Thursday, April 17, 2014

PAGSALUBONG SA PAGKABUHAY

Nuon pa mangkalagitnaan ng nakalipas na sentinaryo, ang bayan ng Angono bagamat isang rural ay hindi naman naglalalayo sa kabiserang Maynila.  Mula sa mga balita, kaugalian, modernisasyon, at mga gawain ay kasunod agad na nararating ang Angono.  Hindi man maituturing na makalumang probinsiya ay mayroon sinusunod na makalumang tradisyon ang mga taga-Angono.  Minana pa sa aming mga ninuno, ang Pista ng Salubong sa Angono tuwing Pasko ng Pagkabuhay ay ginaganap sa pamamag-itan ng sayaw ng pagbati.  Kakaiba at pagkakakilanlan (identity), ang sayaw ng bati ay ginagampanan ng dalawang marilag na binibini sa Angono na tinatawag na Kapitana at Tinyenta.  Nagsisimula ang tungkulin ng dalawang dalagang ito sa gabi ng kasalukuyang Pasko ng Pagkabuhay at magtatapos sa susunod na taon.  Sa pamamag-itan ng palabunutan bilang paraan ng pagpili sa kanila, ang kapitana at tinyenta, kasama ang kanilang mga konselaha ay magkatuwang na ginagampanan ang mga gawaing-simbahan sa pagpapalaganap ng mga tradisyong pang-Katoliko sa loob ng isang taon. At sa araw ng Pasko ng Pagkabuhay, iyun ang pinaka-tampok ng kanilang tungkulin..

Malayo pa ang kaarawan ay pinag-aaralan na ng dalawang dalaga ang sayaw ng bati.  Mayroong tinatawag na tatlong panaog kung saan ay mistulang pagpapakita ng magaganap.  Ginagawa ito sa mga gabi ng Linggo ng Palaspas, Miyerkules Santo at Biyernes Santo.  At sa mismong Pasko ng Pagkabuhay, nagsisimula ang lahat sa pamamag-itan ng dalawang prusisyon sa madaling araw na tinatawag na “Salubong”.  Ang Salubong ay pagsasadula ng pagkikita ng Mahal na Birhen at ng Kristong Hari na Nabuhay.  Ginaganap bago pa man pumutok ang bukang liwayway, sa pamamag-itan ng prusisyon ng imahe ng mga pangunahing tauhan na nasa andas na binubuhat ng mga deboto ay magkikita ang dalawang grupo ng prusisyon: sina Maria Magdalena, Maria Salome, Santa Veronica, San Juan at ang Mahal na Birheng Marya ay makakasalubong ang nabuhay na Kristong Hari.  Kapag nagkasalubong na ang dalawang prusisyon, magiging isang prusisyon na ito at tutungo na sa isang lugar kung saan naghihintay ang isang entablado na kinalulugaran ng dawalang magagandang dalaga na tumatayong kapitana at tinyenta.  Naggagandahan sa suot na tradisyonal na baro at saya, napapalamutian ng makukulay at mala-pistang banderitas at mga dahon ng niyog ang entablado.

Sa tugtog ng banda ng musiko, isang sayaw ang iaalay ng tinyenta na may tangan na maliit na banderang iwinawagayway nang pulit-ulit at paikot-ikot, sa galaw na may pagka-malumanay na ang katawan ay halos mabali.  Matapos ang sayaw ng tinyenta ay susunod namang bibigkas ng mahabang dicho’ ang kapitana tungkol sa katuparan ng pangako ng Kristong Hari.  Ilalarawan sa tula ang pagpapakasakit, hapis at muling pagkabuhay ng Kristong Hari.  Sa bahaging nagdurusa na ang Panginoong Hesus at ang hapis ng isang Ina na si Birheng Marya ay makabagbag-damdamin ang pagbigkas sa tula.  At sa pinaka-rurok ng tula kung saan inilalarawan ang pagkabuhay ni Kristo ay limang higanteng mga ibon na gawa sa kawayan at papel ang mabilis na mag-uunahan sa pabubukas ng isang napakalaking puso na ang putting ibon ang siyang mananaig na mabuksan iyon.  Isang munting anghel na batang babae ang nasa loob ng malaking puso at aawitin ang “Regina Coeli Laetare” (Queen of Heaven, Rejoice) habang unti-unting bumaba papunta sa Mahal na Birhen upang alisin ang itim na talukbong nito bilang simbolo na ang Kristong Hari ay nabuhay na.  Matapos ang awit ng pagsasaya, itutuloy ng kapitana ang dicho’ sa tinig na maligaya.  At ang pinakaaabangan ng lahat ng naroroon ay ang marinig ang malakas at buhay na buhay na pagsambit ng kapitana ng mga salitang “Aleluyah, aleluyah, Viva!!!!”  Sa puntong ito ay nagpapalakpakan sa tuwa ang mga manonood at ang mga ngiti ay hindi matatawaran dahil tumatagos sa puso ng sino man ang misteryo sa pagkabuhay ni Hesu-Kristo.  Isang sayaw din ang iaalay ng kapitana na halos kahalintulad din ng sa tinyenta ngunit may bilis at saya dahil buhay na nga ang Kristong Hari.

Ang tradisyong ito ay ginagawa taon-taon.  Magkakatulad man ang mga tagpo at paulit-ulit man ito ay hindi kami nagsasawang saksihan ito dahil bahagi na naming mga taga-Angono ang ipagdiwang at gunitain ang Salubong.  Tradisyong minana naming sa mga ninuno ng aming ninuno at ipagpapatuloy ng mga anak ng aming mga anak.


Ni Alex V. Villamayor
April 17, 2014

No comments: