Thursday, July 10, 2014

IKAW AY KUNG ANO ANG IYONG KINAKAIN

Bilang pagbabahagi sa mga may nais na magbawas ng timbang, narito ang aking pamamaraan na halos kapareho din naman ng maraming nagtatagumpay sa pagbabawas ng timbang: Ito ay ang “Bilang at Kalidad” ng pagkain na ating kinakain.  Subok naman talaga na nasa kinakain kung bakit tayo lumalaki – mas marami kang kinakain ay mas malaki ang posibilidad na tataba at bibigat ka.  Hindi dahil binawasan mo ang bilang ng iyong kinakain ay papayat ka na dahil kailangan na isunod mo dito ang kalidad ng pagkain.  Matamis, maalat at mamantika – ito lang ang mga pangunahing palantandaan na dapat isaalang-alang sa kalidad.  At para naman sa pangganyak sa pagbabawas ng timbang, ito ang aking pampalakas ng determinasyon:  Pera – wala akong pera para ipangtustos kapag nagkasakit, nagpagamot at mag-mentine.

Sa aking pagdi-dyeta, may nagtanong sa akin kung hindi daw ba ako nagsasawa sa paulit-ulit na kinakain ko.  Ang sagot ko hindi.  Dahil totoo naman na kakaunti lang ang mapagpipiliang pagkain sa pamilihan pagdating sa mga pagkaing pangkalusugan.  Nasanay na rin ako at ang totoo nito ay gusto ko na ito at hindi yung napipilitan.  Siguro, kung sanay kang kumain ng paiba-iba, masasarap at mamahalin ay duon ka mahihirapan.  May nagtanong din na kung may nakukuha ba akong bitamina at mineral sa ganung kaunti lamang.  Meron at maganda ang nakukuha ko.  Hindi naman kasi kailangan na marami kang kinakain basta nakukuha mo ang pang-araw-araw na pangangailangan ng iyong katawan.  Nagtingin-tingin din ako sa ibang mga libro tungkol sa tamang pagkain at nabasa ko na hindi kailangang kumain ng marami at masarap para lumakas.  Mayroon ding nagsalita na baka tinitipid ko daw ang aking sarili.  Ang pinanghahawakan ko dito:  hindi sa pagtitipid kung ang kinakain ay kakaunti kundi iyun lang talaga kasi ang dapat kainin.  Hindi totoo na pagdating sa pagkain ay hindi dapat tinitipid ang sarili.  Hindi dahil payat ay kinukulang sa pagkain bastat ang iyong timbang ay nasa mainam na timbang pa rin.

May nagsabi na kailangan ko rin ang karne paminsan-minsan – oo pero iyung paminsan-minsan lang talaga.  Hindi yung minsan lang ang sopas, minsan lang ang spaghetti, minsan lang ang carbonara, minsan lang ang pansit – dahil ang katumbas ng mga minsan na ito ay madalas ka ng mag-pasta na ang labis ay hindi maganda sa kalusugan.  Iniba lang ang pangalan pero ang uri ay iisa din – parang minsan lang ang tinola, afritada, nilaga, adobo pero lahat naman ay manok.  O pritong talong, pritong isda, pritong meat loaf, pritong itlog – pero ang lahat ng ito ay mantika.  Ang softdrinks, cookies, cake, rice – lahat mayaman sa sugar.  Mga pagkaing naproseso (meat loaf, hotdog, luncheon meat, cheese, junk foods) – lahat ito ay maalat.  Binanggit ko ang mga ito dahil ito ang madalas kainin ng maraming Pilipino.

Sa pagdi-diyeta, kailangan ang determinasyon at disiplina.  Ang sabi nga ay maraming paraan kapag gusto natin pero kapag ayaw ay marami tayong dahilan.  Hindi ako eksperto sa bagay na ito pero mayroon akong kaalaman dahil sa aking karanasan.  Mag-ingat tayo sa ating kalusugan dahil kapag nagkasakit tayong mga bumubuhay sa ating pamilya ay malalagay sa kompromiso ang ating mga mahal sa buhay.  Ang kinabukasan ng mga bata na umaasa sa atin, ang abalang idudulot ng mga naghahanap-buhay na taong malalapit sa atin upang alagaan tayo, ang pera na magagastos, ang sakit ng katawan, at marami pang iba – ang lahat ng ito ay alalahanin natin.  Kapag nasa edad na nagsisimula na tayo sa ating buhay (40’s), huwag na tayong maging masyadong mapaghanap ng masasarap na pagkain dahil tutal ay natikman na naman natin yun.  Alalahanin na lang natin ang idudulot na problema kapag tayp ay naging alagain at wala ng silbi.

Ni Alex V. Villamayor
July 11, 2014 

No comments: