Friday, January 06, 2012

CHESS SA KABATAAN


Isang kahanga-hangang katangian ng isang bata ang magkaroon ng kusang loob na pagkahilig sa paglalaro ng chess.  Dahil isa itong palatandaan ng pagiging mapag-isip, matiyaga at maingat na katangian ng isang tao na nasa napakamurang edad pa lamang.  Ngunit mas higit pa rito, nahuhubog sa paglalaro ng chess ang anumang potensiyal ng isang bata.  Dahil napapalawig niya ang pang-unawa sa kahalagahan ng oras, pag-hawak sa sariling paniniwala at pag-gamit ng diskarte.  Inilalarawan ng larong chess ang kanyang kabutihan at kagalingan sa kanyang kasalukuyang ginagawa.  Sinasalamin nito sa mga kabataan ang katangian ng isang bata upang maging isang siyang kapakipakinabang na mamamayan. 

Mabuti din na kagiliwan ng isang bata ang paglalaro ng chess dahil ipinapakita nito ang pagkakaroon ng mga palatandaan sa isang bata upang maging isang magaling na pinuno ito sa darating na panahon dahil sa kanyang malakas na pag-gamit ng isip sa pagpapagalaw ng kanyang mga tauhan.  Ang larong chess ay pag-iisip, pagpaplano at pagpapagalaw sa mga kilos ng maraming tauhan ayon sa kanya-kanyang papel na minamaniobra ng isang tao lamang – ang manlalaro.  Kinakabisa ng naglalaro ang mga papel ng bawat piyesa.  Saulado niya ang mga kalakasan at kahinaan ng bawat piyesa, alam niya ang dapat na galaw ng bawat isa.  Inaalam ang mga kakayahan, tungkulin at responsibilidad ng mga nito at patatakbuhin niya ang matagumpay na pag-usad ng kanyang buong tauhan tungo sa isang misyon. 

Kung ilalapat sa totoong buhay, sa paglalaro ng chess ay nahuhubog ang kakayahan ng bata na mapa-igting niya ang kanyang kakayahang mamuno dahil natututunan  niya kung paano niya gamitin ang kakayahan at kahinaan ng kanyang mga tauhan.  Inaalam ng isang pinuno ang mga katangian, tungkulin at responsibilidad ng bawat tauhan niya upang malaman niya kung saan lugar niya ito nararapat ilagay.  Sa pamamag-itan ng mahusay na diskarte ng isang pinuno, alam niya ang papel sa buhay ng kanyang mga tauhan at ginagamit niya ito upang isulong ang kagalingan ng kanyang nasasakupan.  Inilalarawan ng chess ang mga taktika sa pakikipaglaban upang iangat at ipagtangol ang isang kaharian, katulad ng pagdala at pag-alaga sa isang grupo, samahan at kumpaniya. 

Ang mga batang mahilig maglaro ng chess ay kadalasan kinakikitaan ng kahusayan sa akademiya.  Madalas ay nakakasama sila sa mga nagunguna sa kanilang pag-aaral.  Ito ay sa kadahilanang natututunan nila na paganahin ang isip hanggang sa kayang maabot nito, gumugol ng maraming oras at magtiyaga hanggang matutunan ang pinag-aaralan.  Nagiging malakas din ang kanilang loob na mag-aral nang mag-isa at sa pamamag-itan ng sariling pagpapasiya ay napapaunlad nila ang kanilang katalinuhan at karunungan.  Nagkakaroon din sila ng lakas ng loob na makipagpag-usap kahit sa mga mas nakakatatanda sa kanila dahil nagkakaroon sila ng kumpiyansa sa sarili. 

Magandang magkaroon ng interes ang isang bata sa paglalaro ng chess dahil nakakatulong ito sa mga magulang sa pag-disiplina sa kanilang mga anak.  Katuwang ito sa pagtuturo sa bata upang maging masikap sa pag-aaral, mailayo sa mga hindi magandang bisyo at magamit ang mga oras sa isang mahalaga at kapakipakinabang na bagay.  Katuwang din sa pagpapalaki ng bata na sa malusog nilang pag-iisip ay matutunan nila ang kahalagahan ng pagpapagana ng isip sa mga sitwasyon na kinahaharap nila sa araw-araw.  Ang chess ay hindi isang madaling laro.  Para sa mga mayroong natural na interes sa paglalaro nito ay hindi ito hadlang ngunit para sa mga gustong sumubok na buhayin ang kanilang interes sa paglalaro nito ay kinakailangan nila ang dedikasyon at disiplina upang matutunan at maisapuso ang kasiyahang nakukuha sa paglalaro ng chess.


By Alex V. Villamayor
November 25, 2011

No comments: