Ang Sinigang ay nagmula sa Katalugan at naging popular sa buong Pilipinas na maituturi na isa sa pambansang ulam sa bansa. Ito ay isang sinabawang karne na pinaasim at nilahukan ng ibat-ibang gulay. Kadalasan ay ginagamitan ito ng sampalok bilang panuka upang maging maasim ang sabaw ngunit maaari rin gamitin ang hilaw na mangga, bayabas, santol, kamyas, kalamansi, guyabano, balimbing at kamatis. Ang mga gulay na isinasahog dito ay kadalasang nasa tabi-tabi lamang tulad ng kamatis, sibuyas, talong, okra, labanos, talbos ng kamote o kangkong, mustasa, letsugas, sigarilyas, sitaw, gabi, siling haba, atbp. Maaaring isigang ang karne ng baboy, baka, manok, hipon, isda tulad ng bangus, kanduli at ayungin, at kahit ang ilang seafoods tulad ng alimasag.
Nasa edad trese ako nang matutunan kong lutuin ang Sinigang, na natutunan ko sa aking ama at ito ang naging paborito kong ulam. Ito rin ang ulam na masasabi kong pinakamasarap na kaya kong lutuin. Sa kaserola ay sabay kong pakukuluan ang karne ng baboy at ang sariwang sampalok. Kukunin ko ang sampalok kapag ito ay malambot na at sa pinagkuluan ay hinahayaan ko itong kumulo upang lumambot ang karne ng baboy. Sa paunti-unting tubig ay kailangang pisain ko nang mabuti ang sampalok upang pumuti ang sabaw ng sinigang. Ibubuhos ko ang pinagkatasan ng sampalok kapag ang karne ay halos malapit na sa lambot na gusto kong mangyari. Ilalagay ko ang sili at labanos, kasunod ay ang sitaw at kamatis. Kung minsan ay inuuna ko ang kamatis kung gusto kong madurog ito at ang sili na rin kung gusto kong ito ay maanghang. Kapag ang karne ng baboy ay malambot na, iyung humihiwalay na ang taba (na mala-gelatin sa lambot) sa laman ay titimplahan ko ito ng patis at saka ko ilalagay ang talbos ng kamote, tatakpan ito at isasara ang kalan. Hindi pa ako gumamit nuon ng gabi upang lumapot ang sabaw ng sinigang pero sapat na ang mga sangkap na ginamit ko para makumpleto ko ang resipe ng aking Sinigang. May sawsawang patis na pinisaan ng sili at sa malamig na kanin ay isasabaw ang sinigang, duon ako nakakarami ng pagkain.
Ang pagluluto ng Sinigang ay depende sa lugar at depende sa karne ngunit ang lasa nila ay nagkakalapit sa pagkakakilanlang lasa ng Sinigang. Pinangat na Isda sa Katimugang Luzon, Linarang ang tawag sa Cebu, Sinanglaw (na mayroong Ampalaya) sa Ilokos samantalang mayroong Bule Baluga sa Pampanga ang mga Aeta. Bukod sa pangunahing sangkap na kamatis, subuyas, sili at panuka, mas masarap ilahok ang mustasa kaysa sa talbos ng kamote o kangkong kung ang lulutuin mo ay isda o hipon. Masarap sa sinigang na hipon kung mayroong talong, samantalang sa baka ay mas simple sa labanos, sitaw, okra at letsugas sa halip na talbos o kangkong. Mas masarap sa Sinigang na isda kung mayroong misu at mas masarap ang bangus at alimasag kung sinigang sa bayabas.
Mayroong tinatawag na panigang sa aming bayan sa Angono. Ito ay ang hapunan sa bahay ng isang kaibigan (puwede rin tanghalian) na ang ulam ay Sinigang. Mas masaya kung sisimulan ang pagsasama-sama mula sa pagluluto ng Sinigang at kanin kaysa magdadatingan ang lahat sa oras ng kainan lamang. Kadalasan ay buto-buto ng baka o baboy ang ginagamit na karne at masayang pinagsasaluhan ang pagkain sa isang papag, kung minsan ay maaaring pagsaluhan sa inilatag na dahon ng saging upang duon kamayan na magsalo-salo ng pagkain. Tuwing araw ng Biyernes, Sabado at Linggo kadalasan itong ginagawa dahil nagiging mas matagal ang pagsasama-sama habang nagpapanigang sa mga ganuong araw.
Ang sinigang ay isang pagkain na napaka-Filipino dahil isa itong mapagkakilanlan na matatagpuan sa isang Pilipino. Hindi katulad ng mga pagkaing minana o ginaya natin sa ibang bansa na madalas nating lutuin tulad ng Ramen ng Tsina, Mechado ng Espanya at Steak ng Amerika, ang Sinigang ay mahirap matatagpuan sa ibang bansa na nagluluto ng mayroon ganitong mga rekado at lasa. Bagamat maaari itong magustuhan ng mga banyaga ngunit ang Sinigang ay madalas na ihinahain sa hapag-kainan sa Pilipinas at mga lugar na mayroong komunidad ng mga Pilipino, kaya maituturi itong isang pagkain na napaka-Pinoy.
No comments:
Post a Comment