Para Sa mga Kandidato: Marami sa mga kandidato ay ginagamit na lang ang kalagayan ng mga tao dahil alam nila na marami mga ignorante o mangmang na botante. Pinagtutuunan nila ng pansin ang mga gimik kung paano makukuha ang atensiyon at interest ng mga tao kaysa sa ipakita ang kanilang mga katangian at kakayahan. Narito ang mga ugali ng mga kandidatong manggagamit.
. Trapo. Naging tradisyon na ng mga kandidato na kapag tatakbo sa eleksiyon ay mangangako ng mangangako pero mapapako, o magsasalita ng mga magaganda para mambola. Naging tradisyon na rin sa kanila ang manira ng mga kalaban at gumamit ng pera para manalo.
. Mapolitika. Balimbing, kung sino ang nasa kapangyarihan ay duon sila sumisiksik upang ma-secure ang kanilang kinalalagyan. Kung kinakailangan pang mag-sipsip upang mapalakas pa ang seguridad. Sila ang literal na mapolitika - politika na ay pinupulitika pa.
. Walang Alam. May tatlong grupo ang mga kandidatong gustong tumakto pero walang alam: Sikat, Mabait, at Kaibigan. Tumatakbo sila dahil may potensiyal silang manalo kahit walang kaalaman sa papasukin. Ang puhunan lang ay dahil sikat, kabaitan na kilala ng mga tao, at dahil kaibigan ng kasalukuyang malakas na politiko. Idagdag ko na rin na hindi totoong kapag mayaman ang kandidato ay hindi na mangungurakot kapag naruon na sa posisyon dahil matindi ang tukso kapag naka-puwesto na ang tao.
. May Kasalanan. Sila yung mga kandidato na alam naman ng mga tao na nahatulan na ng kaso, may nakabinbing kaso, at may nakalipas na anomalya pero ang lakas ng loob na tumakbo. Kung ganun, paano mo masisiguradong hindi sila muling gagawa kung ang moralidad at decency ay wala sa kanila? Kung politiko kang nahatulan, patunayan mo ang sarili mo bilang ordinaryong mamayan, hindi sa pamamag-itan ng posisyon.
. Mangbubudol. Sila yung mga kandidato na ang ginagawa ay pinaglalaruan nila ang kapintasan ng mga tao. Parang ang lahat ay isang palabas lang na dahil mahilig sa tawanan ang mga tao ay magpapatawa at sasayaw siya ng uso. Dahil mas marami ang kulang sa aral ay sasabihan niya ito ng mga bagay na napakaganda kahit imposible pero gugustuhin ng mga tao dahil nga napakaganda. Konektado ito sa #1 sa punto ng pambobola.
Anumang pangako na masyadong napakaganda na para maging totoo o imposible – scam o budol ito. Huwag magpapaloko/magpabudol at huwag magpabiktima sa mga kandidatong nabanggit dahil dito pa lang ay masusukat mo na ang kanilang kakayahan, katatagan at uri. Kapag nanalo ang katulad nila, magsisimula na naman tayo sa wala/zero, panibagong anim na taon na naman ng kapalpakan, at uulit lang tayo sa mga dati na nating reklamo.
Sa madaling salita, kapag ang kandidato ay hindi nagpapakita ng siryosong pagtrato sa kanyang kandidatura, hindi mo siya maasahang sisiryosohin ang posisyong ibinigay mo sa kanya. Kapag sa simula pa lang ay hitik na siya ng dungis, kalat at kasinungalinan, anong malinis na pamamalakad ang aasahan mo? Magiging epektibo ang eleksiyon kung ang mahahalal ay tapat. Hindi man sila santo at hindi natin sila nasusubaybayan ng 24-oras, pero kung may nakikita naman tayo na walang korapsiyon, walang kinasangkutang kaso, at may lehitimong may mga nagawa, malamang sa malamang ay sa kanya natin ibigay ang ating boto.
No comments:
Post a Comment