Tuesday, October 21, 2025

KAMUSTA KA, SELF (2025)

1975. Kamusta ka diyan self? Balita ko ibang-iba na ang buhay natin diyan. Sama ako.

2025: Diyan ka muna, samahan mo sina tatay at nanay. Kasi dito, mag-isa na ako ngayon, hindi ko na sila kasama. Enjoyin mo lang ang buhay diyan kasi ngayon kapag nagbabalik-alaala ako, ang dami kong pinanghihinayangan na sana ay ginawa ko. Huwag kang laging takot, huwag kang laging inisip baka pagtawanan o pagkuwentuhan ka ng ibang tao.


Enjoyin mo ang lugar diyan kasi ang daming nagbago dito, Yung silid-aralan natin nung grade-1, yung poso sa hangia, yung mga tanim sa tabing-ilog, iyung bahay natin, at yung liputan. Ngayon ay kung hindi malaki ang nagbago ay wala na ang mga iyan na ngayon ay hinahanap-hanap ko. Ang sarap alalahanin Kung mayroon lang paraan na makabalik ulit ako diyan para lang makita ulit ang mga iyun kahit sandali at isang beses lang.


1985: Ano ba ang nangyarı diyan? Nalulungkot ka pa ba? Punta ako diyan.

2025: Ok lang, hindi dahil masaya kundi dahil natanggap ko na lang. Totoo yung kasabihan na mas masaya nuong araw na bata pa. Ang mga tao ngayon dito ay gustong-gusto nila bumalik nung panahon na bata pa sila dahil mas masaya daw ang buhay at mas tahimik, parang ako kahit alam ko naman ná malungkutin tayo diyan ay gusto kong bumalik diyan. Diyan ka lang, mahirap kasi dito - wala tayo makakasama na karamay sa lungkot at hirap. Oo indepent tayo dahil yun ang itinuro sa akin ng buhay na tinahak ko pero kapag sumapit ka na sa taon ko ngayon, duon mo mararamdaman nanghihina din tayo na kailangan ng karamay. Oo, proud ako na kung anoman ang mga nakuha ko ay pinaghirapan at nakuha ko ang mga iyun nang ako lang mag-isa, walang katuwang, walang kaagapay.


Kaya simulan mong makihalobilo ka sa marami upang makakita ka ng mga totoong kaibigan at masimulan mong buoin ang lalim ng pundasyon ng pakikipagkaibigan niyo upang magkaroon ka ng kaibigang panghabang-buhay. May makikilala ka sa kolehiyo, yung katabi mo sa upuan. Kaibiganin mo Huwag kang matakot na hundi ka makakatapos ng pag-aaral kapag nakipagbarkada ka. Natakot kasi ako nuon na hindi makapagtapos ng pag-aaral dahil baka wala akong mapupuntahan kapag hindi nakatapos ng pag-aaral ang tao na tulad natin. Nakatapos ako ng pag-aaral ng walang kaibigan pero malungkot naman ako ngayon. Ngayon ay naisip ko na kung binuksan ko lang ang sarili ko sa pakikipagkaibigan ay baka naging kaibigan ko siya hanggang ngayon, at nanghihiwayang ako ngayon dahil iyun ang wala ako ngayon - matalik na kaibigan.

1995: Na-achieve mo ba yung goal natin na maka-abroad, maka ipon at magkapamilya? Excited ako.

2025: Narito ako ngayon sa ibang bansa na hindi ko naisip na mapupuntahan ko. Yung pera, ang hirap talaga niya ipunin. Akala ko nuon, makapagtrabaho lang ako nang mas malaki ang suweldo kaysa şa trabaho ko sa bangko diyan ay magkakaroon na ako ng dream house natin. Pero hindi naging madali, matagal pa bago ko nakuha at hindi na iyung pinangarap natin na engrande. Sa paglakad kasi ng mga panahon ay nagbabago ang gusto natın depende sa realidad at kailangan natin

Lakasan mo ang loob mo diyan, tibayan mo ang dibdib mo dahil pagdating mo dito ay mag-isa ka na lang. Walang pamilya na inakala natin nuon. Pero huwag kang mag-alala ok naman ako dito, Excited na ako sa buhay ng maging isang senior citizen.


No comments: