Bilang isang
manggagawang nangingibang-bansa, naranasan ko rin ang maki-padala sa mga
nagbabalik-bayang kaibigan. Iyun yung panahong hindi pa ako nakakaranas
na magbakasyon at nung nasa ikalawa at ikatlong taon ko pa lang bilang isang Pilipinong
Manggagawa na nasa Ibayong-Dagat (OFW). Dahil
ang totoo nito ay iba ang hatid na saya ng pagpapadala ng kahit maliit na bagay
lang dahil alam mong matutuwa sa iyong ibibigay ang iyong pamilya na nasa
Pilipinas. At bilang isang bakasyonistang OFW, naranasan ko rin ang
magdala ng mga ipinapadala para sa pamilya ng nasa ibang bansa. Tanawan lang naman ng utang ng loob. Kung ikaw ay nakisuyo nuon na makidala ng
kung anuman para sa iyong pamilya, bilang pagganti ay dapat lamang na ikaw ay
makisama din na tanggapin kung may ipinapakisuap na padala ang iyong kasamahan.
Tama na sa akin
ang maranasan ang makisuyo na makapagpadala ng dalawa o tatlong beses at
itinigil ko na ito bago ko pa ito makaugalian.
Dahil nakita ang mga bagay na nangyayari sa pagpapadala at naunawaan ko
kung paano ang nagiging kalagayan ng mga tao na ating pinakikiusapang maghatid
ng ating mga ipinapadala. May panahon na
dahil kailangan kong tumanaw ng utang ng loob at makisama ay ang mga sarili
kong bagahe mismo ang binabawasan ko upang hindi ako lumampas sa tamang timbang
ng bagahe. Mula sa naka-ayos ng mga
gamit ko ay kailangan kong alisin ang ilan upang magkasya sa lalagyan ang mga
ipinapadala ng ibang tao. Kailangan kong
gawin iyon dahil nung mga panahon na ako ang nakikiusap ay pinagbibigyan nila
ako, kaya ngayong ako naman ang napunta sa kaparehong lagay nila ay kailangang
pagbigayan ko rin sila. Kaya isa sa
aking natutunan ay ayoko ng makadagdag pa sa bagahe ng magbabakasyong OFW kung
kaya iniwasan ko na ang magpadala.
Iniwasan ko na ang
makisuyo ng padala dahil ayokong makaabala.
Kadalasan at karaniwan, ang isang bakasyonistang OFW ay minsan lamang sa
isang taon kung makapagbakasyon na tumatagal lamang ng tatlumpu’t isang
araw. Kailangang maghabol na masulit ang mga araw sa pamilya dahil sa dami
ng panahon, pagkakataon at mahahalagang pangyayari na hindi naranasan kasama
ang kanyang pamilya ay kulang na kulang ang 31 araw upang mabawi ang mga
nagdaan. Kaya hanggat maaari ay ipaubaya
na lamang natin sa bakasyonistang OFW ang mga araw na ito sa kanyang pamilya,
kamag-anak at kaibigan. Mahalaga ang bawat araw, ang bawat sandali ay
ginto ngunit nababawasan ito sa pag-aasikaso ng balik-bayang OFW na maihatid
ang mga ipinadalang gamit ng mga kasama sa kani-kanilang pamilya. Ang paghahatid ng padala ay
responsibilidad. Pananagutan ito na
iniatang sa kanya na mapasakamay ng mga kinauukulan. Obligasyong maibigay ang kasiyahan ng
nakikipadala papunta sa pupuntahan, kung minsan ay mayroon pa ngang araw na
kailangang makarating. At alalahaning maibigay nang walang magiging
aberya mula sa paglabas pa lamang ng bansang pinagtratrabahuhan hanggang sa
makapasok sa sariling bansa. Ayokong
bigyan ko pa ng obligasyon ang mga magbabakasyon.
Kung lagi mo rin
lamang gusto na padalan ang iyong mga mahal sa buhay sa tuwing may mga kakilala
kang magbabalik-bayan ay bakit hindi ka na lang magpa-cargo isang beses sa
isang taon? Alalahanin sana natin ang
abala at alalahanin ng mga taong pinakisusuyuan natin mapa-pauwi at pabalik ay
nakikipadala pa rin tayo. Sa karanasan
ko bilang isang OFW sa Gitnang Silangan ay mahirap at nakaka-kaba ang magdala
ng mga ipinapadala ng ibang tao. Upang
makaiwas sa anumang problema, may mga pagkakataon na kailangan ko pang magbayad
sa mga “marunong” upang ipasuri ang isang bagay na dadalin ko papasok sa
napakahigpit na bansa. Oo naroon ang
pagtitiwala sa kasama ngunit hindi mo maiiwasan ang matakot na paano kung,
sadya man o nagkataon o nagbiran lang, na mayroong kontrabando sa ipinadala na maaaring
buhay mo ang maging katumbas?
Nakakatakot, sana ay maunawaan ito ng mga nakikipadala lalong-lalo na
iyung mga pabalik sa bansang ating pinagtratrabahuhan.
Ni Alex V. Villamayor
April 5, 2016
No comments:
Post a Comment