Wednesday, February 02, 2022

PARA KAY NANAY

Kaarawaan ng nanay ko ngayon, pero wala na siya ngayon.  Kung magpaparamdam lang siya sa akin kahit sa panag-inip, may tatlong tanong ako na gusto kong itanong sa kanya.  Ito ang mga bagay na ngayon ay nagpapalungkot sa akin dahil kinukunsensiya ako.  Mga tanong na kung nuong nabubuhay pa lang sana siya ay naitanong ko na sa kanya.  Gusto kong itanong sa kanya kung:

1) Ano ang hindi niya gusto sa akin o may ginawa ba akong hindi niya nagustuhan?   Minsan nararamdaman ko na naging makasarili ako.  Kapag kasi nagkakahuntahan kami ay madalas kong sabihin sa kanya yung mga nakikita kong ayoko sanang gawin niya.  Mga kritiko ko sa kanya para sa kanyang ikabubuti.  Pero hindi ko naisalang-alang kung gaano kahirap sa kanya ang ipatigil sa kanya ang ginagawa niya.  Ako ang madalas magsalita ng opinyon ko pero sana ay tinanong ko siya nuon kung may nagawa ba akong hindi niya gusto na ginawa ko.  Malamang ay meron pero si nanay ay hindi kasi masalita sa akin sa ganung bagay.

2) Ano ang kanyang gustong sabihin sa akin?   Pakiramdam ko ay marami siyang gustong sabihin sa akin pero dahil na rin sa kanyang kundisyon ay hindi na niya sinasabi – siguro ay mahirap para sa kanya na sabihin pa.  Sinasabi niya sa akin na mabait ako (siyempre anak niya ako) at gusto niyang maging sigurado ang aking kabuhayan (na mahirap masiguro).  Pero ano pa kaya ang gusto niyang sabihin sa akin?  Sayang, hindi ko na malalaman.

3) Ano ang gusto niya na iregalo ko sa kanya?  Hindi siya nagsasabi ng kanyang gusto pero nararamdaman ko yung ilang gusto niya na hindi ko naibigay nuon dahil hindi sapat ang pera ko o may iba akong plano. Marami pa akong hindi naibigay sa nanay ko.  Katulad ng malaking pagdiriwang sana ng kanyang ika-75 taon, ipagpagawa siya ng salamin sa mata, manirahan siya sa bahay na aking nakuha, bigyan ng luho, at iba pa.  Marami akong gustong gawin para sa kanya pero hindi na mangyayari.

Habang buhay pa ang mga magulang ninyo, iparamdam niyo na ngayon ang pagmamahal ninyo sa kanila dahil kakaunti at maiksi na lang ang panahong nalalabi sa kanila kaya kailangan malaman na nila ang inyong pagmamahal.  Sa oras na wala na sila, saka ka magsisisi dahil kahit anong gawin mo ay hindi mo na magagawa ang dapat sana ay ginawa mo.  Kahit alam mo na ginawa mo na ang mga makakaya mo, darating ang oras na maiisip at mararamdamam mo na kulang pa o may hindi ka pa ginawa para sa kanya.

Matagal na panahon ding pinagsilbihan ko ang nanay ko.  Pero kahit na ganun ay nakakaramdam pa rin ako ngayon na hindi sapat ang ginawa ko.  Huntahan ang nagsilbing bukluran (bonding) namin na isa sa nagpakulay ng aming pagiging mag-ina.  Kwento ng kabataan, mga pangyayari na naganap, mga opinyon at paniniwala sa mga nagaganap, at mga plano sa aming mag-anak.  Bukod sa kanyang mga gamot para humaba pa ang kanyang buhay at mas matagal pa namin siyang makasama, binibigyan ko siya ng mga maliliit na materyal na bagay.  Mga gamit sa kusina ang alam kong masaya siya kapag binibigyan ko siya.  Gusto ko siyang isama nuon sa lugar na sasakay ng eroplano pero sabi niya iyung mga apo o anak na lang niya ang ipagsama ko.  At may mga gusto pa akong gawin pero hindi ko na nagawa dahil nga nawala na siya.  Ang punto ko ay, kung iyung ganun na alam mong ginawa mo ang kaya mong gawin para sa iyong magulang pero darating ang araw na makukulangan ka pa rin, gaano na kung hindi mo ipaparamdam sa kanila ang iyong pagmamahal, pagpapahalaga at pagpapasalamat sa kanila?

Hindi perpekto na laging masaya ang bawat pamilya.  Mayroon tayong mga hindi gusto sa ating magulang at nagkakaroon tayo ng hinanakit sa kanila – normal lang yun, pero iyung kikimkimin mo nang matagal ang iyong hinanakit ay iyun ang hindi normal.  Nagkakamali ang ating mga magulang pero hindi natin sila dapat hinuhusgahan dahil hindi natin alam, sila ay hindi pa tayo humihingi ng tawad sa kanila ay pinatawad na nila tayo.  Kaya hindi sila nararapat na tikisin.  Ang totoo:  ang anak kayang hindi kibuin at patawarin ang magulang, pero ang mga magulang, hindi nila kayang tikisin ang anak nila.  Nasaktan ka dahil nasabihan ka ng masasakit na salita pero hindi mo nakita ka kung gaano kasakit na umiiyak sila nung umalis ka pagkatapos kang sabihan.  Akala natin malakas sila pero hindi natin alam nahihirapan at nanghihina na sila.  Habang ikaw ay lumalaki, ang iyong mga magulang ay tumatanda.  Madalas hindi natin ito nakikita hanggang sa isang pambihirang pagkakataon at kapag dumating na ang oras, magiging emosyonal ka na lang na makikita mo sa kanilang mga mukha ang bakas ng kanilang buhay, paghihirap at katandaan.

No comments: