Monday, April 18, 2016

PAANO KA MAGSALITA?



Sa kasalukuyang takbo ng mga usapan sa social media na may kaugnayan sa halalan, sa mga nababasa kong pagbibigay ng opinyon at batuhan ng mga salitang masasakit, mga wala sa lugar, matitindi at  maseselan na salita ay masasabi ko na marami pa rin sa mga tao ang kulang sa aral at kagandahang asal kung paano huamawak sa sitwasyon.  May mga propesiyonal na matuturingan pero sipatin mo kung anu-ano ang klase ng mga sinasabi nila, naglalakihan nga ang sweldo ngunit walang pambili ng modo, o mga natuto lamang na gumamit ng internet ay ang akala mo’y kung sino na’ng maalam.  Makikita ito na sa pagpapahayag ng kanilang opinyon ay kayang-kaya nila ang magmura, gumagamit ng mga garapal, maselan, mapanira at mapanglibak na salita.  Kailangan bang gawin ang mga ito para maipakita mo lang ang iyong suporta sa kung sino man ang iyong nagugustuhan?  Madami kasing tao ang napakabilis magsalita o kumilos nang hindi muna iniisip ang maaaring kahinatnan ng kanilang ginawa.  Dito sa mundo ng internet, napakaraming bagay ang hindi totoo at may mga mambabasa naman na hindi marunong magkilatis ng totoo at hindi totoo.  Sila yung mga taong napakadaling pumatol sa nga malisyosong paskil (post) na agad-agad ay sumasagot at nakikipag-away.  Meron namang iba na ang bilis magpakalat ng mga maling impormasyong ikinalat din ng mga tulad nilang iresponsable basta makasira lang sa taong ayaw nila.  Iyung makakita lang ng isang gawa-gawa o hindi magandang bagay, larawan, bidyo at balita tungkol sa isang kandidato ay ipopost agad dahil gusto niyang ikalat agad ang anumang hindi maganda sa tao na hindi nila gusto para ito ay ito ay masira, pumangit at bumagsak.  Pasintabi, pero hindi ba’t ganun ang dimonyo?  Yung ang gusto ay lalong magdusa, masaktan, malubog, malulong sa hindi maganda at mapasama ang mga tao.  Kung ang taong kayang murahin at kutyain ng paulit-ulit ang isang presidente, anu pa kaya ang kaya niyang gawin sa kanyang asawa, anak o magulang?  Sa mga ginagawa nila sa social media ay lutang na lutang ang uri ng kanilang ugali at pagkatao.

Totoo na makikita o makikilala ang isang tao sa kanyang mga ginagawa at sinasabi.  Sa kainitan ng mga usapin at sa mga kumento ng ibat-ibang tao sa social media ay naglipana ang mga taong puro daldal, puro pintas, puro sisi, at puro sabi na ganito ang dapat.  Sa mga pinagsasasabi nila, tingnan nga natin kung sino-sino ba itong mga nagsasalita?  Sila ang mga taong puro salita pero wala o kulang sa gawa.  Sila iyung kung makapagsabi na ito ang dapat o ito ang tama ay akala mo kung sinong marunong, walang kapintasan at kamalian, akala mo ay may kredibilidad na magpayo samantalang sila mismo ang dapat payuhan sa pinaggagagawa at pinagsasasabi nila.  Gasgas na gasgas na ang dahilang paggamit ng kalayaan sa pagpapahayag upang ipagtanggol at bigyang-hustisya ang kanilang asal ngunit ang totoo ay hindi lang talaga nila alam ang ibig sabihin ng kagandahang-asal.  Kaakibat ng kalayaan ay ang responsibilidad, may limitasyon ang kalayaan.  Kaya nga mayroong tinatawag na etiketa ay para siyang gawing pamantayan sa tamang asal at nakakalungkot lang dahil may mga taong tanga na hindi ito alam.  Sa paniniwala nila sa sinasabing kalayaan sa pagpapahayag ay ganito din kaya ang gagamitin nilang paniniwala sa kalayaan upang diretsahang sabihin ang tungkol sa sarili nila?  Ang ibig bang sabihin ay halimbawang kapag ang nararamdaman nila ay gusto nilang pakawalan ang galit sa inililihim nilang madilim na nakaraan na patuloy na umuusig sa kanila, ihahayag ba nila ang kanilang saloobin sa ngalan ng sinasabi nilang kalayaan?   Hindi.  Kung ganon ay bakit nila madalas idinadahilan ang kalayaan kapag ibang tao ang gusto nilang ibunyag pero kapag ang sarili ay hindi?  Kasi masakit o nakakahiya.  Alam pala nila na yun pero bakit ginagawa nila sa kapwa?  Kasi walang paki-alam sa iba.

Ito ang resulta ng may napakadaling magkaroon ng computer o makapasok sa internet ng mga taong hindi naman karapat-dapat.  Ito ang resulta ng masyadong pagpapamihasa sa kalayaan sa pagpapahayag – mga abusado.  Oo, tama ang paniniwala ng mga taong-matuwid na basta kapag nasa katwiran ay kailangang ipaglaban, at kung kailangan ang mamatay sa ipinaglalabang katwiran ay mamamatay.  Pero anung klaseng pagpapakamatay ito?  Totoo na kahit matutong gumamit ng mga makabagong kagamitan, magsalita ng tagalog o inglis at magbihis ng Barong-Tagalog ang isang unggoy ay mananatili pa rin itong isang unggoy.  Hangga ako sa mga tao na kahit may gustong-gustong sabihin at ipagdiinan na opinyon o kahit na nasa gitna ng umuusok na balitaktakan, kahit na mapagitnaan sila ng mga hindi nila gusto o ng kalaban ay nananatiling kampante pa rin, malamig magsalita at hindi pa rin lumilihis sa kagandahang asal – ito ang mga taong may malasakit, malawak na damdamin, takot sa Diyos at may pinag-aralan na kung hindi man sa edukasyon ay sa turo ng mga magulang.

Ni Alex V. Villamayor
April 18, 2016

No comments: