Tuesday, February 24, 2015

ETIKETA: MGA HINDI KASALANAN PERO MALI

May mga pangkaraniwang ugali at gawi tayo na hindi dapat ginagawa sa maraming tao dahil mayroong sinusunod na batayan ng tamang kaugalian, kilos at mga bagay na angkop at tanggap sa pangkalahatang lipunan.  Ito ang tinatawag na etiketa na siyang nagdidikta ng tama at mali.  Tinatawag na walang modo ang isang tao kung ang mga ugali niya ay lihis sa mga katanggap-tanggap nakagandahang-asal. Walang urbanidad o walang pinag-aralan sa ibang salita.  Bagamat ang mga ito ay hindi masasabing kasalanan ngunit ang mga ito ay mali at hindi ito maganda.  Mayroon sa hapag-kainan, trabaho at pagdadamit ngunit narito ang ilan sa mga pangkalahatang etiketa:

1. Nakakabulahaw.  May mga tao na walang pakialam kung sila ay nakakabulahaw tulad ng pagsasalita ng malakas, pagkilos ng maingay at malakas na pagpapatugtog ng radyo o telebisyon.  Ang mga taong ito ay walang respeto sa mga nangangailangan ng katahimikan.

2. Pag-ihi sa tabi-tabi.  Liban sa mga hindi maiiwasang pagkakataon, hindi magandang ugali ang pag-ihi sa kung saan-saan o sa tabi-tabi.  Bukod sa hindi ito malinis, ito ay isang personal na pribadong bagay na hindi ipinapakita sa mga tao.  Kasama na dito ang pagdura at pagsinga.

3. Mahalay.  Ang usapang patungkol sa mga pribadong seksuwal na bagay ay hindi magandang iparinig sa hindi kausap na tao.   Mabuting hinaan lamang ang pagsasalita kung ito ay pinag-uusapan ninyo sa lugar na may ibang tao.

4. Malaswang pagdadamit – saabihin man na bagay o hindi, ang pagsusuot ng kasuotan ay namimili ng tamang panahon at lugar.  Hindi dahil maganda, nasa uso at gusto mo ay maisusuot mo ito sa anumang pagkakataon.

5. Pang-aabala.  Nakakalungkot namay mga taong hindi marunong mangimi sa pang-aabala ng ibang tao para sa kanilang sarili.  Sa mga pabor na nakakaabala, naaantala ang iyong pagtulog, pagpapahinga o kung anumang ginagawa mo para sa kanilang kapakinabangan.Kabastusan, kung hindi rin lang biglaang pangangailangan, huwag ng mang-abala.

6. Madaldal.  Mayroong kahit anong bagay ay sasabihin upang makapagsalita lang at may mapag-usapan.  Sila ang nagsisimula ng pag-uusapan at habang nasa gitna ng pag-uusap ay boses nila ang maririnig.  Kakambal ng taong daldal ay ang pagiging tsismosa, pintasera at pakialamera.

7. Pag-utot, pagdighay at pagbahin.  Bagamat ang mga ito ay natural sa lahat ng tao, ngunit ang madalas na pag-utot sa maraming tao, pagdighay at pagbahin nang malakas ay hindi normal at hindi tanggap sa sukatan ng kagandahang asal.

8. Paglilinis ng katawan.  Mabuti ang maging malinis sa katawan ngunit ang mga bagay na tulad ng magkahig ng tutuli,pangungulangot at mag-gupit ng kuko kapag nasa publiko ay mali.  Ang mga ito ay dapat na ginagawa sa loob ng bahay o ikinukubli kung wala ka na sa iyong pamamahay.

9. Maingay Kumain.  Hindi sila maingay na nagsasalita habang kumakain kundi maingay silang kumain dahil malakas ang tunog ng kanilang pag-nguya.  Nakakaasiwang marinig ang tunog ng pinaghalong katas ng pagkain at laway habang ngumunguya.

10. Minumumog ang iniinom.  May mga tao na matapos kumain at kapag uminom na ay minumumog niya ang tubig na kanyang iniinom.  Hindi magandang tingnan na inumin ang pinaglinisan.

11. Girigis magsalita.  Ang magaling magsalita ay marunong magbigay kapag nagsasalita ang kanyang kausap.  Mayroong tao na madalas maputol ang mga sinasabi ng kanyang kausap dahil agad siyang nagsasalita tuloy ay hindi natatapos ng kausap ang kanyang gustong sabihin.

12. Arbotera.  Mayroon tao na talagang hindi nahihiya na magpauna na sa paghingi ng mga bagay.  Gaano man kalapit ang loob mo sa isang tao, mas mabuti pa rin na maghintay na kusang magbigay kaysa sa magparamdam at magparinig.

Kadalasan ay sinasabi ng mga taong ito na nagpapakatotoo lamang sila o ginagawa lamang nila ang kagustuhan ng kanilang sariling damdamin.  Ngunit ang katotohanan ay umiiral ang kanilang pagka mal-edukado na hindi alam ang mga dapat at hindi dapat gawin sa pakikipagkapwa-tao.  Mayroon linya na nahihiwalay sa pagiging prangka at bastos, may mga tao lang na hindi alam ang pagkakaiba nito at kung paano paghihiwalayin ang pagiging totoo sa sarili at kagaspangan ng asal.

Ni Alex V. Villamayor
February 14, 2015 

No comments: