Friday, January 20, 2017

ANG AMING BAHAY

Maliit lang ang harapan ng bahay namin ngunit sa magkakaibang pagkakataon, pinagkasya kong pagtaniman iyon ng mga halaman tulad ng pechay, okra, mga San Francisco, Celia, Five Fingers, Dapo, kahit kaktus, may taon na kahit Bermuda grass ay aking itinanim at marami pang iba na hindi ko alam ang mga pangalan.  Ang maliit na bakuran na ito na naging lagayan ng kulungan ng aming rabit, talian ng aso, minsan na ring pinaglagakan ng hawla ng ibon, lagayan ng drum, naging labahan at naging garahehan ng tricycle.  Ito ang lugar na madalas magharap-harap para mag-usap-usap at lugar na pinupuwestuhan kapag nanonood ng prusisyon.  At oo, maliit man ito ay dito rin nagluluto kapag naisipan ng mga kaibigan na magkainan sa bahay namin.  Marami na itong nasaksihang mga kwento at naitagong ala-ala.  Ang dating halamang Violeta na nagsisilbing bakod, lumipas ang panaho’y naging kawayan hanggang paderan at nilagyan ng mga bakal upang siyang maging matibay na bakod. 

Matanda na ang bahay namin.  Dito nagsimula ang mga magulang ko nuong unang bahagi ng kanilang buhay.  Lumaki kaming lahat na magkakapatid dito at dito na rin kami tumanda.  Sa mahabang panahon ay ito ang aming naging kanlungan, silungan at tahanan kaya mahal ko ito kahit luma ng tingnan, marami ng kinumpuning sira at napag-iiwanan na ng mga katabing-bahay.  Marami akong ala-ala na nakapaloob dito tulad pag-gawa ko ng mga latang kaladkad tuwing bagong taon, mga inipon kong tansan na ginagawang laruan, pag-aalaga ng gurame, pamimintana tuwing umuulan, pag-akyat sa bubungan, takot sa pag-bukas ng ilaw kapag sumasapit ang gabi at kapag walang kuryente at marami pang iba.  Ang kuwarto, balkonahe at banyo ay minsang naging saksi sa mga kalungkutan ko hanggang sa pag-iyak ko.  Nuon pa, bata pa lang ako ay palagay na ang loob ko kapag ako ay nasa loob ng aming bahay dahil dito ay wala ng ibang tao ang nakatingin sa akin.  Hindi ito malaki, magara at maganda pero gustong-gusto ko ito at naging katulong ako sa pag-aalaga dito upang manatili ito sa loob ng mahabang panahon.  Kapag bagong isis ang aming sahig o hagdan, nakakapagod man ay kapag natapos ko na ang gawain ay maginhawa ang pakiramdam ko.  Siguro ay dahil malamig ang sahig na kahoy kapag bagong kuskos.

Hindi ako metikuloso at maselan pagdating sa kalinisan sa bahay na yung tipong kahit kaliit-liitang alikabok ay nakikita o iyung kahit sandali ay hindi nagugulo at dumudumi ang bahay.  Iyung nasa tamang lugar lang ang kinalalagyan ng mga bagay-bagay ay sapat na sa akin.  Ibig kong sabihin, kung ang silid-kainan ay para lamang sa pagkain, ayaw kong makakakita ng mga gamit at bagay na hindi pang-kainan tulad ng sapatos, sampayan ng damit, tv at iba pa.  Kahit sa salas, ayaw kong makakakita ng mga laruan, gamit sa eskwela o gamit sa pag-aayos sa sarili.  Ang gusto ko, kapag salas ay sopa, lamesita at may ilang litrato lamang ang naroroon.  Sa kusina, kuwarto at balkonahe, ayaw ko ng maraming abubot na mga naka-lagay at walang maraming kulay na nakikita.  Kung ang tema ko ay puti, hanggat maaari ay ayaw kong mahaluan ng ibang kulay ang aking gamit.  Kaya ayaw ko ng marami, naglalakihan at magagarbong gamit at kasangkapan ang naka-hilera sa loob ng bahay.  Mas kakaunti ang mga nakikita ay mas maganda sa akin dahil mas maaliwalas at mas malinis.


Luma na nga ang aming bahay ngunit luma man ito ay matibay naman at buo ang loob nito dahil na rin siguro sa mga nakapamahay na nag-aalaga dito.  Mula nuon hanggang ngayon ay dito pa rin ako umuuwi.  Mahal ko ang aking kinagisnan at kinalakihang bahay na itinayo ng aking mga magulang dahil dito nabuo ang aking pagkatao.  Kung sakaling magkakaroon ako ng sarili kong bahay, aalagaan ko ito kung paano ko inalagaan ang aming matandang bahay at ilagay ko dito kung ano ang mga nasa puso at isip ko.  Mula sa silid-tulugan, palikuran at paliguan, silid-kainan, lutuan at pamingalan, bodega hanggang sa pinto, dungawan, haligi, dingding, kisame, sahig at bakuran – gusto kong makita sa mga ito ang lahat ng aking nalalaman, paniniwala at kagustuhan.  Payak lang ang gusto kong maging bahay dahil ang ganuon din ang aking ugali, personalidad, pangarap at buhay.

Thursday, January 19, 2017

PAGMUMURA

Pamilyar na sa ating pandinig ang pagmumura.  Madalas ay bukam-bibig na ito sa kanto, mga pambulikong lugar, umpukan ng mga nagkakasayahan at sa mga lugar na mayroong nag-uusap.  Ngunit kahit pamilyar na ito sa pandinig natin ay hindi pa rin natin ito matanggap bilang isang kaaya-ayang salita.  Aminin nating mga nasa hustong gulang na, sa murang edad natin nuon ay alam na alam natin na hindi magandang pakingan ang pagmumura.  Itinuro ito sa atin ng mga magulang natin at maging ng ating mga guro nuong tayo ay nag-aaral pa.  Maaaring ang iba nga sa atin ay nasampal sa bibig ng kanilang mga magulang, o marahil ay kinuskos pa ng asin ang bibig dahil sa pagmumura.  Ang mga ito ay upang maiwasan ang pagmumura dahil ganun kasama ang kapintasan ng pagmumura.

Maaaring sa mga palabas o pelikulang napapanood natin ay naririnig natin ang pagmumurahan ng magkakapamilya at magkakaibigan.  Nakakarimarim ang ganitong mga eksena.  At bagamat ito ay mga palabas lamang ngunit maaari itong mangyari sa totoong buhay na siyang mas nakakabahala.  Dahil ang pagmumura ay bugso ng hindi mapigilang sobrang galit na nagpapakita ng kung anung pagkatao ang mayroon ka.  Iyung kung kayang murahin ang magulang, anung klaseng anak iyon?  Iyung kayang murahin ang anak, anu pa ang kaya nitong gawin sa sariling dugo’t laman?  Iyung kayang murahin ang Pangulo at ang mga iginagalang na tao, anung klaseng mamamayan ito?  O iyung kayang murahin ang Diyos……, anung klaseng tao na ito?  Anung konsensiya ang mayroon ka na murahin ang pinakamakapangyarihan sa lahat at kinikilala ng mas nakararami?

Hanggat maaari ay iwasan ang magmura dahil sa oras na murahin mo ang isang tao, magsisi ka man ay mahihirapan mo ng mabawi ang naramdaman niya.  Mas lalo na sa sarili mong anak o magulang dahil sa oras na murahin mo ang sarili mong dugo at laman ay nilapastangan mo na ang sarili ninyong pamilya.  Bukod sa nakakawala ito ng paggalang at nakakabawas ito ng respeto, paano mo pa ipagmamalaki ang pamilya mo kung sarili mong dugo ay minumura mo?  Bagamat pagkatapos mong mamura, kasunod nito ay ang pananakit nang pisikal ngunit mabuti pang saktan mo na lamang ang mahal mo sa buhay kaysa sa murahin dahil mas matalas ang ating dila na sumusugat sa ating puso na matagal kung maghilom kaysa sa galos sa panlabas na katawan natin na tapalan lang ng gamot ay kusang gumagaling.

Nakakalungkot na may mga ganitong katotohanan.  Nakakalungkot na may mga dila na nahasa na sa pagmumura.  Nakakalungkot na may mga bibig na sanay na sanay na sa salitang ito.  Sinasabi nilang ito ay pangkaraniwang ekspresyon, pananalita o pagpapahayag lang ng nararadamang pagkalumo na hindi dapat masamain, damdamin at siryosohin.  Ngunit pansinin, hindi naman sa panghahamak ngunit karamihan sa mga nagmumura ay iyung mga nasa magulo at maingay na lugar, laking-kanto, walang aral at mga may hindi magandang ugali.

Sa buong buhay ko simula nang ako ay sumapit sa tamang pag-iisip, kahit anung galit ko sa isang ay hindi ko kayang murahin ang aking kapwa at siguro ay bilang balik ng karma ay hindi ako nakaranas na murahin.

Friday, January 13, 2017

MGA PAGKAING-BABOY

Bagamat hilig ko na nuon ang pagkain ng ibat-ibang gulay, walang duda na naging suki ako sa pagkain ng baboy lalong-lao na kung ito ay iniluto sa paborito kong sinigang o nilaga.  Tuwing Sabado o Linggo, madalas ay Sinigang na Baboy ang iniluluto ng aking tatay at nanay na natutunan ko ring lutuin gamit ang sariwang sampalok.  Mas maasim ay mas masarap lalo na kapag ang karne ay malambot na halos ang taba ay mala-gulaman sa lambot na humihiwalay na sa laman.  At ang sangkap ay gabi, labanos, kamatis, okra, sitaw at talbos ng kamote.  At para makumpleto ang sarap, nilalagyan ng isang siling maanghang na pipisain sa patis.

Nang ako ay makapagtrabaho sa ibang bansa na ipinagbabawal ang pagkain ng karne ng baboy, akala ko ay hahanap-hanapin ko ito.  At akala ko ay ito ang aking unang hahanapin sa oras na ako ay umuwi ng Pilipinas.  Ngunit ang totoo nito, sa loob ng unang isang taon kong pagtratrabaho sa Gitnang Silangan ay hindi ko kinasabikan ang pagkain ng baboy at hindi ko na ito hinahanap nang ako ay umuwi ng Pilipinas.  Bukod sa hindi ko na magustuhan ang lasa nito ay nababahuan ako kahit habang niluluto pa lamang ito.  Sa mga usok na nanggagaling sa nilulutong sinigang na baboy ay amoy na amoy ko ang amoy ng isang kulungan ng baboy.

Walang kinalalaman sa Paniniwala ang hindi ko pagkain ng karne ng baboy, Bagamat ang pagkakasulat dito ay marumi ito dahil sa kanyang mga kinakain, ihinalintulad din ito sa gawa ng mga makasalanan na lalo pang nagpapakalublob sa kasalanan tulad ng baboy na lalo pang nagpapakalublob sa putik, hindi tulad ng isang tupa na kapag nahulog sa putikan ay umaahon at nililinis ang sarili.  Ayaw ko ng baboy hindi dahil sa relihiyon dahil kung anu ang naunang nasulat tungkol dito ay nilinis na sa ikalawang Tipan.  Nalaman ko lang na hindi ito magandang kainin para sa ating kalusugan.  Bukod sa isa ito sa sanhi ng maraming sakit dahil sa taglay nitong mataas na kolasterol, ang karne ng baboy ay nasa klasipikasyon ng red meat na ang ibig sabihin ay hindi masustansiya.

Sa ngayon, mabubuhay ako ng walang baboy.  Ang totoo nito ay wala ito sa mga plano kong lutuin.  Hindi ko sinasabi na hindi ako kumakain nito dahil may pagkakataon din na kapag umuuwi ako ay mayroong kaunting sangkap ng karne ng baboy ang nakakain ko.  Pero iyung sabihin na gustong-gusto ko ito, iyung kakainin ito ng isang putahe o kainin ito ng mala-piyesta sa dami ay hindi.  Dahil hindi ako nasasabik dito, yung parang nahihirapan at gagawa ng paraan para matikman ito ulit, at yung sa oras na umuuwi ay binabawi ang mga araw na hindi ito nakain kung kaya kapag nasa Pinas ay hindi pinapalampas ang lechon, lechon-kawali, porkchop, hamon, crispy pata, barbeque, Pata Tim, sisig, at marami pang iba.


Wala naman naging masamang naidulot sa akin ang pagkain ko ng baboy nuon dahil na rin siguro sa malakas ang metabolismo ng aking katawan at nasa kabataan pa ako nuon.  Pero ngayon, sa ngalan ng kalusugan ay hindi ko ito ipagsasapalaran, tutal ay hindi ko naman ito kinasasabikan.  At gusto ko na ang ganito.  Dahil sa huli ay ako at ako lang din naman ang makakaranas, makikipaglaban at magdurusa sa hirap at sakit kapag ako ay nagkasakit.