Wednesday, July 02, 2014

WALANG KATALO-TALO

May kilala ba kayong mga tao na tipong ayaw magpapatalo sa anumang usapan – yung parang laging tama, yung palaging may katwiran?  Napakatalino niya kung ganun.

May mga tao na ayaw lang talagang magpapatalo na akala mo ay alam nila ang lahat, mapa-usapin tungkol sa pulitika, relihiyon, pananalapi, kalusugan at pamumuhay.  Sila yung kapag mayroong narinig na kasalukuyang isyu o mula sa iyong sinabi na kontra sa kanilang pagkakaalam ay hindi pwedeng hindi nila sasagutin.  Sasabihin nila na ito ang tama at ganito ang mga dapat at mga hindi dapat.  At sa gitna ng inyong pagdidiskusyon ay ipagdidiinan nila ang kanilang nalalaman upang siyang mangibabaw at siyang dapat gawin at sundin.  Talagang hindi magpapatalo.

Kung anoman ang iyong katwiran ay maaari mong sabihin ngunit hindi na sila makikinig pa sa iyong mga punto dahil anuman ang sasabihin mo ay ang gusto pa rin nila ang gustong masusunod.  Ganun ang kanilang paninindigan sa kanilang paniniwala, salita at gawa.  Ipagpipilitan nila ang kanilang katwiran, kaalaman at kagustuhan.  Wala silang paki-alam kung ano ang iyong pinaniniwalaan, mga dahilan, damdamin, at kagustuhan  bastat hindi mo maaaring sabihin na ikaw ang tama at nasa katwiran.

Ang mahirap lang kasi ay lumalabas na ang paniniwala nila ang tama, na ang gusto nila ang dapat masunod dahil iyun ang tama.  Paano kung mali talaga sila at hindi lang nila iyun alam, o matanggap na mali sila?  Hindi masama ang ipaglaban ang alam mong tama, hindi masama ang mangatwiran – kung may katwiran ay ipaglaban ang sabi nga.  Ngunit kung madalas mong ipaglaban ang alam mong tama sa marami at ibat-ibang pagkakataon, baka oras na upang magmuni-muni ka sa iyong pinaniniwalaan.  Alamin mong tama ang iyong ipinaglalabanan at kung tama bang ipaglaban.  At hindi lang basta alamin kung tama ka sa alam mong tama kundi kailangan tingnan mo kung ano ang pangkalahatang katangap-tanggap na tama.  Mahirap kasi kung iyun kasi ang iyong prinsipyo, paano kung mali ang iyong prinsipyo?

Kung may mga nasasaktan ka, nakakaway at hindi nakakaintindihan ng dahil sa iyong paninindigan at matibay na paniniwala na hindi mo naman basta-basta isusuko ay baka naman ikaw na ang mali talaga.  Dahil kung ang mas nakararami ay nagkakaisa sa kanilang iniisip kumpara sa iyong nag-iisang pinanghahawakan, hindi ba’t palatandaan na iyon na sa pangkalahatan ay hindi katanggap-tanggap ang iyong sinsasabi at pinapaniwalaan?  Hindi na ito paninindigan kundi katigasan na lamang ng loob at kataasan ng pagkakakilala sa sarili.  Hindi masama ang lakasan ang tiwala at paniniwala sa sarili, ngunit kung nagiging makasarili ka na at nagiging isang direksiyon na lamang ang tutok ng paningin ng iyong dalawang mata na may tabing sa magkabilang gilid, kung ang iyong pandinig ay tinatakpan mo na sa tinig ng iba, at kung ang iyong isip ay hindi na tumatanggap ng katwiran – walang duda na ikaw na nga ang may problema..

Kung sa palagay mo ay marami-rami ka na ring naka-alitan at nakasamaan ng loob. magisip-isip ka dahil baka ikaw ang taong ito.


Ni Alex V. Villamayor
July 4, 2014


No comments: