May
mga pangkaraniwang ugali at gawi tayo na hindi dapat ginagawa sa maraming tao
dahil mayroong sinusunod na batayan ng tamang kaugalian, kilos at mga bagay na
angkop at tanggap sa pangkalahatang lipunan.
Ito ang tinatawag na etiketa na siyang nagdidikta ng tama at mali. Tinatawag na walang modo ang isang tao kung
ang mga ugali niya ay lihis sa mga katanggap-tanggap nakagandahang-asal. Walang
urbanidad o walang pinag-aralan sa ibang salita. Bagamat ang mga ito ay hindi masasabing
kasalanan ngunit ang mga ito ay mali at hindi ito maganda. Mayroon sa hapag-kainan, trabaho at
pagdadamit ngunit narito ang ilan sa mga pangkalahatang etiketa:
1. Nakakabulahaw. May mga tao na walang pakialam kung sila ay
nakakabulahaw tulad ng pagsasalita ng malakas, pagkilos ng maingay at malakas
na pagpapatugtog ng radyo o telebisyon.
Ang mga taong ito ay walang respeto sa mga nangangailangan ng
katahimikan.
2. Pag-ihi
sa tabi-tabi. Liban sa mga hindi
maiiwasang pagkakataon, hindi magandang ugali ang pag-ihi sa kung saan-saan o
sa tabi-tabi. Bukod sa hindi ito
malinis, ito ay isang personal na pribadong bagay na hindi ipinapakita sa mga
tao. Kasama na dito ang pagdura at
pagsinga.
3. Mahalay. Ang usapang patungkol sa mga pribadong seksuwal
na bagay ay hindi magandang iparinig sa hindi kausap na tao. Mabuting hinaan lamang ang pagsasalita kung
ito ay pinag-uusapan ninyo sa lugar na may ibang tao.
4. Malaswang
pagdadamit – saabihin man na bagay o hindi, ang pagsusuot ng kasuotan ay namimili
ng tamang panahon at lugar. Hindi dahil
maganda, nasa uso at gusto mo ay maisusuot mo ito sa anumang pagkakataon.
5. Pang-aabala. Nakakalungkot namay mga taong hindi marunong
mangimi sa pang-aabala ng ibang tao para sa kanilang sarili. Sa mga pabor na nakakaabala, naaantala ang
iyong pagtulog, pagpapahinga o kung anumang ginagawa mo para sa kanilang
kapakinabangan.Kabastusan, kung hindi rin lang biglaang pangangailangan, huwag
ng mang-abala.
6. Madaldal. Mayroong kahit anong bagay ay sasabihin upang
makapagsalita lang at may mapag-usapan.
Sila ang nagsisimula ng pag-uusapan at habang nasa gitna ng pag-uusap ay
boses nila ang maririnig. Kakambal ng
taong daldal ay ang pagiging tsismosa, pintasera at pakialamera.
7. Pag-utot,
pagdighay at pagbahin. Bagamat ang mga
ito ay natural sa lahat ng tao, ngunit ang madalas na pag-utot sa maraming tao,
pagdighay at pagbahin nang malakas ay hindi normal at hindi tanggap sa sukatan
ng kagandahang asal.
8. Paglilinis
ng katawan. Mabuti ang maging malinis sa
katawan ngunit ang mga bagay na tulad ng magkahig ng tutuli,pangungulangot
at mag-gupit ng kuko kapag nasa publiko ay mali. Ang mga ito ay dapat na ginagawa sa loob ng
bahay o ikinukubli kung wala ka na sa iyong pamamahay.
9. Maingay
Kumain. Hindi sila maingay na nagsasalita
habang kumakain kundi maingay silang kumain dahil malakas ang tunog ng kanilang
pag-nguya. Nakakaasiwang marinig ang
tunog ng pinaghalong katas ng pagkain at laway habang ngumunguya.
10. Minumumog
ang iniinom. May mga tao na matapos
kumain at kapag uminom na ay minumumog niya ang tubig na kanyang iniinom. Hindi magandang tingnan na inumin ang
pinaglinisan.
11. Girigis
magsalita. Ang magaling magsalita ay
marunong magbigay kapag nagsasalita ang kanyang kausap. Mayroong tao na madalas maputol ang mga sinasabi
ng kanyang kausap dahil agad siyang nagsasalita tuloy ay hindi natatapos ng
kausap ang kanyang gustong sabihin.
12. Arbotera. Mayroon tao na talagang hindi nahihiya na
magpauna na sa paghingi ng mga bagay.
Gaano man kalapit ang loob mo sa isang tao, mas mabuti pa rin na
maghintay na kusang magbigay kaysa sa magparamdam at magparinig.
Kadalasan
ay sinasabi ng mga taong ito na nagpapakatotoo lamang sila o ginagawa lamang
nila ang kagustuhan ng kanilang sariling damdamin. Ngunit ang katotohanan ay umiiral ang
kanilang pagka mal-edukado na hindi alam ang mga dapat at hindi dapat gawin sa
pakikipagkapwa-tao. Mayroon linya na
nahihiwalay sa pagiging prangka at bastos, may mga tao lang na hindi alam ang
pagkakaiba nito at kung paano paghihiwalayin ang pagiging totoo sa sarili at
kagaspangan ng asal.
Ni Alex V.
Villamayor
February 14, 2015