Sunday, August 31, 2014

SUNUD-SUNURAN

Nakakatawa, nakakalungkot, nakakaasar, at nakakahinayang isipin na minsan mayroon tayong mga kakilala na nagiging sunod-sunuran sa isang tao.  Yung parang gagawin ang maraming bagay para lamang mapa-lugod nila ito, at anuman ang sabihin ng taong ito ay sinusunod nila.  At ang siste pa nito, madalas nilang pinupuri, pinapangalagaan, at ipinagtatangol ang nasabing tao kahit na alam nilang mayroong hindi tama.  Tinatanggap nila ang kamalian o di kaya ay binibigyan katwiran at pinawawalang sala.  Minsan hindi na natin alam kung ang mga kakilala natin ay marunong bang makahalata, makadama at makaalam o dahil sadyang nagbubulag-bulagan lamang sila na itinatatwa ang kapintasan ng nasabing tao, o pambobola na lamang.

Maaaring ihalintulad sila sa mga alipores, sila yung sunud-sunuran sa kanilang kinikilalang nakatataas.  Para silang mga sa hawak sa leeg na kayang utus-utusan ng kung ano-ano, hawak sa kanilang mga ilong na susunod sa kung saan sila gustong dalhin.  Kung para sa kanila, ang mga ito ay para sa ikasasaya ng nasabing tao, ito’y magandang pagsisikap ng pakikipagkaibigan.  O kung dahil sa intensiyon nilang maging maganda ang kanilang kalagayan ay hindi sila masisisi na isiguro ang kanilang sarili.  Iyun nga lang, nakakawala ng simpatiya, pagpupugay at pagkilala ang mga taong sunud-sunuran.  At lalong nakakawalan ng simpatiya na para maipakita lamang nila ang kanilang katapatan at pagpanig sa isang tao ay kahit sila ay nakikigalit na rin sa kung sino mang kagalit ng nasabing tao.  Kung anong galit nito sa isang bagay, tao at pangyayari ay ganung galit din ang kanilang ipinapakita.  Kung ayaw sa isang bagay ang nasabing tao ay aayaw na rin sila sa bagay na iyon.  Nawawalan na sila ng bait sa kanilang sarili.

Kung ang lahat ng ito ay dahil sa pagkakaibigan, mauunawaan pa rin ito ng ating pandama. Ngunit habang patuloy nila itong ginagawa ay kinukunsinti at pinamimihasa naman nila ang isang tao na ipagpatuloy ang gawi at asal.  Sa patuloy nilang pagpapakita ng mga ikalulugod nito ay hindi nila ito binibigyan ng pagkakataon na magbago.  Hindi nito nalalaman ang mga kamalian niya at mga kapintasan kung kaya mas lalo itong nagiging matayog.  Lalo itong makakaramdam sa sarili na siya ay magaling, lagi niyang ipapalagay na siya ay tama at siyang dapat masunod.  Kung laging tama ang magiging palagay nito sa sarili, mahihirapan itong purihin ang ibang tao, kapag ang gusto nito ang laging masusunod, hindi nito mararamdaman ang pangangailangan ng ibang tao.  Ang lahat ng ito ay dahil sa patuloy na pagsulsol at pagpapamihasa ng kanyang mga alipores.

Maaaring ang dahilan mo ay upang mapanatili at mapalakas ang inyong pagkakaibigan kung kaya ginagawa mo ang mga bagay na makakapagpasaya sa isang tao ay hindi ito maganda at makatarungan.  Subalit kung talagang tunay kang kaibigan ay bibigyan mo ng aral ang iyong kaibigan upang matuto at magbago siya sa ikabubuti nito.  Lumagay lamang tayo sa tama at patas.  At para sa ating sarili, mahalaga pa rin na kung ano ang ating saloobin ang siyang sundin natin maliban na lamang kung mayroon kang ipapahamak sa iyong gagawin.  Magkaroon ka ng paninindigan, huwag kang magpapadikta sa gusto ng ibang tao maliban lamang kung ito ang inyong ugnayan o tawag ng tungkulin.  Tandaan, habang nagiging sunod-sunuran ka ay lalo mo lamang ibinababa ang iyong pagkatao dahil mismong ang sarili mo ay hindi mo na kayang sundin.

Ni Alex V. Villamayor
Agusto 31, 2014

No comments: