Thursday, March 29, 2012

ARAW NG PAGTATAPOS

(Sa kadahilanang hindi ko po nasasagot ang inyong mga comment ay ipinagpapauna ko na po na maaari niyo pong kopyahin o gamitin ang artikulong ito sa iyong pangangailangan.  Ito po ang pinakamadalas kong matangap na tanong mula sa mga nakabasa nitong artikulo na ito.  Maraming salamat po sa inyong mga papuri.)
(Ang artikulong ito ay halaw mula sa isang talumpati para sa pagtatapos ng klase ng mga mag-aaral sa elementarya.  Sa kadahilanang hindi ko agad nasasagot ang mga komento, tanong at ilang papuri, ipinagpapauna ko na po na maaari niyo po gamitin ang artikulong ito sa inyong pangangailangan.  Maraming salamat po sa inyong pagdalaw sa aking blog).

Naririto tayong lahat at nagtipon-tipon ngayong araw na ito upang ipagdiwang ang isang malaking pangyayari sa ating buhay bilang isang mag-aaral.  Ito ang araw na ating pinakahihintay… ang katuparan ng ating masidhing pangarap na matapos ang ating puspusang pagpupunyagi sa pag-aaral.  Mga hirap na ating naranasan upang matapos natin ang anim na taon sa piling ng ating mga kaibigan, kapwa-mag-aaral at mga guro.

Ito ang araw ng katuparan.  ito ang araw na ating pinakahihintay, ang pinakaaasam-asam nating lahat…  ang magawaran ng kaukulang pagkilala ang ating pagtitiis, paghihirap at pagsusumikap.  Ito ang tamang araw upang ipagdiwang natin ang matagumpay na maisakatuparan ang pagsusunog ng ating kilay alang-alang sa ating kinabukasan.  Ang tagumpay ay hindi lang para sa mga natatanging mag-aaral.  Hindi lamang sa akin ang karangalan na makapagtapos nang may natatanging pagkilala, kundi ang karangalan ay para sa ating lahat.

Una na nating pasalamatan ang ating mahal na Paaralan na naging ikalawang tahanan nating lahat.  Sa loob ng mahabang anim na taon, naririto tayo upang hubugin ng ating mga dakilang guro ang ating pag-iisip, ang ating puso at ang ating pananamplataya, upang sa darating na panahon ay maging isang kapaki-pakinabang na mamamayan ng ating bayan sa isang tuwid na daan.  Pinanday ang ating pagkatao sa loob ng tamang panahon at sa angking-talino ng mga tumayong ikalawang-magulang natin.  Sa pamamag-itan ng tamang pag-gabay ay matagumpay nating naisakatuparan ang nais na igawad sa atin ng ating mga guro.  Walang katapusang pasasalamat sa aming mga guro sa kanilang dakilang tungkulin sa mga mag-aaral.

Ang araw na ito ay ang katuparan ng pagtupad natin sa pangarap ng ating mga magulang.  Ang pangarap nilang mabigyan ng tamang edukasyon ang kanilang mga anak.  Mapapalad tayo at iginawad sa atin ng ating mga magulang ang ating karapatang makatanggap ng tamang edukasyon at mainit nating natanggap ang kanilang walang-sawang suporta sa ating pag-aaral.   Mga magulang at guro na magkatuwang na humubog at gumabay sa ating wastong asal.  Sa kanilang mahabang panahon na ginugol, kaalamang itinuro at pagtuklas sa ating talino na kanilang nilinang, nakarating tayo sa espesyal na raw na ito.  Ang lahat ng ito, na ating tinatamasa ngayon ay isang malaking tagumpay sa lahat ng mga taong naghirap para sa atin upang marating natin ang araw na ito.

Ngunit hindi dito nagtatapos ang lahat, hindi ito ang wakas.  Ang bahaging ito ng ating buhay-mag-aaral ay pasakalye pa lamang ng ating mas malaking buhay.  Inihanda lamang tayo ng ating mga guro at magulang upang maging matibay, malakas at matatag tayo sa mga darating na pagsubok at hamon sa ating buhay – maging ito man ay tungkol sa pag-aaral o personal na pakikibaka.  Papunta pa lamang tayo sa isang mas mabigat na pakikipagsapalaran.  Ngunit dahil sa tulong ng mga taong naghirap para makapagtapos tayo ng pag-aaral ay taas-noo at buong-tiwala nating haharapin ang anumang pagsubok.   Ang edukasyon ay ang sandata na ibinigay sa atin upang mapagtagumpayan natin ang mga darating na hamon ng buhay.

Para sa malaking bahagi ng aming tagumpay, maraming salamat sa aming mga magulang na naririto ngayon upang saksihan ang paunang-tagumpay ng kanilang mga anak.  Kaya sampu ng aking mga kapwa-mag-aaral na magsisipagtapos, nais po namin kayong pagpugayan sa inyong kadakilaan.  At higit kangino man, ang taos-pusong pasalamat natin sa Poong-Maykapal, na  siyang may bigay sa atin ng ating kalakasan at karunungan.  Kung wala Siya ay wala ang lahat ng ito.

At bilang pagtatapos sa aking talumpati, nais kong hikayatin ang aking mga kapwa magsisipagtapos na gamitin natin ang tinamasang karunungan sa ating pag-aaral.  Isa-puso natin ang lahat ng ating mga natutunan sa paaralang ito.  Mula sa mga libro na ating pinag-aralan, mga kaalamang ibinahagi ng ating mga guro at kaalamang pang-relihiyon na ating natutunan, gamitin natin sa kabutihan ang mga ito upang mapanatili natin ang tuwid na daan tungo sa tagumpay ng ating bayan.   Mayroon tayong mahalagang papel na gagampanan para sa ating bayan.  Bagamat nasa murang isipan pa lamang ay huwag tayong magsawalang-bahala dahil sa darating na panahon ay tayo ang mamamahala ng ating bayan.   Kung kaya ngayon pa lamang ay maging isang mamamayan tayo na makatao at maka-Diyos upang makamtan natin ang kaginhawahan sa dulo ng tuwid na daan.

Isang mainit na pagbati para sa pagtatapos nating lahat.  Nawa’y magtagumpay ang bawat isa sa atin sa ating buhay, pag-aaral, gawain at higit sa lahat sa mata ng Diyos.

Maraming-maraming salamat at magandang umaga sa inyong lahat.


(Sa kadahilanang hindi ko agad nasasagot ang mga komento, tanong at ilang papuri, ipinagpapauna ko na po na maaari niyo po gamitin ang artikulong ito sa inyong pangangailangan.  Maraming salamat po sa inyong pagdalaw sa aking blog)

Saturday, March 17, 2012

PAKIKIPAMAHAY

Nalalaman natin ang ugali ng isang tao kapag nakakasama natin siya nang matagal at madalas sa isang lugar tulad ng bahay.  Sa loob ng bahay lumalabas ang natural at totoong ugali at kilos ng isang tao na hindi inaral lalo na sa mga pagkakataong biglaan o iyung hindi niya sinasadya.  Wala kasi tayong pretensiyon sa ating ikinikilos sa loob ng ating bahay dahil ito ang lugar na maaari nating gawin kung ano ang gusto ng ating puso at isip, sa anumang pagkakaton o anumang oras.  Ito ang lugar ng pagka-pribado ng ating buhay.  Katulad ng ating napapanood na “katotohang panoorin” sa telebisyon na kung saan ay pinagsasama-sama sa iisang bahay ang ibat-ibang uri, ugali, personalidad at paniniwala ng mga tao.  Doon nagkakakila-kilala ang lahat - lumalabas ang ibat-ibang karakter, mga pagkakasalungat, ang hindi pagkakaunawaan, at ang mga katangian na hinahanap sa isang kaibigan. 

Sa aking pakikipamahay, hindi ko alam kung ako ay maselan at mahirap maging kasama sa isang bahay dahil hindi ako sigurado kung iyung mga ayaw at gusto ko ay tama lamang sa kabuuan at mas katanggap-tanggap na bagay sa nakararami.  Magustuhan kaya nila ako kung malaman nila ang mga gusto at disgusto ko sa loob ng isang bahay?  May mga maliliit na bagay na kapag naiipon ay nagiging malaking bagay na humahamon sa aking ugali.  Maging kapamilya ko man, kaibigan o kasama, ayaw ko ng habang nagsisilpilyo ay bukas ang gripo at tuloy-tuloy na dumadaloy ang tubig.  Kapag nakakakita ako ng gumagawa ng ganuon ay ang laki ng nararamdaman kong lungkot sa ugaling pagtatapon at pag-aaksaya.

Ang simpleng papel na pinilas, silya na iniurong, pintuan ng aparador na isinara, bagay na ipinatong sa lamesa – na kapag ginawa sa katahimikan ng gabi o nang may natutulog ay nakakairitang tunog na nagiging ingay.  Hindi kanais-nais ang kasamahang maingay ang bawat pagkilos.  Yung hindi makapagtrabaho ng tahimik mula sa nagkakalansingang mga kubyertos at porcelana kapag naghuhugas ng mga pinaglutuan at pinagkainan, pagbubukas o pagsasara ng pinto, maging pagsasalita hanggang sa panonood ng telebisyon.  Kasama na rin ang makarinig ng tunog ng pagnguya habang kumakain na nakakainis at nakapangdidiri na marinig.

Ang usok ng sigarilyo ay isa sa mga bagay na nakakapagpa-inis sa ilan kasama na ako.  Hindi nila gusto ang amoy nito na kapag nanoot sa pang-amoy ay nakakapagpasira ng kanilang timpla.  Walang problema kung magsigarilyo hanggang hindi sila nakakaperwisyo ng ibang tao.  Hindi bale sana kung ang naninigarilyo lamang ang napapahamak ang kalusugan, nagkakasakit, at katawan nga lamang sana nila ang dapat magdusa sa sakit ngunit naidadamay nila ang sinoman sa paglanghap ng hangin na sinisira nila.

Hindi maganda ang marumi sa bahay.  Tulad ng hinahayaang manggitata ang kusina sa mga mantikang nanikit at nanigas sa dingding, lalung-lalo na ang hindi naaalagaang palikuran.  Magulong ayos ng mga gamit at maraming tambak ng mga hindi ginagamit na bagay.  At katulad ng marami sa atin, lahat tayo ay ayaw na mawala ang ating pribadong buhay.

Ngunit magka-ganun pa man, kahit nararanasan ko ang mga bagay na ayaw ko ay ginagawa ko na lang na pagtiisan ang mga ito dahil hindi ako yung naninita sa mga bagay na kontra sa akin.  Kung ganun ako, mahirap kaya akong maging kasama sa bahay?


Alex V. Villamayor
March 6, 2012