Kamakailan lamang ay sinuri ko ang aking sarili kung anung klase ba akong kaibigan o kasama. May mga hinihintay, inasahan o may mga hinahanap ako na di nangyayari at may mga kabiguan ako o may nakaka-argumento na iniisip ko kung bakit nangyayari.
Iniisip ko: makasarili kaya ako? Marunong ba akong makisama? O baka naman hindi talaga ako madaling kagaangan ng loob? May ginawa kaya akong masama, mali o masakit ba akong magsalita o magbiro kaya hindi ako binabalik-tugunan ng mga taong inaasahan ko? O baka naman mapaghanap lang ako?
Iyung pagiging totoo ko ay baka ang akala ay mapanakit ako ng damdamin. Iyung pagiging tahimik ko baka ang akala ay mahirap akong i-approach o kasama. Yung mga paskil o pahayag ko sa aking sosyal-midya tungkol sa mga kung ano meron ako, natanggap, kinain, ipinyon, ginawa ko at kahit yung personalidad o ugali ko – inaakala kaya nila na mayabang ako? Pero ang mga ito ay ang totoong ako.
Mahirap maging ciento por cientong tapat ang isang tao, pero naniniwala ako sa katapatan kaya pinipilit kong maging tapat kahit alam kong may ilan akong mga munting kasinungalinan (white-lies). Minsan nagmumukha akong imposible, mababaw, at may kasalarian (guilty) pero gusto ko kasing maging tapat.
Iyung aktibidad sa sosyal-midya tulad ng paglalahad ko ng aking katangian, minsan na akong nasabihan na hayaan mong ibang tao ang magsabi ng mga bagay na ito. Pero wala akong intensiyong ipagmalaki ang mga ito kundi gusto ko lang sabihin na ito ako – kung gusto mo akong kaibigan, ito ako.
Minsan na rin akong nasabihan nuon na wala akong pagpapahalaga sa pagkakaibigan. Hindi ko alam kung anung pagpapahalaga ang dapat. Hindi ko alam kung ano ang kulang ko pero sa pag-iisip ko ay isa sa pumasok sa aking isip ay ang kakulangan ko ng pagpapakita ng aking nararamdaman o aksiyon sa aking kaibigan. Ako kasi yung hindi mapagpakita sa nararamdaman. Aminado ako dito kaya ito ang pinipilit kong pagyamanin pero lumalabas pa rin talaga yung natural kong pagiging tahimik kaya hindi ko nasasabi ang aking mg sinasaloob.
Tahimik ako dahil aminado naman ako na hindi ako matalino, hindi mahusay magsalita, at antalang-reaksiyon pa nga ako. Hindi ako mahilig makipagtalo, makisabat sa usapan at makihalobilo. At hindi rin ako yung mahilig mamuno kundi masunurin at mapagbigay. Iniisip ko nga baka naman hindi talaga ako yung walang malisya kundi tanga o mahina lang talaga ako. Mabait ba ako o tanga kaya madali akong maniwala at magbigay. Pero sa napakaingay, tuso at napakamateryalistikong mundo, gusto ko na ang maging tanga na parang bulag, pipi at bingi dahil sa mga ito ay nakakaiwas ako sa mga kasalanan.
No comments:
Post a Comment