Monday, December 13, 2010

LANGIT

Disclaimer:  Parental Guidance

Bagamat malayo-layo pa naman, naisip mo na ba ang panahon na kapag kayong dalawa na lamang ng iyong asawa ang nasa sa bahay dahil may kanya-kanya ng pamilya ang inyong mga anak?  Kung paano kayo nagsimula na kayong dalawa lamang ay kayong dalawa ulit ang magkasama hanggang sa huli. Kapag dumating na ang araw na kapwa maputi na ang inyong mga buhok, sigurado’y maiisip mo ang inyong naging simula mula ng una mo siyang nakita.


Maaaring kababata, kaklase o kaibigan mo ang iyong napangasawa. Nuon pa ay nakakasama mo na siya nu’ng natututo kang umibig. At sa panahon na iyon ng iyong kabataan, ang magmahal ay makulay – para sa inyo’y kayong dalawa lamang ang tao sa mundo. Malaya, malakas, mapusok – ganuon kayo nuon. Ngayon, masarap alalahanin ang mga taon na iyon, binabalik-balikan pa rin.


Matagal ka ring naghintay para sa isang darating na pag-ibig. Marami kang nakilala at nakasama pero dumarating sa buhay ang isang tao na makakapagpabago sa atin. Minsan may isang tao ang makikilala mo upang siyang tumulong sa iyo kapag nahihirapan ka. Minsa’y nariyan na siya sa iyong tabi at malalaman mo na siya pala ang iyong makakasama sa buhay.


Habang pinagmamasadan mo siya ngayong gabi, habang nakahilig siya sa iyong braso, tinititigan mo ang kanyag mukha – sa mga nagdaang taon ay nagbago ang kanyang kagandahan ngunit para sa iyo’y siya pa rin ang katulad na babae na minahal mo ng maraming taon na ang nakalipas. Hindi lang niya alam, minsan ay naiiyak ka kapag minamasdan mo siya habang natutulog dahil natuklasan mo na sa kanyang pag-ibig at pagkalinga pa lang ay nakamtan mo na ang langit.


Ibinulong mo sa iyong sarili, siya ang iyong hinanap – wala ng iba kang hahanapin. Walang makakapaghiwalay sa inyong dalawa. Ngayon, nagkatotoo ang inyong pangarap, mapa-hirap man o ginhawa, nariyan ka lang sa kanyang tabi para sa kanya. Ang pag-ibig lang naman niya ang iyong kailangan na natagpuan mo sa kanyang puso. Mula ng nagkasama kayo, nakita at nakamit mo na ang totoong pag-ibig.


Sa kabila ng iyong mga naging kamalian ay naririyan pa rin siya sa iyong tabi. Mabait ang taong ito na iyong tinititigan habang natutulog – mapalad ka at may isang taong mabait na nagmamahal sa iyo na nagpapatawad at nagpapasensiya sa iyong mga kamalian. Ngayon ay naiiyak ka, nagingilid ang iyong luha dahil sa sarili mo ay alam mong hindi mo kaya ang mawala siya. At labis ang iyong pasasalamat dahil ang makasama siya habang buhay ay langit ng maituturi.


Narating mo na ang langit, nakamtan mo na ito. Kung mawawala ka man sa mundong ito ay masaya ka na’ng pupunta sa panibagong totoong langit dahil dito pa lang sa lupa ay naangkin mo na ang langit sa piling ng taong iyong mahal na minahal ka ng totoo at labis.



Alex V. Villamayor

December 13, 2010

ANG TIWALA

Disclaimer:  Parental Guidance

Kapag mahal mo ang isang tao ay pinapaniwalaan mo ang kanyang mga sinasabi. Kung minsan nga kahit may pagdududa ka ay pinapaniwalaan mo siya dahil yun ang kanyang sinabi. Ngunit sa isang sulok ng iyong isip ay umuukilkil ang iyong katanungan sa sarili. Bakit sa kabila ng inyong pinag-usapan na maging totoo sa isat-isa ay sumasagi pa rin sa iyong isip ang kabaligtaran ng kanyang sinasabi. Bakit kahit meron na kayong pinagkasunduan ay hindi ka pa rin nagiging kampante sa inyong relasyon. Tinatanong mo pa rin ang iyong sarili kung tama ba ang maniwala sa kanyang mga sinasabi at pagpayag sa mga nangyayari.


Sa kabila ng pagmamahal at paniniguro ay bakit nalulungkot ka pa rin? Bakit lagi kang may takot (pangamba) at pag-aalinlangan na mawawala siya? Bakit may takot ka na baka hindi ka na niya mahal? Bakit kinakabahan ka na hindi kayo magtatagal? Lagi kang natatakot sa mangyayari sa inyo.


Kapag wala pa siya, kapag hindi pa siya dumarating ay natatakot ka habang naghihintay ka sa kanya. Natatakot kang baka hindi siya dumating. Lagi kang naghihintay sa kanyang pagdating.


Kapag hindi siya tumatawag o kaya’y hindi nagpaparamdam sa iyo ay nag-iisip ka na baka galit siya sa iyo, o baka mayroon siyang tampo sa iyo, nag-iisip ka agad ng hindi maganda, baka mayroon na siyang iba, baka ayaw na niya sa iyo. Bakit lagi kang ganun? - Balisa.


Ang pagtitiwala ay kusang loob na nararamdaman at ibinibigay. Kung kulang ang iyong tiwala kahit labis ang iyong pagmamahal ay hindi ka mapapanatag sa inyong relasyon.


Kung minsan sa isang relasyon, para makuha ang tiwala ay kailangang mayroong kang pinanghahawakan. Hindi sa nawawalan ka ng tiwala ngunit kung ang taong mahal mo ay ipinagkatiwala sa iyo ang kanyang puso, asahan mong hindi ka niya iiwanan. Kung ang mga anak mo ay mahal na mahal ninyong dalawa, mahihirapan ang isa sa inyo na ipagpalit sa iba ang pagmamahal ninyo sa isat-isa.


Ang taong nagmamahal, mababaw lang pagdating sa kakayahang maibibigay ng kanyang minamahal. Ang mahalaga lang naman ay yung pahalagahan siya – yun lang at mapapawi na ang kanyang agam-agam at hinanakit.


Kailangang magtiwala ka ng totoo. Kapag nangako siyang hindi siya magmamahal ng iba at naniwala kang tunay ang kanyang sinasabi, kailangang panghawakan mo ang kanyang pangako dahil maninindigan siya sa kanyang sinabi. Kapag ganuon, anumang tukso ang lumapit sa kanya, panatag ang loob mong hindi niya babaliin ang kanyang pangako sa iyo. Anumang sasabihin nya ay magtitiwala kang katanggap-tanggap anuman ang dahilan niya tuwing dumadating kayo sa di pagkakaunawaan. At kapag pinagkatiwalaan ka, huwag kang magsisinugalin upang hindi masira at mawala ang tiwala sa iyo.



Alex V. Villamayor

December 4, 2010

Saturday, December 04, 2010

MGA LALAKING MAPAGMALAKI

Disclaimer: Parental Guidance

Sa ating kinagisnang kasayanan, ang mga lalaki ay nag-uukol ng malaking pagpapahalaga, pagkilala, at pagtingin sa pagkalalaki. Yung mga lalaki na ang pananaw sa pagiging isang lalaki ay kailangang sila ang makapangyarihan, naghahari at nananaig sa mundo. Yung laging nasa labas ng bahay upang magtrabaho at makihalobilo at hindi kailangang gumawa ng mga gawaing-bahay. Ito ang mga makalumang katangian ng isang lalaki. Ngunit kahit maka-luma na ang pananaw na ito ay mayroon pa rin sa panahon ngayon na ganitong mga lalaki at mas pina-eksaherado pa ng iba pang mga ugali. Yung ang paniniwala ay kailangang maraming nakilala at nakaulayaw na babae, matapang sa away, mahilig sa pag-inom ng alak, malakas mag-mura, at kung ano-ano pang mga katangiang nagpapatingkad ng kanyang pagiging lalaki sa dilang kahulugan ng isang lalaki.

Ang mga lalaking ganito ay nakakaramdam ng isang malaking katuwaan ang malaman ng ibang tao na sa kabila ng katotohanang mayroon na siyang asawa at mga anak ay nagkakaroon pa rin siya ng ibang karanasan sa iba pang mga babae. Naniniwala silang tunay ang kanilang pagkalalaki kung sila ay malakas, matapang at mahilig sa pakikipagtalik. Ginagawa nila ang kanilang sarili na isang bohemyo dahil ito’y larawan ng kagalingan ng pagkalalaki nila. Nagpapataas ito sa kanyang sariling antas, tiwala at katangian. Isang malaking bagay kasi para sa kanila na sila ay makilala na kaibig-ibig ng mga babae anuman ang kanilang panglabas na kaanyuan at katayuan.

Kung minsan ay naniniwalang kailangan silang pagsilbihan ng mga babae sa anumang mga kailangan nila. Napasasakop kasi ang babae sa kanilang mga asawa at ito ang pag-amin sa pagsunod nila sa mga lalaki. Ang mga babae ang tagapangalaga ng tahanan na itinayo ng mga lalaki. Para sa mga lalaking mapagmalaki, pag-aari niya ang bahay at ang buhay kanyang asawa. Isinasabuhay niyang kahit kailan ay mas nakaaangat ang lalaki kaysa sa babae. Dahil ang babae ay nilikha lamang para sa lalaki. At walang puwang sa mundo ang mga kapwang napabilang sa ikatlong kasarian. Napakalakas ng kanilang paghuhusga para dito - yung hindi lang nasiyahan sa pagtatawa, pagkutya at pagsasabi ng mga kapintasan kundi kailangan pa niyang hamakin at pagmaltratuhan ang mga iyon.

Hindi naman masama kung sumusunod siya sa utos ng kanyang asawa. Hindi kawalan sa pagiging lalaki kung sa loob ng bahay ay gumagawa siya ng mga gawaing bahay para sa kanyang asawa, ina at kapatid na babae. Hindi kabawasan sa kanyang pagkalalaki kung aaminin niya na siya ay mahiyain, madasalin at matatakutin. Hindi naman kailangan na siya ay malakas at matipuno. Hindi rin kailangan na pigilin niya ang umiyak kapag nahihirapan at nasasaktan siya, at hindi kailangang iwasan niya ang kulay rosas na gamit upang masabing siya ay isang totoong lalaki. Dahil ang totoong lalaki ay wala sa hitsura, pananalita, pagkilos at pag-uugali kundi nasa kanyang prinsipiyo. Ano man ang katayuan, katangian at oryentasyon sa buhay ng kanyang kapwa ay mayroon siyang pagalang na ipinapakita bilang pagkilala sa Lumikha. At higit sa lahat, hindi niya ipinagmamalaki ang kanyang mga katangian dahil wala siyang pag-aalinlangan sa kanyang sarili, kakayahan at kinalalagyan.


Alex V. Villamayor
December 4, 2010