Wednesday, April 16, 2014

PAGNINILAY SA MAHAL NA ARAW

Ngayong panahon ng Semana Santa, marapat lamang na tayo ay magnilay-nilay sa ating mga sarili tungkol sa ating mga ginawa sa buhay at mga plano sa hinaharap.  Maaari tayong magkaroon ng sariling-pagsusuri kung nagiging masama na ba tayo o masasabing mabait na tao pa rin.  Tanungin natin ang ating sarili kung lumalampas na tayo sa takdang kagandahang asal o kailangan nating gumawa ng mga bagay upang maging mabuting tao tayo.

Ismarte, maalam at may lakas ng loob nga lang ba tayo o nagiging yabang at bastos na tayo sa ating mga sinasabi at ikinikilos?  Kapag alam natin sa sarili na tayo ay marunong sa buhay, trabaho, at may talento, huwag tayong mapag-pauna, mapag-puna at mapag-angat sa ating sarili.  Dahil sa ating pagiging maalam ay nagkakaroon tayo ng labis na tiwala sa sarili, at sa tiwalang ito ay nagiging buo ang ating loob at prangka tayo.  Nagiging ang palagay natin sa sarili ay nakaaangat sa iba.  Sa pagpapakita natin ng ating pagiging ismarte at katapangan ay nagiging mayabang na tayo.  Sa ating mga sinasabi ay nakakasakit na tayo ng ibang tao, may mga nababastos at mga naipapahiya tayo.  Marunong nga tayo ngunit mapanakit naman sa damdamin ng iba, ang kabuuan niyon ay masama pa rin.  Isipin natin kung talagang pranka, tapat at totoo sa sarili pa ba tayo o baka naman nagiging taklesa na lamang.  Sa labis nating pagtitiwala sa ating sarili ay hindi na natin nakikita ang sarili nating mga kahinaan at kapintasan.

Mapagkaloob, maasikaso,at  masayahin ba tayo o nagiging makalupa at makamundo na lamang tayo sa madalas nating paghahangad ng mga kasayahan?  Pagnilayan natin kung tayo ay mabuting tao pa rin.  Ang mga pagdiriwang na kadalasan nating idinadaaan sa mga materyal na bagay tulad ng paghahanda ng pagkain, pag-aawitan, tugtugan ay baka nagiging makamundo na lamang.  Ang mga kasuotan, at ang kagustuhan nating maangkin ang mga bago at mahal na kagamitan ay pagiging materyalismo at luho na lamang sa halip na pangangailangan.  Huwag tayong maging masyadong malapit sa bagay at gamit na may katumbas na salapi.  Tumingin tayo sa mga bagay na hindi nabibili dahil ang totoo nito, ang mga pinakamagaganda at pinakamagagaling sa buhay ay libre lamang – walang bayad.  Ang matatamis na ngiti, ang mga walang balat-kayong yakap, mga kasamang kaibigan, ang iyong pamilyang maasahan, ang pag-ibig, ang pagtulog, ang malulutong na paghalakhak at ang mga magagandang alaala ay lahat ng ito ay hindi nabibili at walang katumbas na halaga.

Ang atin bang pagtulong at paglikha ng mga kapakinabangan para sa lahat ay upang laging maging pangunahing tauhan, makilala at papurihan?  Kung ang nais lang natin ay ang kasikatan at ang magkaroon ng kapangyarihang nakamit sa katanyagan, dapat tayong magnilay dahil ang ating pagiging popular ang nagpapalaki sa ating ulo at nagpapa-angat ng ating mga paa sa lupa.  Isipin natin kung ang ating mga kawanggawa ay pagpapapansin na lamang.  Masama ang mapaghangad ng kapangyarihan sa isang taong laging uhaw sa pansin at popularidad dahil sa kagustuhan niyang ipakita ang kanyang kapangyarihan, siya ay nagiging mapangabuso.  Nagbabadya sa kanyang katauhan na kung mabibigyan siya ng pagkakataon na maging isang pinuno ay hindi malayo sa kanya ang maging isang mapulitiko, hindi patas at nasusuhulan.

Ang pagtulong ay walang hinihintay na kapalit, ang pagtulong ay walang pinipiling tao at panahon.  Ang pagsasabi ng ating kagalingan at ng ating niloloob ay hindi katapatan kundi pagtataas sa sarili.  Marami ang gustong maging numero uno at siyang pamunuan ang daigdig.  Ang kayabangan, materyalismo, kasikatan at kapangyarihan ay ilan lamang sa mga makalupang kaligayahan na nagpapasama sa ating pagkatao at kaluluwa na kailangang pagnilayan ngayong panahon ng Mahal na Araw, hindi sa kung mabuting Kristiyano tayo kundi bilang isang mabuting tao.


Ni Alex V. Villamayor
April 16, 2014

No comments: