinaranas nila ngayon. Mga matatanda na hindi na kayang lumikas o di kaya’y may sakit. Mga ina na nahihintakutan. “Bakit po ngayon lang kayo umalis?” – ang tanong ng isang reporter sa isang babae na nasa isang evacuation center. “Akala ho kasi namin ay hindi tataas ang tubig.” – ang nakangiting tugon naman ng ginang. Nagtanong pa ang reporter sa isang lalaki; “Kangina pa hong umaga kayo pinapalikas, bakit ho ngayon lang ninyo naisipang umalis?” “Binabantayan ko ho ang mga gamit namin. Baka ho may magnakaw eh.” Ang sabi sa telebisyon, ang bagyo ay papaalis na patungong Dagat-Tsina ngunit makakaranas pa rin ng pabugso-bugsong ulan na may kasamang hangin.
Ipinarada ni Edward ang sasakyan sa isang mataas na lugar saka nila tinanaw ni Ariel ang idinulot ng bagyo. Kulay putik pa rin ang mataas na tubig sa dagat bagamat ang tubig sa ilang baryo ay humupa na sa pag-agos. “Sa isang banda ay maganda ang nagawa ng pangyayari pagkatapos ng baha. Tingnan mo Edward, malinis ang buong baryo. Nawala ang mga basura, nahugasan ng ulan ang mga dahon ng puno at halaman. At may gumuguhit na bahaghari sa langit – ang gandang tingnan oh.” naka-ngiting biro ni Ariel. “Pero ngayon lang yan, bukas-makalawa, tatapunan ulit ng basura ang ilog. Hanggang magkapatong-patong ulit. Pero mataas ang bahang ito.” “Taon-taon naman, tumataas eh. At tataas pa yan sa isang taon. Hayaan mong tumaas hanggang hindi natatakot ang mga tao. Pero hindi sana ganito ka-grabe ang baha kung hindi dahil sa ipinagawang golf course diyan sa Bundok-Marahao.” “Nino? Nuong ex-senator?” “Ang laki ng nawalang lupa nang patagin ang bundok. Kaya itong San Bartolome na dating hindi binabaha ang binuhusan ng baha.” “Tingnan mo, nang dahil sa kaluhuang golf course ng isang tao, daan-daang tao ang nagdurusa.” “Kampi-kampi ang mga nagtro-troso, nagmimina at nagdevelop ng mga subdivision. Sa kasuwapangan walang pakialam sa mangyayari sa ibang tao.” Kasabi-sabi lang ni Ariel ng mga salitang iyon nang maulinigan nila na may nagsigawan na mga tao sa gawing likuran nila. Malayo sa kanila ang pinanggalingan ng sigaw kung kaya mahina sa pandinig. At naramdaman ng magkaibigan na may mahinang pagyanig sa kanilang tinatapakang lupa. Walang makapag-salita kina Edward at Ariel pero sa kanilang isip ay iisa at sabay ang kanilang sinasabi: “Ano yon?”
Nang makauwi sa bayan ay saka lamang nalaman ni Edward ang trahedya. Dalawang hektarya ng lupa na nasa paanan ng bundok ang lumubog mula sa kinatitirikan nito. Bahagi ng San Luis ang lugar na kung saan ang kabilang bahagi ng bundok dito ay may nagmimina. Nawasak ang mga bahay, nawasak ang mga gawa sa kahoy – may nagkahiwa-hiwalay at may humapay. Ang mga gawa sa bato ay nagkapira-piraso. May siyamnapung bahay ang nilamon ng lupa. At ang masakit nito ay may mga taong nadaganan ng kanilang bahay. Nakapanlulumo ang tanawin sa bawat nakikitang naililigtas na biktima mula sa ilalim ng lupa. Naghalo ang dugo sa putik. May nabalitan ng buto sa braso, hita, likod, leeg. Nakalulunos ang daing ng mga tao. Mga umiiyak na kamag-anak, mga yakapang naka-panghihina ng loob. At ang pinakamasakit ay may mga namatay na tao. Hindi namalayan ni Edward – dumadaloy na ang luha ng magkabilang mata niya – hindi humahagulhol. Katulad ng ibang pangyayari, nagtuturuan ang mga kasangkot na tao sa dahilan ng pag-guho ng lupa sa bahaging iyon ng bundok. Madaling hanapin ang mga may kasalanan ngunit mahirap ituro. Hanggang sisihan lang, hanggang malimutan na ng mga tao ang nangyari. “May permiso ang aming operasyon. Pinahintulutan kaming mag-quary.” Bakit kasi alam naman na nakakasira ng kalikasan ang pagqua-quary ay nag-a-apply pa ng permiso? Kasi, sa ganoong paraan makukuha ang mina. Mina na nagbibigay ng hanap-buhay sa tao at yaman sa bayan. At bakit naman alam nang delikado ay pinahihintulutan pa ang magsagawa ng ganoon. “Ito ay natural na kalamidad. Ang lahat ay aksidente.” Ang Diyos na ngayon ang may kasalanan? Naki-isa si Edward sa maghapong pamamahagi ng mga pag-kain, gamot at mga pangunahing gamit sa mga biktima. Nang Sabado ay tinuruan niya ulit ang mga bata. “Napakahalaga ng mga puno sa ating buhay. Hindi tayo babahain kung ang bundok natin ay may mga tanim na puno. Dahil ito ang pumipigil sa mga tubig para huwag umagos papunta sa kapatagan. Ito rin ang pumipiit sa mga lupa upang manatiling siksik ang lupa sa ilalim. Habang tinatapyas ang bundok, nagbabago ang posisyon nito – lumuluwag sa ibabaw at ilalim ang lupa – nagkakaroon ng pag-guho. Ugaliin ninyo ang paglilinis ng paligid. Ang maraming insekto at hayop ang sanhi ng kumakalat na sakit sa balat. Itali ninyo ang mga alaga ninyong baboy. Pakuluan ang mga tubig bago inumin. Kaya nagkakaroon ng pagtatae ay dahil sa maruming tubig. Marumi ang ilog at dagat natin dahil dito napupunta ang mga dumi ng alaga nating baboy, manok, kalabaw at ng mga tao mismo pati na ang ating mga basura. At ugaliin ninyo ang paglilinis ng kanal – dito nabubuhay ang mga lamok na nagdadala ng sakit. Ang lahat ng ito ay alam na ng mga nanay at tatay ninyo pero hindi nila ginagawa kaya maharil ay mabuti pang kayo ng mga anak ang gumawa nito.” Kadalasan, ang kasunod ng pag-baha ay ang paglitaw ng mga sakit. Sa baranggay centre ay masasaksihan ang ibat-ibang sakit. Nakapila na nakaupo sa bangkong-mahaba ang mga pasyente. Kalong-kalong ng isang ina ang sanggol na nanlalambot na. Isang matandang lalaki ang nakapila at isang batang babae ang may mga galis sa dalawang braso at binti. Sa loob ng kuwarto ay may ibat-ibang tagpo: Nagpupumiglas ang isang batang lalaki na iindyeksyunan. “Misis, kulong-tubig ho ang ipapainom ninyo sa mga bata. Mahina ho ang katawan ng bata laban sa mikrobyo.” “May libreng bakuna ho sa susunod na lingo, dalhin ho ninyo ang mga anak ninyo.” “Lolo, tigilan na ho ninyo ang paninigarilyo. Nakasasama hong lalo sa inyong ulcer ang paninigarilyo.” “Misis, pang-walo na ito. Sinabi ko naman sa inyo kung magtatalik kayo ni mister sa delikadong petsa, ipahugot ninyo kung wala kayong gagamiting pangontra.”
Sa isang lugar sa Marahao ay matatagpuan ang ika-labing tatlo nilang baranggay. Isang isla sa dulo ng Marahao ang San Sebastian. Upang marating ay lululan sa bangka. Sa pantalan ay umiihi ang isang matandang babae – nakakubli sa likod ng bato, nakaupo at nakalilis ang laylayan ng bestida. Maliit lang ang San Sebastian kaya kaunting pamilya lang ang bumubuo dito. Malayo ito kaya kaunting tao lang ang dumadayo. At sa kakaunting iyon ay ang mga nangunguha ng choral reef sa ilalim ng dagat. Maganda ang tanawin sa ilalim ng dagat. Iyung ibang nagbabakasyon dito ay sinisisid ang kalaliman nito upang masaksihan ang kagandahan sa ilalim ng dagat. Maraming isda – ibat-ibang kulay. Kulay ginto, asul, itim, berde at pula. Magagandang halaman na tumubo sa naglalakihang bato. Mayroon ditong mangilan-ngilang pawikan na hinuhuli ng mga tao ang nanganganib maubos pati na ang mga halamang dagat. Nagtatanim ng dinamita sa mga koral upang pasabugin. Sa isang iglap ay nabubulabog ang ilalim ng dagat ng San Sebastian - ang islang nakukublihan ng isang bundok na tapyas na ang kalahati. Sanhi ng pagmimina, nawawalan na ng panimbang ang bundok dahil ang sana’y kalahati nito na dapat tumutukod sa lupa ay wala na. Gumuho ang lupa at natabunan ang dalawang bahay na nasa ibaba. Inilibing ng buhay ang mag-anak sa loob ng kanilang tahanan. “Sinasala-ula ng mga tao ang kalikasan. Tapon dito, tapon doon. Kinalbo na ang bundok, nilason pa ang dagat. Hinukay ang lupa, nilason ang hangin. Maruming tambutso at ang sobrang pagkakaingay or sound pollution ng tao. Kaya anong dapat pa nating asahan? Gumuguhong lupa, pag-baha sa bayan, pagkalason ng mga isda, sakit sa balat, epidemya at pag-tindi ng sikat ng araw. Hindi ba kayo natatakot sa babala ng pandaigdigang pag-init? Ang matinding sikat ng araw ay resulta ng nabubutas na hanging tumatakip sa buong mundo dahil sa kagagawan nating usok. Ang isang piraso ng sigarilyo ay bumababawas ng isang minuto sa buhay ng sugapa dito at sa buhay natin na nakakalanghap nito.” Ito ang naaala-ala ni Edward na sinabi niya sa mga estudyante niya sa Maynila. Nangyayari na rin dito sa Marahao ang nangyayari sa ibang panig ng Pilipinas. Madalas itong maisip ngayon ni Edward bago siya matulog. Kinabukasan ay kasama ni Edward si Ariel duon sa bakanteng lugar malapit sa bukid na pinagdarausan niya ng pagtuturo sa mga bata. “Hindi lang mga literal na bagay ang nangyayaring pang-aabuso sa kalikasan. Kasama na rito ang pang-babastos ng harapan sa Inang Kalikasan. Noon ay isang bangkay ang natagpuan sa bakanteng lugar dito. Tambakan na tayo ng mga tao ngayon – buhay man o patay. May pinagsamantalahang dalagita sa bundok – bukod pa sa ginagawang tagpuan ng mga magkalaguyo ang kadiliman ng gabi ang mga lugar dito upang mag-yarian. Akala ko mga aso lang ang nagpapalian sa kalye. Marami ng tao dito at hindi mga taga-rito. Hindi ko na nga makilala ang dating Marahao. Baka maligaw ako sa sarili kong bayan.” Kasunod nito ay dinugtungan niya ang kanyang sinabi sa pagsulat sa kanyang laptop. “… Matagal ng panahon nating nararanasan ang ganti ng kalikasan sa pang-aabuso natin, kapabayaan at kawalan ng disiplina sa pag-gamit dito. Maglalaho ang lahat at darating ang mga trahedya at sakuna. Nagkaroon na ng tag-tuyot, pagbaha, epidemya ng sari-saring sakit, pag-guho ng kabundukan, pagkalason ng mga isda, pagbagsak ng mga bahay sa kinatatayuang lupa, marami na ang nalunod sa biglaang pag-baha, nasunog ang mga bundok at magkakaroon ng tag-gutom, pag-putok ng natutulog na bulkan, lindol, tsunami, buhawi, maglalabasan na ang mga diwata upang tuluyang lisanin ang nabubulabog nilang tahanan at bababa ang mga Anghel upang salubungin tayo sa katapusan ng ating lahi.” Maririnig sa isang awit ng naging tanyag na bandang “Asin” ang mga linyang ito: “Kay dumi na ng hangin, pati na ang mga ilog natin. Masdan mo ang tubig sa batis dati’y kulay asul ngayo’y naging itim. Ang mga batang ngayon lang isinilang may hangin pa kayang matitikman, may mga ilog pa kayang lalanguyan, may mga puno pa kayang aakyatin? Ang mga ibong-gala sa langit mayroon pa kayang madadapuan?…” Mga batang lalaking hubo na nagpapagalingan ng pagtalon sa tubig na kulay putik mula sa tulay ay nagkakatuwaan. May mga Water Lily pa rin sa ilog na naiwan ng nakalipas na baha. Tuloy-tuloy sa langit ang pag-buga ng usok ng isang pabrika ng semento na nasa tabing-ilog, at pati na ang pag-agos ng dumi nito ay tuloy-tuloy sa ilog. May mga nagtatayo ulit ng mga barong-barong sa tabing-ilog samantalang nag-uumpisa ng tumaas ang pagtambak ng mga basura. Winalisan ng isang ginang ang harapan ng kanyang bahay na malapit sa kalsada, maraming upos ng sigarilyo ang kanyang nawalis. Nagsisimula ulit na sakahin ng mga magsasaka ang lupa sa bukid na nasa paanan ng nakakalbong bundok. Napakatindi ng sikat ng araw sapat upang ilarawan ng magsasaka ang sobrang init sa pagpunas ng kanyang basang pamunas na nakasabit sa balikat at pag-gamit ng kanyang sombrero na ipinapampaypay. Ang mga mangingisda ay malulungkot ang mukha dahil wala halos masilo ang kanilang lambat. Kahit man lang Gurame ay wala silang mahuli. Bagamat kakaunti ang paninda sa palengke ay hindi makapamili ng marami ang mga mamimili. Dahil nagtaasan ang mga presyo ng bilihin lalo na ang mga pangunahing bilihin ngunit ang bigas na kahit nagmahal ay kailangang bilhin. Napakarumi ng palengke, halos mapuno ang kaing ng bulok na gulay – karamihan ay repolyo. Maputik ang daanan – nakakatilansik ng putik ang mga naka-bakya. Ang mga langaw ay tuwang-tuwa sa mga mumunting tambak ng basura sa daanan, mas marami sa isdaan na ang pinaghihinainan ay ibinabagsak lamang sa kanal. Ang mga pata, ulo at tenga ng baboy na nakasabit ay pinapaligiran din ng langaw. Ang mga tao ay balik ulit sa hanap-buhay mula sa palengke, ang mga kalye ay pinaghaharian ulit ng mga tao. Sa pondahan ay masayang pinag-uusapan ng mga ina ng tahanan ang buhay ng ibang tao, nagtatawanan, nagkakatuwaan. Habang sa di kalayuan nila ay isang payat na aso ang tahimik na naka-upo sa gitna ng daan, malungkot na nakatanaw sa malayo - tinatanaw ang bundok na ang isang bahagi ay sinusunog. Habang sa itaas ng mga kababaihan na nagkukuwentuhan ng buhay ng may buhay ay may isang pusa sa bubungan ang nililinis ang sariling katawan ng kanyang sariling dila.
Sa gabi, ang ibang bahagi ng baryo ay wala pang kuryente, nakasindi ang mga gasera at kandila, palilipasin nila ang magdamag na namamaypayan hanggang makatulog. Maririnig ang pagtampal ng mga kamay sa nakaiinis na lamok na dumadapo sa katawan, mas nakaiinis sa may tainga. Maingay din ang kuliglig sa labas. Ang langit ay walang bituin – nagbabadya ng isang pag-ulan. Sinasabi sa radio na pina-andar ng tatlong baterya ang balitang binabasa sa himpilan ng AM. “Isang namumuong bagyo ang namataan na papasok sa bansa…” Naibulalas ng isang nakikinig na lolo sa kanyang madilim na silid: “Putang-inang bagyo yan, hindi pa nakaka-raos sa huling bagyo, meron na naman.” Kapag ganitong madilim ay kitang-kita ang mga apoy na nasa bundok. Tatlong apoy ang nasa magkakahiwalay na lugar sa Bundok-Marahao. Habang may nagpapainit ng kaunti sa pamamag-itan ng salo-salong inuman ng alak ng mga kalalakihan sa kanto. Tangan ang gitara na pinapatugtog, mahinang nag-aawitan ang mga nag-iinuman: “Tulad ng isang ibon, tao ay lumilipad…” Nakipagsabayan ang tinig ng umaawit na nag-iinuman sa palahaw ng mga kuliglig at palaka sa ilalim ng makulimlim na langit, sana’y ang buwan ang tatanglaw sa kanila ngunit hindi ito nagpakita ngayong gabi. Sa aandap-andap na ilaw ng gasera ng mga nag-aawitan, lilipas din ang magdamag na ito. At kinagisnan na lang ng mga tao kinabukasan ang mahinang ulan. Wala na namang pasok, tuwang-tuwa ang mga bata. Ngunit ang hindi alam ng mga taga San Carlos ay bumubuhos ang malakas na ulan sa bahagi ng katabing bayan nito. Nanggagalit ang mga kidlat at kulog. Walang humpay ang pagbuhos ng malakas na ulan. Mistulang isang lugar na may makapal na usok sa tindi ng ulan. Hindi na halos mabanaagan ang mga bahay at puno. Palibhasa’y bukas na lugar ito na maraming palayan ay malakas ang hangin na sumasabay sa bagyo. Mabilis na lumaki ang tubig. Mula sa umaagos na tubig ng sapa sa mga karatig-lugar ay nagtagpo sa isang ilog at nabuo ang isang bulto ng tubig na sabay-sabay umagos. At dahil sa biglaang pagdaloy ng maraming tubig dito ay mabilis na rumagasa ang tubig na tinutumbok ang sangang-ilog na tuluyang umapaw nang humampas ang unang daloy ng naipong malakas na agos. At ilang sandali ay biglang rumagasa ang tubig sa San Carlos – nabigla ang mga tao sa unang bahay na tinamaan at sa bilis ng pangyayari ay walang nagawa ang mga may-bahay nang gumuho ang kanilang tahanan sa hindi inaasahang napakabilis na baha. Sumunod ang ikalawang bahay, ang ikatlo at ang mga sumunod pang katabi. Isang lalaki ang naliligo sa walang bubong na banyo sa likuran ng kanilang bahay ang nakaramdam ng papalapit na dumadagundong na tunog ng rumaragasang tubig at sigawan ng mga tao. Tatakbo na sana siya papalabas ng banyo kahit walang saplot sa katawan ngunit huli na ang lahat dahil sinalpok na rin siya ng rumaragasang baha. Ang mga tao na naglalakad sa kalsada ay inabutan din kahit nagtakbuhan na nang namataan pa lamang nila ang rumaragasang baha. At isa-isang nawasak ang kabahayanan. Kahit gawa sa bato ang ilan dito ay nawasak din. Bawat madaanan ng tubig ay bumabagsak. Mistulang domino ang mga bahay na sunod-sunod na bumuhal. Napakabilis ng mga pangyayari, napakabilis mangyari ng flash flood. Ilang saglit lang ay umapaw na ang baryo San Carlos, inaanod ang mga tao na nagsisigawan kasama ang kanilang mga gamit at bahagi ng bahay. Sa bilis ng pangyayari ay parang winalis sa isang iglap ang Baryo San Carlos. Nakapanlulumo ang tanawing kinahinatnan ng baryo nang humupa ang nagdaang biglaang pag-baha. Agad sinimulan ang pagliligtas sa mga biktima, marami ang nag-aabang sa tabing-ilog ng San Rafael kung hanggang saan inabot ang mga natatagpuang tao na inanod. May mga natatanaw na kumakaway sa paghingi ng tulong. Marami na rin ang mga tumalon at lumangoy upang tumulong sa pag-hahanap ng kanilang mga kasama. Kalahating oras ang naka-lipas nang dumating ang mga tauhan ng Navy upang halughugin ang ilalim ng ilog at dagat pati na rin ang ilalim ng lupang dinaanan ng flash flood. At isa-isa ay may mga natatagpuang tao na walang malay at walang buhay. Hapon na ay patuloy pa rin ang paghahanap dahil may mga hindi pa nakikitang kasama ang mga kamag-anak na naghahanap. Hapon na rin nang maka-punta si Edward, makapal na ang mga tao na naghihintay sa mga mangyayari. Umaambon-ambon pa, ang ayaw mabasa ay naka-payong. Bawat matagpuang bangkay ay kinikilala ng mga kamag-anak na naghihintay, na humihiyaw ng malakas kapag nakilala ang bangkay, naghihisterya sa sandaling makilala ang kamag-anak na lumaki ang katawan sa dami ng nainom na tubig. May mga mahimalang natatagpuang ligtas at buhay. Binabalot ng luha ang paligid, nakakaiyak ang mga tagpo ng biktima at naulila. Mga naglalayag na bangka ng mga tumulong na mangingisda na dito iniaahon ang mga nakukuha sa ilalim ng dagat. Nakalulunos na larawan ng mga biktima: magkayakap na mag-ina, limang buwan na sanggol, mga bata, mga matanda. Marami pang nawawala. May labing-limang bahay ang inanod ng baha. Sa ngayon ay may limampung bangkay na ang nakuha, may tatlumpu pa ang hinahanap. Malayo na ang pinag-hahanapan ng mga bangkay – ang iba ay natunton sa karatig isla. Ang nakaaantig-pusong pagtatagpo ng iilan lamang na mga nakaligtas at ang larawan ng mga naghihintay na kamag-anak. Mabigat sa dibdib ang totoong drama ng buhay.
Naala-ala ni Edward ang sinabi ni Ariel “Sa San Luis ay maraming maliliit na sapa na iisa ang pinupuntahang ilog na tuloy-tuloy na nagdudugtong sa iba pang ilog ng mga karatig-baryo. Lahat ng tubig sa San Luis, San Joaquin at San Lorenzo ay daraan sa sangang-ilog ng San Miguel na dapat ay sa kanan ang takbo ng buhos ng baha ngunit dahil mas malaki ito ay dumerestso ang baha sa bayan ng San Carlos dahil pinatag ang bahagi ng bundok sa San Miguel na dapat ay nakaharang sa baha at ang mababang lupa ng San Carlos ang sinagasaan ng biglang baha. Kaya kahit mahina ang ulan sa San Carlos ay walang kamalay-malay ang mga tao dito na malakas na ang nagaganap na ulan sa kalapit-bayan.” Sa ganitong pagkakataon, kusang lumalaganap ang damayan. Kapos man sa pera ay nakikiramay pa rin sa ibang tulong na maibibigay. Sa evacuation area ay luksang-luksa ang mga nawalan ng bahay. Malamig ang gabi, ngayon ay may mga bituin. Nagpakita ang buwan pero maramot pa rin sa kalahating nakasilip na mukha. Ang mga gamo-gamo ay naglipana sa bumbilya. Ibat-ibang tao, pare-parehong nagpa-ampon sa kalungkutan. Malungkot sa evacuation – napakalungkot. Kahit ang mga halaman at puno, kahit ang mga alagang hayop, kahit ang mga tasa, telmo at kumot – lahat ay malungkot.
Muling itinayo ang mga nasirang bahay sa bahaging binaha sa San Carlos. Mga tunog ng ipinupukpok na martilyo sa pako at tabla at tunog ng hinahatak na yero. Sa maputik na lugar ay muling itinayo ang Baryo San Carlos. Habang sa himpapawid ay paikot-ikot ang Uwak na lumilipad. “Mga bata, tandaan ninyo, walang ibang magliligtas sa Marahao kundi tayo ring taga-Marahao. Ibahagi ninyo sa bayan ang pagmamahal. Pagandahin natin Siya. Magtanim tayo, umpisahan natin sa ating bakuran, sa tabing ilog. At kapag nagkataon, kung ang bawat isa lang sa atin ay magtatanim ng isang puno bawat isang tao sa ating bundok, aalagaan at babantayan - napakalaki ng magagawa nito. Mga bata, sa inyo ang mundong ito kaya ingatan ninyo. Naging amin na rin ito minsan pero hindi namin napaganda. Ipapasa namin sa inyo para sa mga magiging anak ninyo.” Sa likuran ng mga bata ay naroroon si Ariel na nanonood nang Sabadong iyon. Sinang-ayunan nito si Edward. “Tama ang kuya Edward ninyo…” Napatingin si Edward sa kaibigan. Pumunta sa unahan si Ariel at nagtuloy sa pagsasalita. “Tingnan ninyo ang mga nangyari dito. Kadalasan ay iisa ang dahilan. Wala ng bundok. At kadalasan ay kayong mga bata ang nabibiktima.” Kumakain ang mga bata nang simulang sabihin ni Edward sa kaibigan ang kanyang pag-alis. “Kailangan kong bumalik sa Maynila. Matatapos na ang tatlong buwan kong bakasyon.” “Aalis ka na pala, edi limang taon pa ba ulit bago ka bumalik?” “Hindi ko alam. Baka matagalan. Iba na kasi dito… Sumulat na ako sa mga eskwelahan dito na hinihiling kong i-require sa mga bata ang magtanim at maglinis sa bahay na susubaybayan nila. Kinausap ko na rin ang mga kaibigan kong media sa Maynila at mga grupo ng environmentalists upang matyagan at talakayin na rin ang mga nangyayari dito.” “E bakit ka pa aalis? Sinimulan mo na.” “Kahit malayo na ako, hindi naman talaga ako malalayo. Susubaybayan ko pa rin ang mga kaganapan dito. Pagdating ko sa Maynila, sisikapin kong mangalap ng pondo para sa isang foundation na itatayo ko dito. Ang hirap kumilos ng walang pera. Ang totoo nito, ang nagawa ko pa lang ay ginamit ko ang mga bata upang pukawin ang mga sinasaloob nila upang mag-alab, maglagablab at mag-sagawa ng pagbabago. Ang gusto ko lang ay muling ibalik ang dating ganda ng bayan, ang maibalik ang nawalang paraiso, ang muling pag-awit ng Marahao.”
Kapiling muli ang kanyang laptop, itinuloy ni Edward ang pagsusulat. “Matatag ang Pilipino. Marami na’ng sakuna, trahedya at problema ang dumating sa Kanya subalit nanatili pa rin siyang buhay. Marami na siyang dinaanang pag-subok at kahit patong-patong na ang kanyang problema, mga katiwalian sa administrasyon, kaunlaran at katatagan sa ekonomiya, pamumulitika, pambansang kapayapaan, kawalan ng hanap-buhay, kahirapan, sistema ng edukasyon, lumalalang bawal na gamot, pagtaas ng krimen, kidnapping, traffic, prostitusyon, pollution, population, epidemya sa sakit, El Nino, La Nina at ang pagkasira ng kalikasan ay mananatili pa rin ang Kanyang angking kagandahan. May ngiti sa labi at may mainit na pagtanggap sa mga panauhin sa kabila ng Kanyang pagiging sakitin. Mapagmahal na Ina – pinipilit mayakap ang lahat ng Kanyang mga anak kahit ang marami sa mga ito ay suwail na ibig kumawala. Matiisin sa mga suliraning inihahatid ng Kanyang mga anak. Mapagparaya, ibinibigay ang kaginhawahan kapalit ng Kanyang pag-hihirap. Ibibigay ang lahat alang-alang sa mga anak. Kahit ang anak na ito ang pumapatay sa sariling ina. Iyan ang Pilipinas na aking pinakamamahal.” Ipinikit ni Edward ang mga mata at sa pag-pikit niya ay nakita niya ang ibat-ibang nangyari sa loob ng halos tatlong buwan niyang pananatili dito. Muli niyang nakita ang bundok ng basura sa ilog, ang gumagalang mga baboy, ang batang tumatae sa tabing-kalsada, ang mga galising binti at braso ng bata, ang kalbo at tapyas na bundok, ang libo-libong patay na isda sa baybayin ng kanilang dagat, ang pag-guho ng bahay, ang pag-baha at ang mga biktima sa trahediya. Tatlong buwan, gusto pa niyang mamalagi pa ng kaunting araw upang ganap na ipakita sa mga bata ang pagmamahal niya sa kalikasan ngunit may responsibilidad siyang iniwan sa Maynila.
Sakay ng pampasaherong bus pabalik sa Maynila dala ang dating isang malaking bag na dala niya nang umuwi siya sa Marahao. Puno ng mga plano ang kanyang isip. “Bubuo ako ng isang samahang may iisang adhikain. Pamumunuan at palalakarin ng mga bata. Mga batang malinis at walang malay sa corruption at pamumulitika. Mga batang tuturuan ko ng wasto at masidhing pagmamahal sa kalikasan. Uumpisahan ko ngayong mga bata pa sila upang sa paglaki nila ay matibay at matatag ang kanilang paniniwala na hindi kayang palambutin ng mga tawag at tukso ng pera.” At habang tumatakbo ang bus, naala-ala ulit niya ang kuwento ng kanyang lolo. “Tunay na matatawag na isang paraiso. Sa kanyang kagandahan at kalinisan…” At muli rin niyang nakinikinita ang dating Marahao: nagtataasang mga bundok na kinalilipunpunan ng mga matatayog na punong kahoy, mga ibong nagliliparan sa asul na langit, mga isdang naglalaro at naglulundagan sa dagat, mga sapa at ilog at batis na kay linis – ang tubig ay masaganang nagmumula sa mataas na talon, mga halamang namumulaklak ng ibat-ibang kulay, hugis, laki at bango. Mga nagliliparang paro-paro, at ang napakalawak na bukid ay taniman ng gulay, may mangilan-ngilang mga bahay na gawa sa pawid. Muli pumailanlang sa isip niya ang tinig ng kanyang lolo. “…sa mga katangian Niyang ito ay walang pasubali na ito ang Paraiso.”
Balik sa dating buhay si Edward, muli niyang isinuot ang mga malalambot na tela ng pantalon at polo na may mahabang manggas at may suot na kurbata. Malayong mapagkamalan na taga-Marahao na kadalasang suot niya ay pantalong maong at pinutiang kamiseta na walang kuwelyo. Bilang guro ng high school sa pang-mayamang eskwelahan sa Maynila, ipinakikilala niya sa mga bata dito ang magagandang kuwento tungkol sa probinsiya. Ngayon, mababago na ang kanyang kuwento dahil hindi palagi ay panay magaganda ang sasabihin niya sa kwento. Ang pangit na katotohanan ay maaring mag-mulat sa mga tao. Mula sa kanyang pagbabakasyon ay lumipas ang mga araw na tuloy-tuloy sa buhay-guro ni Edward habang sa Marahao ay tuloy-tuloy din ang dating buhay na walang pakialam sa paligid. Habang gumagawa ng mga sulat at kwento sa kanyang laptop ay tuloy pa rin ang mga sumasabog at pumuputok na dinamita sa dagat at sa bundok ng kanyang bayan. Habang nakikipag-usap si Edward sa mga kakilala niyang matataas na tao ay marami na ang nagtatayo ng matitibay na bahay sa kalahatian ng bundok at maging sa gilid ng ilog. Habang nag-aabang ng masasakyan si Edward sa Maynila na binabaha ng kulay itim na tubig mula sa imburnal na umapaw galing sa mga kanal ay nagbabadya ang langit ng malakas na pag-ulan sa Marahao. Ang mga tao ay nagtatabing ng mga plastic sa kanilang bintana at pinapatungan ng gulong ng track o di kaya ay hallow block ang bubungan ng kanilang barong-barong. Habang sa Maynila ay nagdedebate ang mga namumuno sa bayan sa argumento tungkol sa baha, sa Marahao ay isang nakakagimbal na pangyayari ang naganap. Sa isang pasasabuging bahagi ng bundok upang makakuha ng graba at mina ay aksidenteng pumutok ang itinanim na dinamita. Marami ang namatay – halos lahat ng nangangasiwa sa gawain. Mula sa inhinyero hanggang sa mga manggagawa pati na ang ibang tao na naroon sa lugar, pati na ang ilan sa may-ari ng kumpanya ay sabay-sabay na namatay sa paraang pagkitil ng kalikasan na bumubuhay at nagpapariwasa sa kanila. Ang karatig lugar nito ay lumubog sa kinatatayuang lupa, pati na ang lugar sa kabilang bahagi ng lumubog na baryo ay tinabunan naman ng lupa na gumuho mula sa mataas na bahagi ng bundok. Kasama sa tinabunan ng lupa ay ang munisipyo ng Marahao na kasalukuyang pinagdarausan ng pag-uusap tungkol sa bagong proyekto ng Alkalde at mga konseho, kasama ang mga kinatawan ng pambanasang ahensiya ng naturang proyekto. Sama-sama silang inilibing ng buhay habang sama-samang nagbibilang ng kikitain ng proyekto. Samantala sa lumubog na baryo ay kabilang ang tanggapan ng local na pamunuan sa pangangalaga ng kapaligiran. Kalahati ng baryo ang nawasak – natabunan at lumubog. Subalit ang kapilya na nasa gitna ng tinabunang bahagi at lumubog na bahagi ay nanatiling hindi natitinag. Ito ang pinakamalaking trahedya na naganap sa Marahao na ikinabuwis ng mahigit isang daan katao. Na sinundan lamang makalipas ang tatlong lingo ng malakas na ulan, kasunod ng isang napakalaking alon na sumalpok sa tatlong baryo na sumasakop sa dagat. At habang tumataas ang tubig sa ilog ng iba pang baryo ay patuloy naman sa paglakas ang ulan. Hanggang sa napakalakas na tila ang mga bubong ng bahay ay inuulan ng bato. Sinabayan ng malakas na hangin upang tuknapin at paliparin ang mga bubong ng mahihinang bahay. Matatalim na kidlat at malalakas na kulog na tumatakot at nagpapasigaw sa mga bata. Walong oras na ulan na walang patid, sapat upang ilubog ang mga baranggay na malapit sa dagat. Nang humina ang ulan ngunit hindi pa ganap na tumitigil ay isa ng napakalaking lawa ang kalahati ng mga poblacion na nasa ibaba ng Marahao. Ito na ang pinakamalaki at pinakamalubhang trahedya sa kasaysayan ng Marahao na kumitil sa halos kalahati ng mga naninirahan dito, prominente o ordinaryo ngunit ang karamihan ay mga matatanda.
Pangunahing balita sa mga diyaryo, radio at telebisyon ang nangyari sa Marahao. Ipinakita sa telebisyon ang kalunos-lunos na sinapit ng bayan kung paano iniahon sa dagat ang mga bangkay at kung paano hinukay ang mga biktima mula sa ilalim ng lupa. Mga kwento ng kakaunting nakaligtas, ang mga namimighating reaksyon ng mga naulila, mga makabagbag-damdaming tagpo sa pagkilala ng mga kamag-anak sa kanilang mga mahal sa buhay na biktima. Napakaraming bangkay, mga walang malay na sanggol, mga mahihinang bata at mga nakatatanda na siyang mas nakahihigit ang dami sa bilang ng mga biktima. Ang anyo ng kalahati ng Marahao ngayon ay mistulang isang napakalaking disyerto matapos iwanan ng makapal na putik ang mga sinalantang baryo. “Kabilang sa mga nasawi ang Punong-Alkalde at mga opisyales dito, mga mayayamang pamilya na nagmamay-ari ng Marahao Mining Company, Bise-Gobernador ng Lunsod at mga kinatawan ng pamahalaan.” Ito ang pahayag sa balita sa telebisyon tungkol sa naganap na aksidenteng pagsabog ng dinamita sa pag-mimina at pag-guho ng mga lupa doon. Habang pinapanood ito ni Edward ay tinawagan niya ang kanyang ina sa telepono. “Dumito na muna kayo…” Habang ang diskusyon ng mga marurunong ay ipinakita sa telebisyon kung bakit at paano nangyari ang trahedya. Habang sila ay nagsisisihan, habang sila ay nagtuturuan, at habang sila ay nanggangaral sa aral na napulot. Hindi na malaman kung totoo pa sa kanilang mga puso ang kanilang simpatiya. At totoo pa kaya ang mga pangako na naman nilang pagtulong at pag-aaral na naman sa mga batas. Parurusahan ang mga may kasalanan, ipag-uutos ang pag-aalaga sa kalikasan, gagawa ulit ng batas na pro-proteksyunan ang kalikasan na walang katiyakan kung kailan pahihintulutan na ipatupad at susundin naman kaya? Maraming opisyales na nasa katungkulan ang galit na galit na nagpapaliwanag, nagkukumento at nangangaral ang ini-interview sa telebisyon tungkol sa kapabayaang nangyari. Marami ang nag-susuri kung paano ito nangyari at bakit nangyari. Marami ang nagmamarunong at gustong maging siyang pinakamagaling mangaral at magpaliwanag tungkol sa nangyari, ang gustong siya ang may pinakamagandang nasabi tungkol sa nangyari. Paulit-ulit lang naman ito. Nangyari na ito at siguradong mangyayari pa ulit. At iisang linya lang ang nasabi ni Edward sa mga taong pinapanood niya sa telebisyon: “Mga salot kayo!"
Habang nagtuturo ng aral si Edward sa kanyang mga estudyante tungkol sa nangyaring trahedya sa kanyang bayan… “Maraming ulit ng dumating ang mga kalamidad pero hindi pa rin tayo natututo sa mga aral na dapat nating matutunan. Taon-taon ginagastusan ito para makontrol pero hindi pa rin natin makontrol. Pare-parehong may pagkukulang ang lahat. May kabagalan ang mga programa ng gobyerno. Kung kailan narito na ang tag-ulan ay saka uumpisahan ang proyekto sa baha. Mayroon pang nangungupit sa bawat proyekto at maraming tao pa rin ang walang pakialam at hindi nakikisama sa paglilinis ng paligid. Kapag kalikasan na ang gumanti wala na tayong magagawa. Ang basurang itinapon mo babalik din sa iyo. Ang hanging nilalason mo ang kikitil sa buhay kapag sininghot mo ito. Habang winawasak natin ang dagat at bundok, ito mismo ang wawasak sa ating lahi. Mga bata, pag-aralan ninyong mahalin ang kalikasan. Gusto pa ba ninyong dumating ang araw na parurusahan tayo sa mga walang habas nating ginagawang pagsira sa kanila? Gusto ba ninyong may mamatay muna sa atin bago tayo kumilos na tutulan ang ginagawa ng ibang kababayan natin?” At habang nagpapahinga si Edward sa kanyang kuwarto ay binabasa niya ang pahayagan. Ipinakita sa pahayagan ang lumang mapa ng Marahao at ang bagong ginawang mapa ayon sa anyo ngayon. Kitang-kita ang napakalaking pagkakaiba. May mga nawawalang ilog at nabago na ang anyo ng bundok. May lumang larawan ng bundok na isinama sa artikulong iyon at katabi ang bagong larawan ng naturang bundok sa ngayon. Dito ay kitang-kita ang napakalaking pagkakaiba ng bundok sa anyo at hugis nito mula sa paanan nito pati na ang dagat at ang mga natitirang bakanteng lupa. Bahagi lang ang naulat na artikulo sa pahayagan na pinamagatang “Paraiso noon at ngayon?” na isinulat ng isang kilalang environmentalist. May kumatok mula sa labas ng bahay ni Edward – isang kartero. Kinuha niya ang puting sobre, kinilala ang nagpadala. Taga-Marahao ngunit hindi niya kilala. May kilala siyang Michael ngunit hindi niya matandaan ang apelyido nito. Binuksan niya ang sobre at binasa ang munting sulat. “Kuya Edward, sampu ng aking mga kasama ay malugod po namin kayong inaanyayahan upang maging isa sa mga unang magtatanim ng puno sa Bundok Marahao bilang pasimula ng aming unang hakbang sa pagsagip sa ating Bayan. Ang “Batang Marahao” na binuo ng mga kabataan ng ating bayan, karamihan ay mga ulila ng nag-daang kalamidad ang aming itinatag bilang pagkilala sa inyong naiambag na kamulatan sa amin. Lubos po kaming nabuhayan ng loob sa inyong mga salita na itinuro sa amin. Inaasahan po namin ang inyong pagdalo. Gumagalang, Michael Magtanggol.” Nangiti si Edward, ngiting-ngiti. Sa kanyang mga mata ay kumislap ang ningning dahil natutuwa siya sa sulat ng bata. Hindi siya makapaniwala at hindi niya akalain ang nangyayaring ito. Subalit natutuwa siya na ang munting pagsisikap niya na matulungan ang bayan niya ay naging pagsisikap din ng mga bata. At nakilala niya ang Michael na sumulat sa kanya. Nakita niya sa isip ang batang lalaki na laging nasa unahan ng bawat Sabadong tinuturuan niya ang mga bata. Sa tagpong ito ay iisa ang nasambit ni Edward: “Kabayan!”
Marami ang may nais na muling ibalik ang dating mala-paraisong daigdig natin noong unang panahon. Ngunit kaunti lamang ang nag-sisikap na mahanap ang ating nawalang paraiso. Hindi man natin maibalik ang dating paraiso noong unang panahon ay maaari naman tayong lumikha ng bagong paraiso para sa darating na panahon.
PARAISO
By Alex V. Villamayor
August 12, 1999
Philippines