Thursday, March 31, 2016

PAGBABALIK

Sa maraming beses kong nagbabalik-manggagawa buhat sa ibang bansa ay hindi ko maiwasang isipin ang aking mga pinanggalingan sa tuwing ako ay nagbabakasyon.  Kinalakihang bayan, dating trabaho, mga naging kasama at mga bagay na dati kong ginagawa.  Marami na ang nagbago sa mga dati kong nakikita at nalalaman tulad ng mga nabagong ruta ng mga sasakyan.  Sa pinaka-huli kong pagbabakasyon habang nasa sasakyan mula sa POEA matapos asikasuhin ang mga papel para sa aking pagbabalik-manggagawa ay hindi ko maiwasan ang magbalik-tanaw nang mapadaan ang aking sinasakyang FX sa tila isang pamilyar na lugar at nakita ko ang gusali ng dati kong pinapasukang trabaho.  Sa Ortigas Center, napadaan ang sasakyan sa harapan ng Tektite Building na bagamat marami na ang mga bagong katabing gusali at establisiyementong pangnegosyo ay naruon pa rin ang ilang palatandaan at bakas ng dating lugar nuong dekada noventa.  Nagbalik sa aking isip ang mga mahahalagang ala-ala nang mga panahong pinipilit kong gampanan ang aking trabaho at pagkasyahin ang nakukuhang kabayaran dito.  Naala-ala ko yung mga panahong nilalakad ko ang daan papunta sa pasukan ng gusali hanggang sa ika-24 na palapag, ang pagwiwithdraw sa ATM na nasa ibaba ng gusali sa natitirang pera ng aking ATM card kahit malayo pa ang a-kinse o katapusan, ang inggit ko sa mga nakakasabay kong kaedarang empleyado na tila hindi namumrublema sa gastos, ang pagtitiis sa mahaba at matagal na pila ng jeep dahil hindi ko kaya ang sumakay sa mabilis ngunit mahal na pamasahe sa FX, ang maagang paggising upang umabot sa biyahe at ang patitiis ng gutom kapag nasa labas. 

Taon ng kalagitnaan ng dekada otsiyenta ay hindi ko magawang kumain nuon sa kilalang Jollibee dahil bilang estudyante nuon sa JRC ay limitado lang ang baon ko. Nang makapag-trabaho na ako, hindi ko pa rin magawang kumain sa Jollibee dahil nakokonsiyensiya ako na habang ako ay kumakain ay alam kong ang mga kapatid ko ay di pa nararanasang kumain dito.  Kaya sa halip na pagbigyan o pabuyaan o handugan ko ang aking sarili mula sa tinanggap kong suweldo na pinagpaguran ay pinapasalubungan o dinadala ko na lamang sila sa Jollibee kapag nakakaluwag ako.  Ngayon nagbabakasyon ako, sinamantala ko na ang pagkakataong ito na bigyang-layaw ko naman ang aking sarili na makakain sa Jollibee nang mag-isa nang walang pangungunsensiya sa sarili na hindi ko magawa nuon.  Sa pagkakataong ito, binalikan ko ang gustong-gusto kong kainin nuon sa Jollibee na spaghetti, French fries at burger.  Oo, masaya ako na nagagawa ko ito ngayon pero iba na ang dala nitong kasiyahan.  Hindi tulad ng inaasahan ko nuon kung magawa ko ito nuon.  Tulad din ng tanong ko sa sarili ko na, bakit kaya nagbago ang timpla ngayon ng Spaghetti?  Dahil ba sa kalagayang pang-ekonomiya ng bansa ay kailangang baguhin ang ilang sangkap ng pagkain upang umangkop sa kalagayang pang-ekonomiya?  Hindi lamang sa paligid nagkaroon ng pagbabago kundi kahit sa mga pagkain.  At aaminin ko, hinahanap ko yung mas gusto kong dating timpla ng Spaghetti.

Sa aking pagbabakasyon, naging bahagi din ng aking pagbabalik sa nakaraan ang Kuwaresma.  Matapos ang mahigit labing-limang taon na hindi ko nakikita ang Mahal na Araw, muli kong nakita kung paano ito gunitain. Sa aking pagbabakasyon, binalikan ko ang mga dating tanawin sa tuwing panahon ng Semana Santa sa aking bayan. Pabasa, penitensiya, senakulo, prusisyon, panulungan sa pagluluto, Linggo ng palaspas, pagbabantay sa simbahan, estasyon ng Krus, mga misa, Sabado de Gloria, Pasko ng Pagkabuhay, salubong, at ang makapal na bilang ng mga tao sa Dona Aurora - Ibaba. Ang Semana Santa ang pinaka-gusto kong okasyon sa isang taon dahil sa panahong ito ay ramdam ko ang aking kababaan at pagpapakabanal. Mawalang-galang na lamang po sa mga hindi kapanalig, kaibang paniniwala at sa tumutuligsa, para sa akin ang Mahal na Araw ay paggunita ng dakilang sakripisyo na siyang aking isinasapuso at hindi dahil sa kung ano pa man.  Hindi ito pagtataas at pagdarasal sa mga imahen kundi pagkilala, pag-alaala at pagpapasalamat sa kanilang mga ginawa sa naganap sa pasyon ng Diyos.

Ang kasabihan, lagi nating lilingunin ang ating pinanggalingan upang lagin nating maaala-ala kung paano tayo nagsimula, nagsumikap at nagdasal upang makarating o makamit natin ang ating mga pinagsisikapan.  Dahil kung mayroong nabago sa atin na dapat nating alisin, nagsisilbi itong paalala sa atin ng pagpapakumbaba at pagpapanatili ng ating mga paa na nakaapak sa lupa.  Pagkilala natin ito sa ating mapagkumbabang simula.  Kung anuman ang ating narating, bumalik pa rin tayo sa ating pinagmulan hindi sa pagsasabuhay kundi pagalaala lamang.  Masarap balikan ang mga nakaraan kahit kung minsan ay may kaunting sakit ito kung gunitain.  Hindi ako yung mayroong malaking tagumpay, may mataas na pag-angat o yung malayo ang narating ngunit sa aking pagbabalik-tanaw sa nagdaang pag-hihirap ay natutuwa ako kung ano ako ngayon.  Inuulit ko, hindi ako nakakariwasa o nakakaangat sa buhay, ngunit kumpara nuon ay mas nagagawa ko ngayon ang aking mga gusto ayon sa kakayahan ko.  Sana ay paglipas pa ng ilang panahon, kumpara naman sa ngayon ay sana’y kaya ko ng makamit ang mga mas malalaki at mararangya kong gusto.

Ni Alex V. Villamayor
March 31, 2016

No comments: