Thursday, February 18, 2010

ANG PAGIGING KABATAAN

“Iba na ang kabataan ngayon”, madalas natin itong marinig sa mga matatanda. Subalit kung tutuusin ay hindi na ito bago. Narinig na natin ito sa ating mga magulang nuong panahon na sinusuheto nila tayo. Ganito rin ang sinabi sa ating mga magulang nuong panahong sila naman ang sumusuheto ng kanilang magulang. At malalaman natin, ito rin ang sinasabi natin ngayon sa pagsusuheto sa ating mga anak.

Nu’ng ating kabataan, narinig nating sinabi sa atin ng ating mga magulang na nu’ng kanilang panahon ay hindi nila magawa ang ginagawa natin dahil hindi maaari sa kanilang mga magulang ang ating ginagawa. Samantalang ngayong mayroon na tayong sariling mga anak, gusto nating ipaunawa sa kanila kapag kinagagalitan natin sila na hindi tama ang kanilang ginagawa dahil hindi iyon ipinagawa ng iyong mga magulang nung ikaw ay bata pa. Ang totoo nito, hindi mo na magagawa ngayon ang ginagawa nuon dahil hindi maaring maging angkop sa lahat ng pagkakataon at panahon ang sitwasyon nuon sa ngayon kaya ang mga dapat at hindi dapat gawin nuon ay maaari o hindi maaaring gawin ngayon. Nagbabago kasi ang panahon, sabay sa paglakad ng mga taon ay nag-iiba ang pangyayari, kapaligiran, at ang mga kuwento. Ang dating hindi maaaring makihabilo ang bata sa gawaing pangmatatanda ay tinatanggap na ngayon bilang isang kamulatan sa mabilis na paglaki ng isang bata dahil iyon ang idinidikta ng panahon.

Kung ating iisipin, hindi talaga mangyayari ang mga itinuro at pagpapalaki sa atin ng ating mga magulang na siyang ginawang pagpapalaki sa kanila ng kanilang mga magulang at mga ninuno. Dahil sa paglipas ng mga panahon, ang pasalin-salin na pagdidisiplina ng mga magulang sa mga anak ay nababawasan. Dahil mayroon pa rin sa ating sarili ang hindi natin nakuha sa ating ama at ina, maaring sinadyang hindi kinuha o sinadyang hindi naituro. Nariyan pa ang mga bagong nadadagdag ayon sa panahon at sa sarling pamamaraan ng isang magulang. At sa panahong ang ating mga anak naman ang magkakaroon ng anak na palalakihin, hindi niya magagawa kung paano natin siya pinalaki. Kaya kung ang kanunu-nunuaan natin ay kilala sa pagiging masinop, nababawasan iyon o kaya mas magiging matindi sa pagsasalin-salin ng pagpapalaki sa mga bata.

Hindi natin hawak ang takbo ng panahon ngunit maituturo natin sa ating mga anak kung paano ang mag-isip ng tama at mali. Kung mahuhubog natin sa ating mga anak ang pagkakaroon ng tamang pag-iisip, lakas ng loob at pagmamahal sa kapwa, magagawa niya ang tama na sa iba ay ipinalalagay na mali.


Alex Villamayor
2010

No comments: