Friday, February 06, 2015

MGA HINDI MAGANDANG UGALI NG TAO (Ika-2 Bahagi)

Sa patuloy na pagbibilang ko ng mga hindi magandang ugali ng mga tao, naririto ang karugtong ng mga ugali ng tao na bagamat hindi malaking kasalanan ay sapat na upang maglagay sa kanya bilang isang tao na mayroong hindi magandang ugali na nagpapasama sa kanya.

1.  Suplado.  Ayaw natin ng pangit at marumi.  Ngunit marami sa atin na kapag hindi natin gusto ang mga ganitong tao ay ayaw nating makasama dahil nandidiri tayo.  Maaaring maintindihan ito bagamat hindi dapat ngunit ang hamakin, kutyain, pintasan at suplahin sila dahil sa kanilang kalagayan ay ang hindi talaga tama.  Kapatid nito ang pintasero at mapanghusga.

2.  Kunsintidor – Kapag alam na natin na may maling ginawa ang ating mga kasama, kaibigan at kapamilya ay hinahayaan natin sila para lamang sila malugod dahil nagawa nila ang kanilang gusto.  Ngunit sa pagpapamihasa natin sa ganuon ay nagiging ugali na nila na gawin ang kanilang asal.  Kailangang  maranasan nila na hindi lahat ng gusto nila ay masusunod at malamang hindi sila tama.

3.  Inggitero.  Hindi masama ang gawin sa abot ng iyong makakaya na makamit din ang nakamit ng iyong kapwa dahil naiingit ka – ito ay panibugho.  Ang masama sa inggit ay ang paraan kung paano mo ito hinaharap.  Kung naghihinanakit ka dahil ang isang tao ay mayroong magagandang nangyayari sa buhay na wala sa iyo na nagtutulak sa iyo na magalit ka sa taong iyon, o kung gumagawa ka ng paraan na hindi matuloy ang isang magandang balak ng isang tao na kanyang ikagagalak – yun ang inggit.

4.  Bayolente.  Hindi magandang gawi ang magbuhat ng kamay sa kapwa bilang paglalahad ng kanyang damdamin o bilang bugso ng damdamin.   Hindi rin ito tamang pananaw na paggamit sa pagpapakita ng galit at tapang.  Mali na maging marahas dahil kahit siya kung nasa matinong pag-iisip ay hindi niya nais na pagbuhatan siya ng kamay.

5.  Malupit.   Mayroong sadyang malupit na masakit kung maggawad ng pagpapatawad (parusa) at gumanti, emosyonal o pisikal.  Sila yung matigas ang puso at hindi marunong maawa.  Kapatid nito ang bayolente.

6.  Mapagmura.  Ang mga salitang pagmumura ay ang namumuong puot mula sakaloob-looban ng isang tao.  Ang nagsasabi nito ay isinusumpa ang kanyang pinagsabihan, hindi maganda ang magsumpa ka ng isang tao. 

7.  Suwapang.  Lahat ng pakikinabangan niya ay gusto niyang maging kanya.  At ang nasa kanya ay sa kanya lamang.  Ganid, gusto niyang makuha at makamkam ang mga nasa kanyang kapwa upang maparami pa ang kung anuman ang mga nasa kanya.  Kauri nito ang mapanlamang.

8.  Makasarili.  Siya lang ang meron ng ganito, siya lang ang puwede gumawa ng ganun, siya lang ang dapat magsalita ng ganyan...  Kapag siya ang gumaya sa ginagawa ng kanyang kapwa, walang malaking usapan.  Ngunit kapag siya ang ginaya ng kanyang kapwa ay nagtatanim siya ng galit at naghihiganti.

9.  Madamot.  Maaaring mayroon tayong karamutan sa ating sarili dahil hindi tayo nakakariwasa sa buhay ngunit mayroong mga tao na ang karamutan ay sagad sa buto na kahit anung bagay ay hindi niya maipamahagi sa kapwa, dukha man o mayaman.  Kung ang tao ay labis ang mga biyaya at hindi man lang makapagbahagi sa mga nangangailangan, kasakiman ito sa mga biyayang ibinigay ng Diyos sa kanya upang magkaroon siya ng kakayahang magbigay ngunit hindi niya ginagawa.

10.  Mukhang pera.  Sila ang mga tao na ang ang bukang-bibig ay laging tungkol sa pera na mapupunta sa kanya, pag-iisip ng kung paano lalago ang kanyang pera at kung anu pa ang pagkakakitaan.  Materyalismo ang kahawig nito.

11.  Mapagmalinis.  Ayaw niyang maging negatibo sa mata ng mga tao kaya kahit ang mga mali na alam niya ay hindi niya inaamin.  Kung nalaman naman ng ibang tao ay ginagawan niya ng paraan na patunayang mali ito kahit sa hindi tamang paraan.  Kapatid nito ang ipokrita at sinungalin.

12.  Mapagkampi.  May mga tao na kapag ang kapanalig, kasama, kaibigan, kapamilya  nila ay mayroong hindi nagugustuhang tao o mayroong nakaalitan ay pati na rin sila ay nakikigalit at galit na rin sila sa taong iyon.  Idinadamay niya ang lahat ng mga tao na malapit sa taong hindi niya gusto.

Ilan lamang ang mga ito sa mga hindi magandang ugali ng isang tao. Marami pang ugali ng mga tao ang nagpapasama sa kanila na kailangang may magpaalam sa kanila sa kung anumang paraan na malumanay.  Sinasabi na ang anumang lumalabas sa isang tao ay ang nagpaparumi sa kanya tulad ng mga ginagawa niya na nabanggit sa itaas.  Dahil anuman ang iyong gawin at sabihin tulad ng mga nabanggit ay walang ibang panggagalingan kundi mula sa maitim na puso.

Ni Alex V. Villamayor
February 6, 2015