Normal
ba ang gustuhin ang maging malayo at mapag-isa sa isang tahimik at sa bahagyang
naliliwanagang lugar? Ito ang gusto kong
maging lugar ko sa isang bahay – yung magkaroon ako ng isang lugar na walang aabala
sa aking pagiging tahimik at mapag-isa nang hindi ako tatanungin at pipigilan. Iyung wala akong aalalahaning
damdamin ng iba anuman ang aking gawin na tama sa aking paniniwala. Iyung mararamdaman ko ang aking sariling
kagustuhan sa sarili kong pamamahay.
Kung
kaya ko lang ang lumayo at mamuhay nang mag-isa ngunit simpleng tao lamang ako
at walang kakayahang isaayos sa mabuti ang lahat bago ako gawin ang aking
pansariling kagustuhan. Kung bakit
gustong-gusto ko ang lumayo sa aking mga kamag-anak ay hindi dahil hindi ko sila
gusto, hindi kasundo o mayroon kaming samaan ng loob dahil ang totoo ay wala, kundi
dahil gusto ko lang talaga ang nag-iisa.
Iyung kahit abutin ako ng maghapon at magdamag sa loob ng aking sariling
bahay, kahit wala akong kausap sa buong araw ay hindi ako mabubuwang kundi
matutuwa pa ako dahil iyun ang gustong-gusto ko.
Kung
ayaw ko man ng maraming tao, nasa akin ba ang mali? Ako ba ang may dipresensiya? Ang sabi ng iba ay kailangan ang makihalobilo
sa maraming tao. Tama naman, hindi lang ako kumportable sa maraming tao
dahil mas gusto ko ang ako lang mag-isa at mag-lagi sa loob ng aking
bahay. Hindi naman sa pakikisalamuha at sa dalas ng pakikipag-usap sa
iyong mga kapit-bahay nakikita ang totoong pakikisama kung mayroon ka namang
mga nasasaktan at nakakaaway kahit mismo ang ilan sa mga sarili mong bayaw,
bilas, hipag at kamag-anak na nakakasamaan mo ng loob – anong klaseng
pakikipagkapwa tao ang ipinakita mo?
Mas gusto ko ang tahimik at walang kausap hindi dahil sa
nahihirapan akong makisama kundi talagang likas lang sa akin ang
mapag-isa. Mas gusto ko ang mapag-isa hindi dahil sa galit ako sa mundo o
may problema kao sa mga tao kundi dahil duon ko nakakamit ang katahimikan na
nagpapalakas sa katawan at isip ko. Bagamat nahhirapan ang aking loob sa mga
pagkakaingay at pagkakatuwaan sa loob ng bahay ngunit hindi ako nagagalit. Pinagkakasayahan ko na lamang iyun dahil
totoo naman na nakakatuwa.
Hindi ko alam kung sa pangkalahatang pamantayan ay may mali
sa aking ugali. Basta ang napanghahawakan ko, totoo na walang
nakakarating sa aking kaalaman na may kapit-bahay akong galit sa akin.
May mangilan-ngilan akong hindi nagustuhang ugali ng mga nakilala ko ngunit
hindi umaabot sa alitan. Sa kabuuan, masasabi kong wala akong nagagawang
kasalanan sa aking kapwa-tao. Aanhin ang kahiligan sa pakikipag-usap at
mga kasama kung alam mo naman sa sarili mo na mayroon ka ng mga naka-alitan.
Masasabi kong hindi ako pala-lapit sa ibang tao at magiliw sa
kapwa ngunit nagpapasalamat naman ako na kapag nangangailangan ako ay mas
madalas kaysa hindi ay nakakakuha ako ng tulong sa panahon ng
pangangailangan. Ang natatandaan ko ngang sinabi ng aking isang
kasamahan, “Ang mga tao ay tinitingnan ka dahil sa iyong ipinakitang ugali,
hindi nila makuhang basta na lang magsalita hindi dahil sa walang pakialam o
kaya ay takot kundi dahil sa hiya bilang respeto”.
Ni Alex V. Villamayor
Hulyo 31, 2014
No comments:
Post a Comment