Thursday, May 12, 2016

PULITIKA TUWING HALALAN

Ang sabi ay marumi ang pulitika.  Bagamat sa kabutihan ang mga layunin ngunit marami ang mga nakapaloob dito na maling gawain.  Maganda ang panglabas ngunit sa likod nito ay nagkalat ang mga oportunista at naglipana ang mga pansariling interes, pagkukunwari at traydoran.  Kitang-kita ito sa panahong ng halalan mapakandidato man o mapa-botante.  Ang halalan ay labanan, kailangang mapabagsak ang sinomang banta sa anu mang paraan upang masiguro ang panalo.  Matira ang matibay, hawiin ang sinomang naka-harang sa daanan papunta sa tagumpay, kung kailangang sirain ang reputasyon, maglabas ng mga dumi at magtupanan ng basura sa kalaban.  Gagawin ang mga ito alang-alang sa pagkapanalo kahit ito ay pagyurak sa pagkatao, kung minsan ay madugo na may buhay na nagbubuwis.  Marami na ang nasirang pagkakaibigan, ugnayan ng magkakamag-anak at pamilya, prinsipiyo at pangarap sa ngalan ng pulitika – ganito ang halalan sa Pilipinas.

Sa mga nagdaang araw, nagmamasid ako sa mga nagaganap sa sosyal media at telebisyon na nagpapakita sa ibat-ibang reaksiyon ng mga tao tungkol sa halalan mula sa pagngangampanya hanggang sa bilangan.  Sa maraming pagkakataon, kitang-kita ko ang mga uri ng mga tao dahil lutang na lutang ang kanilang mga ugali.  Mapang-husga, mapagbintang, mapagmataas.  Masyadong mapagpauna ang maraming tao.  Sa paghahain pa lamang ng kandidatura, ang mga may hindi magandang saloobin ay agad bumabatikos at abala sa paghukay ng mga nakaraan na dapat ng ibaon sa limot.  Nagpapakalat ng mga bidyo o larawan na nagpapapangit sa tao.  Mayroon pang iba na ang daming ginawang paninirang salita, mga panlalait at pagmumura pero kinain lahat ang mga isinuka nila.  Ganito ang mga tao.

Hanggang sa araw ng bilangan ay hindi sila tumitigil.  Kapag hindi pumapabor sa kanila ang kaganapan, nagsusulputan na ang mga utak-talangka, ang mga mapagduda at mga mapanghusga.  Kapag may nanalo na, agad sasabihin ay wala din naman daw mangyayari, gantihan na ang susunod o maghintay lang daw ng ilang buwan kung may mababago, at kung ano-ano pa.  Marurumi ang isip.  Pinangungunahan agad ang mga mangyayari.  Sa bilangan lang ng boto kapag nakitang may humahabol ay sasabihin agad may dayaan na. Hindi ba pwedeng gamitin muna sandali sa positibo, makabuluhan at malinis na paraan ang utak at mag-isip kung bakit?  Sasabihin ganun naman talaga sa Pilipinas.  Sige, ganun na.  Eh yun na nga eh, o ano ngayon, ganun na lang?  Di na ba pwedeng baguhin?  Panay ang parinig natin sa kapwa na hindi sa mga nanalo o sa gobyerno kundi sa atin na mismo dapat magsimula ang pagbabago, eh bakit ayaw nating baguhin ang mga asal natin?

Nakakalungkot na ganito ang ugali ng mga Pinoy, madaming satsat at reklamo pero kulang sa gawa.  Madaming matalino at matapang na gustong magpasikat pero sa totong buhay ay hindi naman kaya ang mga pinagsasasabi.  Hindi na lang sumuporta kung sino man ang nananalo – ito ang malaking kaibahan ng mga mamamayan ng isang mahirap na bansa sa mga mamamayan ng mauunlad na bansa – mayroon silang tunay na diwa ng nasyonalismo.  Ito ang masakit at nakalulungkot na katotohan, marami pa ring mga Pilipino ang hindi pa hinog pagdating sa pagiging maka-bayan.  Masyadong deboto sa nakasanayang kalakaran sa politika at sarado ang isip sa pagbabago.  Laging ganito na lang tuwing halalan.  Awayan, bintangan, sisihan, at sermonan.  Paulit-ulit ang paalaala ng simbahan, gobyerno  at ng malalaking grupo tungkol sa malinis at mapayapang eleksiyon pero wala rin natututunan.  Sadya bang hindi makaintindi o sadya lang matigas ang ulo? 

May mga kaibigan at kamag-anak ako na hindi ko kapareho ng hinahanap sa isang pinuno kaya ingat na ingat ako sa pagsasalita dahil ayokong masaktan sila at naniniwala akong hindi dapat sirain ng politika ang mga magagandang ugnayan.  Ganun pa man, magkaiba man kami ng mga pinaniniwalaan ay iginagalang ko pa rin ang kanilang mga opinyon at hindi ko sila kinokontra, hinihiya o tinutuya sa kanilang pinaniniwalaan.  Bagamat sa ilang mga nabasa ko ay nakilala ko ang mga uri ng pagkatao ng ilan sa kanila.  Pero kapag may mga nababasa, napapanood at nababalitaan akong mga sobrang bayolenteng reaksiyon ng mga tao sa social media at sa telebisyon ay duon ako nagpapasyang mag-salita upang pakawalan ko ang bigat na sinasaloob ko.  Kailangan kong magsalita dahil ayoko namang paliitin ang mundo ko na hindi ko makakilos dahil lang sa isinasalang-alang ko ang damdamin ng ibang taong ni sila ay hindi naman inisip ang mararamdaman ko.  Ngunit sinisikap ko pa ring maihayag ang mga iyon sa isang mapayapa, diplomatiko at edukadong (minsa’y satiriko) paraan bilang isang responsableng netizen. 

Ni Alex V. Villamayor
May 13, 2016

No comments: