Tagalog, Bikol, Kapampangan, Cebuano, Ilocano, Pangsasinan, Hiligaynon (Ilonggo), at Waray ang mga pangunahing wika sa Pilipinas ngunit kahit Bisaya, Chavakano o Inglis man, ang lahat ng mga ito ay mahalagang
bahagi ng ating pagkatao at bayan. Ang
ating sariling wika ay ang kumakatawan sa atin at ito ay ang ating pagkakakilanlan. Mayroong mahigit 170 wika ang ating bansa at
ang mga ito ay natatangi sa buong mundo.
Bawat isa ay musika sa ating pandinig.
Kasabay ng pag-usad ng panahon, nangangailangan din ng pag-unlad ang
ating wika. Hindi dapat limitahan bagkus
ay may mga kinakailangang pagbabago sa dikta ng panahon ang maaaring
gawin. Sa pagdaan ng mga panahon ay ginawang
Filipino ang paraan sa pagtuturo sa ating edukasyon upang mas madaling
maunawaan ang pag-aaral at nagbago ang ating alpabeto upang umangkop sa ating
pangangailangan. Napakarami pang
pamamaraan sa makabagong panahon upang maging napakahalaga sa atin ang ating
sariling wika.
Ang mga tao ay maraming katanungan. Kailangan nilang makakuha at makakita ng mga
kasagutan na madaling makakapag-unawa sa kanila. Sa paghahanap nila ng mga kasugutan ay
makakausap ka nila, makakakita sila ng mga mababasa sa diyaryo at internet, at
makakarinig sila sa telebisyon at radio ng mga kapaliwanagan. Dito sa mga pagkakataong ganito natin gamitin
ang pagkakataon upang paunlarain at palaganapin natin ang ating wika. Kung ikaw ay isang manunulat, gumagawa ng
blog o nagbabalak na magsulat ng sariling libro, isulat mo ito sa wika mong
Bisaya, Ilokano o anoman ang iyong wika.
Kung isa kang manggagamot, alagad ng simbahan o tagapagsalita, bigyan mo
ng payo ang mga may sakit, mga nangangailangan at tagapakinig gamit ang iyong
katutubong wika. Kung ikaw ay gumagawa
ng isang pag-aaral sa larangan ng sensiya, sining o kalusugan ay gamitin mo ang
wikang Filipino ng sa gayon ay yumabong at maipalaganap ito. Sa mga ganitong paraan ay mas
magkakaintindihan tayo at tuluyan na nating mapapalaganap ang karunungan, ang
kaunlaran at ang wikang Filipino.
Palakasin mo ang ating wika sa pagsasaliksik gamit ang iyong
diyalekto. Napakaimpluwensiyang salik ang
lenguwahe upang maiangat natin ang antas ng ating pamumuhay at pambansang
ekonomiya. Ngunit alalahanin din natin
na higit sa kaalaman sa pagsasalita ng sariling wika, ang pagiging maka-Filipino
ay maipapakita sa marami pang paraan.
Hindi sa galing sa pagsasalita ng malalim na tagalog o matalinghagang
salita maipapakita ang pagmamahal sa bayan.
Ang inglis bilang pangalawang wikang pambansa ay kailangan ding
pag-aralan upang hindi tayo mapag-iwanan ng mga kalapit-bansa natin. Wala sa pagiging mapagmahal sa wika ang
ikauunlad ng bansa kundi nasa totoong makabayan ng bawat Pilipino. Ang mga bansang Hapon, Korea, Singapore at
Tsina ay malaki ang pagpapahalaga sa kanilang mga wika ngunit yumaman ang bansa
nila dahil sa kanilang matinding pagmamahal sa bayan.
Bilang
Tagalog na aking katutubong wika, pinagyaman ko ito upang mapaunlad ko ang
aking dunong sa pagsusulat. Naging
mahalaga sa akin ang pagsusulat at yinakap ko ito bilang isang pagkatao ko na
bumuo sa akin. Nais kong palakasin ang
aking sarili kaya sinaliksik ko ang mga hindi ko nababatid sa mga salik sa
sining ng pagsusulat. Ngunit anuman ang
iyong wika, ikaw man ay nasa Mindanao, Norte o Maynila, saliksikin mo ang iyong
wika upang ikaw ay manguna mapa-musika, agham, politika o pangkabuhayan man ang
iyong mithiin at upang makatulong ka sa pagpapaunlad, pagpapatagumpay at pagpapalaganap
ng wikang Filipino.