Tuesday, May 03, 2016

ANG PAGKA-PILIPINO

May mga kakilala o kaibigan tayong naturingang mga Pilipino pero walang paki-alam at walang tiwala sa Pilipinas?  Sila yung mga Pilipino na ayaw sa Pilipinas dahil mahirap, naiiwan at maliit na bansa na kung bibigyan lang ng pagkakataong makapili kung saang bansa ipapanganak ay hindi pipiliin ang Pilipinas.  Pero dahil hindi naman maaari pumili ay kaya naman nila ipagpapalit ang pagka-Pilipino upang makaalis sa isang bansang mahirap, naiiwan at maliit.  Walang may gusto na mapunta sa hindi maganda ngunit kung dito ka itinadhana na isilang, wala ka ng magagawa kaya sikapin mo na lang na mapaganda kung ano ang iyong kinalalagyan at mahalin ito.  Walang ibang magmamahal at tutulong sa sariling bayan natin kundi tayo mismo.  Nariyan na yan, kaya ang dapat nating gawin ay gawin na lang ang magagawa natin.  Ang sabi nga ay walang mali kung ipinanganak kang mahirap pero kung namatay kang mahirap pa rin, ikaw na ang may pagkakamali.

Hindi ito tumutukoy duon sa mga nagtratrabaho sa ibang bansa na nagpalit ng pagkamamamayan para sa seguridad kundi ito ay iyung mga Pilipino na ayaw lang sa Pilipinas at ikinahihiya ang Pilipinas.  Nakakalungkot na may mga Pilipino na sila mismo ang nagpapababa at nagbabagsak sa sariling bayan natin.  May ganitong mga Pilipino at madami sila.  Kesyo mahirap ang buhay, mataas ang bilihin, malala ang trapiko, laganap ang korapsiyon, maraming krimen, magulong politika, mahirap makakita ng trabaho at kung anu-ano pa kaya ganun na lamang nila hamakin ang sariling bansa.  Iyung bang sila mismo ang nagsasabi na walang binatbat ang Pilipinas kumpara sa ibang bansa.  Iyung kahit meron naman ang Pilipinas na kung hindi man nakahihigit ay pumapantay naman pero mas tatangkilikin pa nila yung ibang bansa dahil gusto nilang naiiba sila sa kapwa nila Pinoy.  Kasama sa kumukutya at ginagawang katatawanan ang Pilipinas sa pamamag-itan ng pagpapakita ng mga larawan ng mga naglalakihang istraktura, hukbong pandigma, teknolohiya, komunikasyon, at mga naggagandahang lugar ng mga mayayamang bansa pero ang sa Pilipinas ay ipapakita ang mga larawan ng makaluma, pipitsugin, at maruruming bagay. 

Oo, totoo naman na mahirap ang bansang Pilipinas, nahuhuli tayo sa teknolohiya, maraming pangit na balita, may mga tiwaling politiko, hindi magandang serbisyo-publiko, at iba pa, kaya ikinahihiya at inaayawan ng mga taong ito ang lahi na kanyang pinagmulan.  Pero idinadahilan na lamang nila ito dahil ang totoo ay palalo lamang sila na ang gusto nila’y maging nakaaangat, makapangyarihan at mayaman.  Napakasagwa at hindi tama na alipustain ang sariling bayan dahil kung kaya niya itong gawin sa sariling bayan ay kaya din niya itong gawin kung siya ay nasa isang magandang bansa.  Sila kasi yung mga tao na maraming reklamo na sa halip tumulong at makiisa ay sila pang masipag magbagsak at mang-iwan sa ere.  Pero hanggat hindi mo kayang tumayo sa sariling paa, hanggang hindi mo kayang magpunta sa bansang gusto mo upang itatwa ang pagka-Pilipino, hanggang mamamayan ka ng bansang Pilipinas ay matuto kang igalang ang iyong sariling bayan, pasalamatan ang Kanyang kayang ibigay at tanggapin kung anu ang mayroon dito at paunlarin mo iyon.  Kung hinahamak, ikinahihiya o inaayawan mo ang pagiging-Pilipino, alalahanin mo na mga Pilipino ang mga taong sinasabihan mo ng iyong pagmamahal, mga nakakausap mo upang ikaw ay malibang, at mga nakakasalamuha mo na nagpalaki, nagpalago at nagpaunlad sa iyo.

Ni Alex V. Villamayor
May 3, 2016

No comments: