Friday, July 11, 2014

PAGGALANG

Bukod sa pagalang na dapat iukol sa lahat ng mga nakatatanda sa kanya bilang isang bata, mayroon isang kakilala si Ula nuon sa kanilang lugar na kanyang iginagalang, kinikilala at sinusunod dahil sa estado sa buhay at pagkatao.   Sa kanyang murang isip, pinakikinggan niya ang bilin sa kanya ng kanyang mga magulang na siyang mas nakakaalam, na maglaan ng karagdagang paggalang kay Lakan sampu ng kanyang buong pamilya.  Dahil bukod sa ang mga namamahayan sa isang maliit na baryo ay matagal nang magkakakilala, magkakasama at nag-gagalangan, natatanging paggalang ang para kina Lakan dahil malapit ang loob ng kanyang mga magulang sa buong mag-anak ni Lakan.  Kapag kinakailangan, madalas ay napapakisuyuan siya ni Lakan upang makatulong sa paglilinis.  Malugod naman siyang tumatalima kaysa sa tumutol dahil nga iba ang pagkilala nila sa kanya at sa kanyang pamilya.  Idagdag pa na isang kapita-pitagan ang maging isang guro kaya ganun na lamang ang kanilang mataas na pagtingin sa kanila.  At natuwa naman si Ula dahil kahit papaano ay nalaman niya na kinikilala pala ni Lakan ang kanyang pagkamasunurin, pagkamasipag at pagkamabuting bata nang sa gitna ng pagtuturo ni Lakan sa mga bata ay ginamit niyang halimbawa si Ula na isang batang masipag, hindi lang sa kasipagang ginagawa sa paaralan kundi kahit sa bahay.

Ikinatutuwa iyun ni Ula sa buong pagkabata niya.  Bagamat habang nagkakaisip siya, unti-unti ay may mga naririnig siyang mga kwento, puna at pintas tungkol kay Lakan at sa pamilya nito.  Ang sabi, maseselan ang mag-anak na ito – kaya pala ganun sila kalinis sa mga gamit at kaingat sa kanilang mga sarili.  Pino ang kanilang kilos na pangingimian ng mga tao at malimit na malimit silang makihalobilo sa mga kapit-bahay.  Hanggang parang naging kilala sila sa ugaling maramot at makasarili, bagay na wala sa hinagap ni Ula dahil na rin sa mabuting pagkakakilala ng pamilya niya sa kanilang mag-anak.  Ang sabi pa, mapagkamkam raw ang mag-anak na ito, bukod pa sa pag-angkin ng lahat magaganda at mabubuti para sa pamilya nila tulad halimbawa ng ang mas magaling, maganda, at nakaaangat ay ang kanilang mga pamangkin, tiyuhin, kamag-anak, bilas at pamilya nila.  Hanggang sa tumanda na si Ula, ang huling usapan na narinig niya tungkol sa mag-anak na ito ay ang pangigipit sa isang bayaw na makuha ang isang pag-aaring lupa nito.

Bilang isang tahimik at mapagparayang tao ay bale-wala kay Ula ang lahat ng ito.  Lumaki siya at nagka-isip na bagama’t nararamdaman niya ang mga sabi-sabi tungkol sa mag-anak na ito ay binabale-wala niya dahil hindi naman talaga nakikita ng mismong dalawang mata niya ang mga sinasabing gawa nila.  Hanggang dumating ang pagkakataon na iniadya ng panahon na siya mismo ang makasaksi ng kanilang mga ugali nang magkaroon ng usapan tungkol sa pag-itan ng kanilang maliliit na pag-aaring lupa.  Nuon niya nakita na sa kabila ng kanilang mga kilos na pino, kapita-pitagan, makaluma at maka-Diyos ay nangibabaw ang kanilang tapang na maaring makipagpatayan.  Sa mga oras na iyon, sa nakita at narinig ni Ula kung paano makipagtalo ang pamilya nina Lakan ay naglaho ang kanyang iginagalang na pagkakakilala sa mag-anak nito.

Dahil nga si Ula ay likas na mapagbigay, maaga pa lang ay hindi na niya hinintay na lumalim at lumaki ang hindi pagkakaunawaan kaya inaya niya ang kanyang pamilya na kumalma, magpakumbaba at sa huli ay magparaya na lamang.  Alam nila na mayroon silang punto base sa pinanghahawakan nilang katibayan mula sa pamahalaan ngunit sina Lakan man ay may pinanghahawakang katibayan na mula rin sa pamanahalaan, nagkataon lang na mas nauna silang pinagtibay.  Sa isang tao na makakakita sa inaangkin nilang lupa na baluktot sa literal nitong kahulugan ay malinaw na agad kung nasaan ang mali.  Ngunit hinayaan na lamang nina Ula ang kapirasong lupa at ipinaubaya na lamang sa Diyos ang lahat.  Hindi nila ipagpapalit sa dalawang dangkal na lapad ng lupa lamang ang kanilang kunsensiya.  Sandaling natapos ang usapan ngunit magiging habam-buhay na nilang maaala-ala ang pagkakakilala sa mag-anak na mapagkamkam.  Bagamat nawala ang kanyang pagkilala na paggalang sa mag-anak ay nananatili naman na naruon pa rin ang kanyang paggalang ngunit bilang kapwa-tao na lamang.


Ni Alex V. Villamayor
July 11, 2014

No comments: