Isang
gabing hindi ako makatulog sa kakaisip kung paano ko aaabutin ang aking
pangarap ay nagdaan sa aking isip ang ibat-ibang nangyayari at maaaring
mangyari. Sinusubukan ko naman.
Ginawa ko ang maraming bagay para makamit ko ang aking pangarap ngunit sadya
nga lang na hindi umaakma sa akin ang mga pagkakataon. Matagal na akong
nagpapakahirap magbanat ng buto para sa matamis na kabayaran. Maraming beses na akong naghanap ng paraan at
tulong na sa pagpupumilit kong mangyari ang aking pangarap ay may mga
pagkakataon na naloloko ako. Ngunit hindi ako nasisiraan ng loob na
muli’t muli ay ituloy ang aking pangarap.
Katulad
ng karamihan sa atin, isang tahanan na masasabi kong sa akin ang aking
pinakapapangarap. Isang pangarap na bahay na sa anyo, hugis, sukat at lugar ay
ayon sa lahat ng aking kagustuhan. Simula nang maramdaman ko ang
kagandahan ng magkaroon ng isang sariling bahay ay hinangad ko na ang magkaroon
nito na ako mismo ang mangangalaga. Ninanamnam
ang sayang nangingiti nang nag-iisa na nangangarap nang gising. Ang tayog ng pangarap sa kalakasan ng
pagsusumikap, sa mailap na pagkakatao’y nakakapagod. Hanggang tumagal ng tumagal ang tayog ng
pangarap ay binababaan upang mapalapit sa katotohanan para makamtan lamang.
Hanggang
nakakapagod mangarap. Sa kawalan ng
pag-asa, ibinababa ko ang sarili upang maging mas makatotohanan at hindi isang pangarap
lamang. Sa panahong parang susuko na
ako, naramdaman ko na may ipinahihiwatig na pala sa akin ang mga pagkakataon. Sa panahong nagpupursige akong makamit ang
aking pangarap na bahay, sa maraming pagkakataon ay ipinararamdam sa akin ng pagkakataon
na hindi ito dapat matuloy. Hanggang
maramdaman ko na mukhang hindi pa talaga dapat. Hindi pa ito ang tamang
oras upang ipagpilitan ko ang gusto ko.
Pinilit kong intindihin kung ano ang mga nakakapaligid sa akin at
sinang-ayunan kung ano ang mayroon ako.
Tinanggap ko na lang ang katotohanan at isinaisip na kung anuman ang mga
nangyayari ay mayroon pa rin itong mga kabutihan at kadahilanan. Nasa tamang oras ang lahat.
Nananag-inip
ako sa tanghaling tapat, iminulat ko ang aking mga mata, pinagmasdan ang sarili
at aking naunawaan ang aking kalagayan.
Maganda pa rin na hindi ko pa makuha ngayon ang aking pangarap na bahay. Dahil sa paghahangad ko ng isang sariling
bahay na aking magiging kaharian, makamit ko man ito ngayon ay hindi ko naman
ito makakapiling at mararamdamn nang lubos ang tamis ng may sariling
kaharian. Hindi ko rin ‘t naman ito
matutuluyan, maayusan, malilinisan at maaalagaan, at palagi rin ko lang siyang
iiwat-iwanan. Hindi pa ito ang panahon, marahil
ay kapag dumating na ang oras na nakahanda na akong hindi siya iwan at
magpapasya akong manatili na nang matagalan sa aking sariling bayan. Iniaadya ako ng pagkakataon na hindi matuloy
ang aking ipinagpipiplitan dahil malamang na kung sakaling itinuloy ko ang
aking desisyon ay mababaon lamang ako sa utang dahil sa laki ng halaga ng aking
pangarap at tuluyang mawala ang lahat ng aking pinaghirapan.
Hindi
pa huli ang lahat. Sa ngayon, mahalaga
na mas pagtuunan ko ng pansin ang ibang pagkakataon na magpapaunlad sa aking
buhay. May mga pagkakataon pa na iukol
ko sa ibang bagay ang aking kakayahan at pagyamin kung ano man ang mayroon ako. Tutal ay may inuuwian naman akong tahanan na tumatanggap
sa akin, hanggang nasa ganito akong kalagayan na dumating-lumisan at bumalik,
makabubuting hindi ko muna kuhanin ang bahay na malulungkot lamang sa tuwing
ako ay aalis. Maaari pa akong mangarap muli at kapag dumating na ang
oras na hindi na ako muling aalis, kukuhanin ko na ang isang bahay upang
makapiling siya nang matagalan at maramdaman ang pagsasaya ng totoong mayroong
sariling bahay, at marahil ay iyun na ang tamang panahon na makamit ko ang
aking pinakapinapangarap na bahay.
Ni Alex V.
Villamayor
August 4, 2014
No comments:
Post a Comment