Saturday, March 17, 2012

PAKIKIPAMAHAY

Nalalaman natin ang ugali ng isang tao kapag nakakasama natin siya nang matagal at madalas sa isang lugar tulad ng bahay.  Sa loob ng bahay lumalabas ang natural at totoong ugali at kilos ng isang tao na hindi inaral lalo na sa mga pagkakataong biglaan o iyung hindi niya sinasadya.  Wala kasi tayong pretensiyon sa ating ikinikilos sa loob ng ating bahay dahil ito ang lugar na maaari nating gawin kung ano ang gusto ng ating puso at isip, sa anumang pagkakaton o anumang oras.  Ito ang lugar ng pagka-pribado ng ating buhay.  Katulad ng ating napapanood na “katotohang panoorin” sa telebisyon na kung saan ay pinagsasama-sama sa iisang bahay ang ibat-ibang uri, ugali, personalidad at paniniwala ng mga tao.  Doon nagkakakila-kilala ang lahat - lumalabas ang ibat-ibang karakter, mga pagkakasalungat, ang hindi pagkakaunawaan, at ang mga katangian na hinahanap sa isang kaibigan. 

Sa aking pakikipamahay, hindi ko alam kung ako ay maselan at mahirap maging kasama sa isang bahay dahil hindi ako sigurado kung iyung mga ayaw at gusto ko ay tama lamang sa kabuuan at mas katanggap-tanggap na bagay sa nakararami.  Magustuhan kaya nila ako kung malaman nila ang mga gusto at disgusto ko sa loob ng isang bahay?  May mga maliliit na bagay na kapag naiipon ay nagiging malaking bagay na humahamon sa aking ugali.  Maging kapamilya ko man, kaibigan o kasama, ayaw ko ng habang nagsisilpilyo ay bukas ang gripo at tuloy-tuloy na dumadaloy ang tubig.  Kapag nakakakita ako ng gumagawa ng ganuon ay ang laki ng nararamdaman kong lungkot sa ugaling pagtatapon at pag-aaksaya.

Ang simpleng papel na pinilas, silya na iniurong, pintuan ng aparador na isinara, bagay na ipinatong sa lamesa – na kapag ginawa sa katahimikan ng gabi o nang may natutulog ay nakakairitang tunog na nagiging ingay.  Hindi kanais-nais ang kasamahang maingay ang bawat pagkilos.  Yung hindi makapagtrabaho ng tahimik mula sa nagkakalansingang mga kubyertos at porcelana kapag naghuhugas ng mga pinaglutuan at pinagkainan, pagbubukas o pagsasara ng pinto, maging pagsasalita hanggang sa panonood ng telebisyon.  Kasama na rin ang makarinig ng tunog ng pagnguya habang kumakain na nakakainis at nakapangdidiri na marinig.

Ang usok ng sigarilyo ay isa sa mga bagay na nakakapagpa-inis sa ilan kasama na ako.  Hindi nila gusto ang amoy nito na kapag nanoot sa pang-amoy ay nakakapagpasira ng kanilang timpla.  Walang problema kung magsigarilyo hanggang hindi sila nakakaperwisyo ng ibang tao.  Hindi bale sana kung ang naninigarilyo lamang ang napapahamak ang kalusugan, nagkakasakit, at katawan nga lamang sana nila ang dapat magdusa sa sakit ngunit naidadamay nila ang sinoman sa paglanghap ng hangin na sinisira nila.

Hindi maganda ang marumi sa bahay.  Tulad ng hinahayaang manggitata ang kusina sa mga mantikang nanikit at nanigas sa dingding, lalung-lalo na ang hindi naaalagaang palikuran.  Magulong ayos ng mga gamit at maraming tambak ng mga hindi ginagamit na bagay.  At katulad ng marami sa atin, lahat tayo ay ayaw na mawala ang ating pribadong buhay.

Ngunit magka-ganun pa man, kahit nararanasan ko ang mga bagay na ayaw ko ay ginagawa ko na lang na pagtiisan ang mga ito dahil hindi ako yung naninita sa mga bagay na kontra sa akin.  Kung ganun ako, mahirap kaya akong maging kasama sa bahay?


Alex V. Villamayor
March 6, 2012

No comments: