Paulit-ulit na
parang sirang-plaka na narinig nating ang mga OFW ay hindi mayaman.
Maaaring hindi kapani-paniwala dahil nakikita natin na ang naiwang pamilya nila
ay nagpapagawa o nagpapaayos ng bahay, nakakabili ng mga mahal na gamit,
nagpapaaral ng anak sa isang pribadong paaralan, at kapag nagbabakasyon sila ay
nakikita nating panay ang paglalabas ng pera, gasta dito-gasta duon, at laboy
kung saan-saan. Pero ang totoo, marami sa OFW ang walang malaking naiipon
na pera. Kung mali man ang kanilang pamamaraan ng paghawak ng pera o
talagang walang sobrang pera para makaipon, ang suma-tutal nito ay hindi
mayaman ang mga OFW. Totoo na mayroong mga OFW na nagiging talagang
milyonaryo na nakakapagpatayo ng napakalaking bahay, nakakaipon ng malaking
pera, nakakapundar ng mga kabuhayan, at nakakatulong sa mga kamag-anak ngunit
bihira lamang ito. Maaaring napasuwerte talaga sila sa trabaho, o
maaaring walang malaking obligasyong pinansiyal para sa pangangailangan ng kanilang
pamilya kung kaya kitang-kita natin ang kanilang napakalaking pag-asenso ngunit
mangilan-ngilan lang ang ganito. Ang totoo, sa pangkalahatang kalagayan
ay mas marami pa ring OFW ang hindi talaga mayaman at hindi kagandahan ang
kalagayan ng buhay. Kung tatanungin tungkol dito ang isang OFW at kapag
sinabi niyang wala siyang malaking naiipong pera, maniwala kang totoo ang
kanyang sinabi. Hindi niya sinabi na wala siyang pera dahil siya ay nagpapasintabi
o pinagpapauna lamang nila ang kanilang dispensa, o nagbibigay-katwiran at
nagpapalusot lamang siya dahil ayaw niyang gumasta o tumulong kundi iyun ang
katotohanan.
Kung nakikita ng
mga tao na panay ang gasta at punta sa kung saan-saan ng isang balik-bayan o
bakasyonistang OFW – yun ay dahil sa loob lamang ng isang buwan niya magagawa
ang bilhin at puntahan ang mga gusto niya.
Kailangang gawin niya yun dahil iyun lang ang pagkakataon at panahon na gawin
ang mga iyun kaya ang tingin ng marami ay napakarami niyang pera na sunod-sunod
na ginagasta. Pero ipagpalagay na ang isang balik-bayan na iyon ay sa
Pilipinas na nagtratrabaho at gagawin niya ang paggasta ng kanyang pera sa loob
ng isang taon, malamang na hindi na ito mapapansin ng mga tao dahil hindi naman
tututukan ng mga tao ang paggasta ng isang tao sa buong isang taon. Ito sana ang naisip ng mga taong nakapaligid
sa isang balik-bayang manggagawa. Pero sa halip na unawain ay
sinasamantala pa nila ito na hingan at utangan ng pera, kantiyawan, at
tuksuhing mayaman. Sana ay alam nilang hindi ganun kadaling kitain ang
pera sa pagtratrabaho mapasariling bayan o sa ibang bansa man.
Pinaghahandaan ng isang OFW ang kanyang pagbabakasyon na sa mga pasalubong pa
lamang ay malaki na ang nagagastos niya. Pinag-iipunan niya ang
gagastusin ng kanyang buong pamilya sa pamamasyal para magkaroon man lang ng
memorableng bakasyon, mga kailangang bilhing gamit ng mga anak at para sa
bahay, mga babayarang taunang obligasyon. Madami talagang bayarin ang
isang OFW sa loob lamang ng isang buwan niyang bakasyon kaya huwag na sanang
makadagdag pa sa bigat niya yung mga mahihilig mangantiyaw at magsamantala.
Ang hirap kasi sa iba, nagiging
pera na lamang ang sukatan ng paghanga sa kapwa at ginagawang pamantayan ang
mga OFW. Oo, mas malaki nga ang kinikita ng ibang OFW kumpara sa mga
kaibigan niya na nagtratrabaho sa sariling bayan ngunit unawaain po natin na
karamihan sa mga OFW ay mas malaki ang extended family, mas maraming pangangailangan
at mas walang kasigurohan sa trabaho. At siguro ay baka mayroong ngang
mas malaki pa ang kinikita ng nagtratrabaho sa sarili nating bayan kesa sa
isang OFW ngunit dahil walang makitang trabaho sa sariling bayan kaya
napilitang mangibang-bansa. Nakakalungkot
isipin na ang impresiyon natin sa kanila ay mayaman – na kapag OFW ay dapat
mayaman. Sana sana ay iwasan na nating isipin ang
pangkaraniwang pagkakakilala at pag-aakala natin sa mga OFW na sila ay maraming
pera dahil tulad din sila ng marami sa ating mga manggagawa na nasa sariling
bansa. Isipin na lamang sana ng marami na mas mapalad pa rin ang mga nasa
sariling bayan na kasama ang mga mahal sa buhay na hindi kailangang mag-tiis ng
matinding lungkot, pananakit, panlalait at pang-aabuso.
Ni Alex V. Villamayor
April 3, 2016
No comments:
Post a Comment